BINALOT ng katahimikan ang buong paligid. Ilang minuto ang lumipas mula nang lampasan sila ng lalaking iyon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila kumikilos. Parang natuod ang katawan ni MacKenzie, lutang din ang isip niya sa mga bagay-bagay. Posible kayang hindi sila nakita ng lalaki, o sadyang nagpanggap lamang ito?Buo ang tiwala ko sa 'yo, nieta... tutulungan ka ng kwintas.
Naalala niya ang sinabi ng kanyang lolo. Maaari ngang may kinalaman ang kuwintas na suot niya, puwedeng ikinubli sila nito sa paningin ng isang Bangkilan.
Hindi kita pipigilan sa nais mong gawin, Mackie, may punto si Mattias kaya hahayaan kitang sumama sa kanya. Isa pa'y magiging bahagi rin ito sa iyong pagsasanay, mas makikilala mo ang kakayahan ng kwintas na iyan para magamit mo sa iyong pakikipaglaban.
Kung ganoon, may bagong kakayahan ang kuwintas na ipinamalas sa kanya. Lihim siyang napangiti at nagpasalamat sa agimat na suot niya.
"Langya! Muntik na tayo ro'n, a!" bulalas ni Mattias. Rinig niya ang paghinga nito nang malalim bago ito kumilos para umupo at isinandal ang likod sa malaking ugat ng puno.
Muli niyang itinago ang kwintas sa ilalim ng kanyang damit. Bumangon na rin siya mula sa pagkakadapa at ginaya ang ayos ni Mattias.
"Mukhang natunugan na tayo, tagilid na ang plano," aniya.
"Sumilip ka pa kasi... hindi 'yon aakyat dito kung hindi ka nakita!" anito.
"Aba! Sinisi mo pa 'ko! Kanino ba 'yong mineral water na gumulong sa gitna ng daan?" Isang matalim na tingin ang ipinukol niya rito.
"Oo na. 'Wag na tayong magsisihan, ang kailangan natin ngayon ay magdoble ingat. Dapat na matunton natin ang lungga nila sa lalong madaling panahon."
Sa halip na sumagot pa ay mas minabuti niyang manahimik na lang. Hindi makabubuti sa kanilang dalawa ang pagtatalo lalo kung maliit na bagay lamang naman ang kanilang pagtatalunan. Tama ang sinabi ni Mattias, kailangang malaman nila ang iksaktong lugar kung saan naninirahan ang mga Bangkilan.
"Kumain muna tayo, alam kong gutom ka na." Kinuha ni Mattias ang dala nitong backpack saka iyon binuksan at inilabas ang baon nila, inihanda pa iyon ng mama niya bago sila umalis kaninang umaga.
"Sige."
Pinakiramdaman niya ang paligid. Mukhang wala namang panganib kaya pagkakataon na nila ito para malagyan ng laman ang kanilang mga sikmura bago tumuloy sa paghahanap.
Kinuha niya ang plastik na baunan na iniabot ni Mattias.
"Salamat," aniya.
"Paano mo nga pala nalaman na may parating kanina?" anito habang inaayos ang hawak nitong baunan ngunit sa kanya nakatuon ang mga mata nito.
Hindi agad siya nakakibo dahil sa tanong ni Mattias.
Nagtanggal siya ng bara sa lalamunan bago nagsalita. "Nakarinig ako ng mga yabag, kaya nga sinabi ko agad sa 'yo, 'di ba? Nasa akin kasi ang atensyon mo kanina kaya hindi mo agad narinig."
"Wow! Ayus, ah... nasa iyo talaga?" anito nang nakangisi.
"Naman! Kumain ka na lang d'yan."
"Mabuti't narinig mo agad, kundi baka naabutan na tayo ng halimaw na 'yon."
Malaking tulong din talaga ang pagiging matalas ng pandinig niya, kahit ilang metro pa ang layo sa pinanggagalingan ng ingay ay tiyak na aabot iyon hanggang sa kanya. Dahil iyon sa kuwintas na suot niya, isa lamang ito sa mga kakayahan na ipinagkaloob nito sa kanya.
Ngunit, tulad nga ng sabi ng kanyang lolo, may hangganan din ang kakayahan ng kuwintas. Para lang itong powerbank na kailangang naka-fully charged; magagamit niya sa oras ng kagipitan.
![](https://img.wattpad.com/cover/170405569-288-k680209.jpg)
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...