MALUHA-LUHA si MacKenzie habang nasasaksihan niya ang paghihirap ng apat na kababaryo na bihag ng mga Bangkilan. Bawat daing at pagmamakaawa ng mga ito ay tila patalim na unti-unting humihiwa sa kanyang puso. Gusto niyang tulungan ang apat na lalaki. Ngunit, ano ba ang magagawa niya? Kahit magsanib puwersa pa sila ni Mattias, siguradong wala pa rin silang laban dahil marami ang bilang ng mga Bangkilan. Isang malaking pagkakamali kung lalantad silang dalawa."Kilala mo ba sila, Zie? Grabe! Hindi ko na kayang pagmasdan ang ginagawa ng mga halimaw na 'yan." Malakas na buntong hininga ang pinakawalan ni Mattias at umabot iyon sa kanyang pandinig.
"Sila ang mga nawawalang tanod sa baryo," malungkot na sagot niya.
"Putragis! Sigurado ka?"
"Oo. Namumukhaan ko ang isa sa kanila."
"Kung gano'n, kailangang makaisip tayo ng paraan para mailigtas sila," anito.
"Tama ka. Pero, mahihirapan tayong gawin 'yang sinasabi mo."
Tama nga ang kanyang hinala na kinuha nitong mga Bangkilan ang mga tanod sa Baryo Mapayapa. Tunay ngang nais ng gulo ng mga nilalang na ito.
Muli niyang pinagmasdan ang isa sa lalaking bihag. Nakahiga na ito sa lupa at halos hindi na makagalaw dahil sa tinamong bugbog sa katawan. Ang lalaking iyon ang tanod na nakasama at tumulong sa kanila noong isinugod nila sa ospital si Manang Carmen. Batid niyang mabuting tao ito, kaya nakaramdam siya ng panlulumo.
Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa itong pahirapan ng mga Bangkilan, gayong sa huli ay pagpipiyestahan lang naman ang mga ito.
"Itigil n'yo 'yan!" Mula sa kung saan ay umalingawngaw sa buong paligid ang may awtoridad na boses.
"Sino 'yon?" tanong ni Mattias. Muli itong nakisilip matapos marinig ang malakas na boses.
"Hindi ko rin alam. Mukhang galing dito," bulong niya. Itinuro niya kay Mattias ang ilalim na bahagi ng kinalalagyan nila.
Hindi nga siya nagkamali. Lumabas ang isang matandang lalaki mula sa ilalim ng kinaroroonan nila, may kasama itong tatlong lalaki at dalawang babae. Magkakasunuran ang mga ito nang lumabas doon. Lumapit ang mga ito sa kumpulan ng mga Bangkilan at nahawi ang pabilog na pormasyon para bigyan ng daan ang mga bagong dating.
Biglang tumahimik at nagsiyuko ang mga Bangkilan na kanina lang ay nagkakatuwaan.
Mabilis ang kabog ng dibdib ni Mackie habang nakatuon ang paningin niya sa nakatalikod na matanda. May hawak itong kapirasong kahoy na siyang ginagamit na tungkod. Puro puti na ang kulay ng buhok, at katulad ng ibang kalalakihan, nakabahag din ito. Ang kaibahan nga lang ay marami itong tattoo sa likod hanggang sa mga braso. Bakas sa tindig nito ang tinataglay na lakas at kapangyarihan.
Ramdam niya ang malakas na puwersang bumabalot sa matanda at sa apat na kasama nito.
"Ang pinuno ng mga halimaw," rinig niyang bulong ni Mattias. "Langya! Kasama pa ang lalaking nakita natin kanina."
Nakaharap nga sa kinaroroonan nila ang lalaking tinutukoy ni Mattias, nakangisi ito habang nakatitig sa apat na bihag na nakadapa sa lupa. Ganoon din ang ayos ng babaeng katabi nito na minsan na niyang nakaharap.
Tandaan mo ang mukhang 'to, Mondragon! Sa susunod na pagkikita natin... titiyakin kong mamamatay ka sa mga kamay ko!"
Hindi niya makakalimutan ang mga binitiwang salita ng babaeng iyon. Naikuyom niya nang mahigpit ang kanyang mga kamay habang nakatitig sa babae. Bigla siyang nanggigil sa halip na mangamba para sa kanyang buhay at kaligtasan.
![](https://img.wattpad.com/cover/170405569-288-k680209.jpg)
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...