Animo'y lumindol ang dibdib ni MacKenzie nang matanaw ang kaibigan. Ibinalya ito ng matandang pinuno ng mga bangkilan, kaya parang bola itong tumilapon sa batuhan. Napuruhan yata si Mattias dahil hindi na ito makagalaw. Lalong bumigat ang dibdib niya't naikuyom nang mahigpit ang mga kamao.
Hindi niya ito magawang lapitan dahil sa dalawang asong gutom na kanina pa siya pinagtutulungang sakmalin. Wala na nga siyang nagawa kundi ang umiwas sa mga hayop na ito. Wala palang silbi ang kakayahan niyang maglaho sa paningin ng bangkilan kapag nasa ganitong katauhan ang mga ito. Hinayupak talaga! Naloko na!
Nang muli niyang lingunin si Mattias, saktong tumilapon ito at bumagsak sa umaagos na tubig na nagmumula sa talon. Masama ito! Hindi puwedeng mamatay ang kaibigan niya!
Akmang tatakbo siya patungo sa lugar kung saan bumagsak si Mattias, nang bigla siyang napahinto dahil sa pagsulpot ng itim na aso sa kanyang harapan. Umangil ito, tumulo ang malagkit na laway sa bibig, at muling ipinakita ang matutulis na ngipin!
Hindi na siya nag-aksaya ng oras. Bawat segundo ay mahalaga kaya siya na ang unang sumugod. Mabilis siyang kumilos, sabay lundag at igkas ng kanyang kanang paa. Walang nagawa ang itim na aso nang tumama ang paa niya sa tagiliran nito. Sa lakas ng puwersang pinakawalan niya, siguradong nabalian ito ng buto. Tumilapon ito nang ilang metro at tumama ang katawan sa matulis na bato. Rinig niya ang pagdaing nito ngunit hindi na niya ito tinapunan ng tingin.
Mabilis siyang tumakbo at hindi na nag-abala pang kalabanin ang isa pa na ngayon ay humahabol sa kanya.
May ilang bangkilan kasama ang pinuno ng mga ito ang nasa gilid ng talon, at nakamasid sa ibaba kung saan dumadaloy ang malakas na agos ng tubig. Walang kaalam-alam sa presensya niya. Pagkakataon na sana niya para sugurin ang pinuno. Ngunit sa mga panahong iyon, mas kailangan siya ni Mattias!
Hindi siya nang dalawang isip, kaagad siyang tumalon sa ibaba at sinuong ang malakas na agos.
"Siguradong patay na ang lalaking 'yun, Apo Flavian."
"Ang lakas ng loob na kalabanin ako! Kulang pa ang buhay ng lalaking iyon!" ani ng pinuno. "Ipunin ang lahat! Oras na upang lusubin ang Sighay!"
Umabot pa sa pandinig niya ang palitan ng mga salita sa itaas. Hindi maaari! Ngayon ay nasa panganib na ang mga kababaryo niya!
Kailangan makita niya si Mattias. Mukhang hindi umaayon sa plano nila ang mga nangyayari.
Hindi niya alintana ang malamig na tubig. Iginala niya ang paningin sa gilid ng ilog, kung saan nagkalat ang mga nakausling bato. Nagbabakasakaling naroon ang kanyang kaibigan.
Ngunit nagdadalawang isip siya. Sa kalagayan nito, imposible yatang magawa pa nitong lumangoy gayong halos lupaypay na ito kanina. Napailing na lamang siya. Kung wala roon si Mattias, suguradong tinangay na ito ng agos sa kung saan. Lalo siyang nanlumo.
Hindi pa rin siya susuko. Hahanapin niya ang binata kahit na ano'ng mangyari. Hinayaan niyang tangayin siya ng agos, aalamin niya kung saan patungo ang ilog na iyon. Umaasa siyang mahahanap ang kaibigan.
HILAM SA LUHA ang mga mata ni Allison. Nanlulumo siyang napasandig sa matigas at malamig na dingding. Tanging ang kakarampot na liwanag mula sa sulong nakasabit sa labas ng kanyang kulungan, ang siyang nagbibigay ng kaunting liwanag sa kanyang kinaroroonan.
Kanina lang ay nabuhayan siya ng loob. Kahit paano ay nagkaroon siya ng kaunting pag-asa nang marinig ang mga boses sa ibaba ng kanyang kinaroroonan. Hindi niya alam kung guniguni lang ba ang lahat ng iyon, para kasing tinig ng kanyang kapatid ang nasagap ng pandinig niya.
Ngunit, ang kaunting pag-asa niya ay unti-unting gumuho nang magkaroon ng sigawan at mga kalabog. Para bang may mga naglalaban sa ibaba. Sa kasalukuyan, muli na namang nilamon ng nakabibinging katahimikan ang buong paligid.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...