Chapter 9

209 25 141
                                    


Mackenzie





Mainit ang panahon dahil tirik na tirik ang araw. Natuyo na ang lupa na kaninang umaga lang ay dinilig nang hindi naman kalakasang ulan. Ngayo'y natuyo na ang lubak-lubak na kalsada, masakit rin sa ulo ang singaw ng lupa. Isama pa ang mga alikabok na malayang inililipad ng hangin sa buong paligid.

Tahimik na nagmamaneho si MacKenzie pauwi sa kanilang baryo. Samantalang ang kanyang abuelo ay mahimbing ang tulog sa katabi niyang upuan.

Sinulyapan niya ito. Napailing siya nang makitang sumasabay ang ulo nito sa bawat paggalaw ng sasakyan sa tuwing tumatapat sa lubak. Parang hinaplos ang puso niya nang masulyapan ito. Simula kagabi ay ngayon lamang ito nakatulog. Batid niyang napagod ang matanda dahil hindi nito alintana ang pag-alog ng sasakyan. Banayad din ang pagbaba-taas ng dibdib nito, talagang mahimbing ang tulog.

Ngayon ang pangalawang araw niya sa kanilang baryo ngunit parang hapung-hapo na rin siya. Sa dami ba naman ng nangyari nang nagdaang araw, parang nauubusan na rin siya ng lakas. Kung nananaginip man siya ay gusto na niyang magising. Kaya lang ay hindi, totoo ang lahat ng mga naranasan niya.

Pakiramdam tuloy niya ay dayuhan siya sa sariling lugar. Sa dami ng mga nangyayari ay mukhang hindi na niya kilala ang kinagisnang baryo. Nasaan na ang baryong literal na mapayapa? Nawawala na, naglalaho na.

Unti-unting nagtubig ang mga mata ni MacKenzie. Ikinurap-kurap niya ito upang pigilin ang nagbabadyang pagtulo ng luha. Ngunit talagang mahirap itong supilin. Mabilis na namalisbis sa pisngi niya ang masaganang luha.

Inihinto niya ang sasakyan sa gilid ng daan, sa tapat ng malagong puno ng Acacia.

Gamit ang dalawang palad ay pinunasan niya ang basang pisngi. Dahan-dahan siyang lumabas sa sasakyan para hindi magising ang natutulog na matanda.

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya. Kahit paano ay gumaan ang kanyang pakiramdam. Malamig kasi ang simoy ng hangin sa gawing iyon dahil sa mayabong ang puno. Hinaharang nito ang sinag ni Haring Araw.

Malungkot niyang tinanaw ang malawak na palayan sa kabilang kalsada. Kulay ginto ito dahil malapit nang anihin.

Umihip ang banayad na hangin dahilan upang mapunta sa kanyang mukha ang ilang hibla ng buhok niya. Hinawi niya ito saka isinabit sa kanyang punong tainga. Napadako ang tingin niya sa suot na pantulog; nakarating siya sa ospital na ganito ang ayos. Hinaplos niya ang natuyong dugo sa kanyang damit. Malungkot siyang napasandal sa gilid ng sasakyan. Muli na namang namuo ang luha sa kanyang mga mata.

"Manang Carmen, kumapit ka lang... kayanin mo. Malapit na po tayo sa ospital," aniya habang hawak ang isang kamay nito.

"H-hindi na yata ako aabot do'n."

"'Wag kang magsalita ng ganyan, Carmen," nag-aalalang sabi ni Mang Anton. Nakaunan sa hita nito ang asawa.

Sila lamang tatlo ang nasa backseat at ang kasama nilang tanod ay nasa unahan katabi ng lolo niya na siyang nagmamaneho ng sasakyan.

Maging siya ay nataranta na rin, hindi na niya alam kung paano ang gagawin. Kakaiba kasi ang lagay ni Manang Carmen. Panay na lang ang haplos niya sa tiyan nito, para kahit paano'y maibsan ang sakit na nadarama ng buntis. Na I.E. na niya ito ngunit masikip ang cervix nito at hindi niya maabot ang ulo ng bata. Iyon ang labis niyang ipinag-aalala, pansin niyang ilang minuto na ring wala siyang maramdamang pagkilos ng sanggol sa sinapupunan nito. Kung pwede lang niyang ilipad ang babae para kaagad na madala sa ospital ay ginawa na niya.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon