Chapter 1

664 111 1.2K
                                    


Balong

Tahimik ang gabi sa Baryo Mapayapa. Sarado na ang mga kabahayan at mahimbing nang natutulog ang mga tao. Maliban lang sa isang lalaki na pasuray-suray habang naglalakad sa gitna ng lubak-lubak na kalsada. Ang tanging suot lang niya ay kupas na pantalon, nakatupi ito hanggang tuhod niya. Wala itong damit pang-itaas, dahil ang damit na dapat ay nakasuot sa kanyang katawan ay nakasabit sa kanyang balikat. Nais niyang ipagyabang ang kanyang malusog na pangangatawan. Kitang-kita ang kanyang malaking tiyan na animo'y nakalunok siya ng isang buong pakwan.

Sariling-sarili ni Balong ang daan, tiyak na uupakan niya ang sinumang humarang sa kanya. Siya ang hari ng kalsada. Malakas ang loob niya palibhasa walang dumaraang sasakyan dahil alas dose na ng hatinggabi. Bitbit niya ang isang bote ng red horse-ang bitamina niya sa katawan.

"S-sa silong ni Ka-ka, m-may taong nakadapa. K-kaya pala n-nakadapa, naninilip ng pa-palaka."

Muli niyang tinungga ang hawak na bote. Matapos ang tatlong lagok, sinipat niya ang daan gamit ang naniningkit niyang mga mata. Nang masigurong tama ang daang tinatahak ay napangiti siya.

Nagpatuloy siya sa paglalakad at muling inulit ang paborito niyang kanta.

Wala rin namang makaririnig sa kanya dahil nasa bungad pa lang siya ng Baryo Mapayapa. Parehong taniman ng tubo ang magkabilaang bahagi ng kalsada na kanyang dinaraanan, kaya okay lang kahit mag-ingay siya.

Makulimlim ang liwanag ng buwan dahil natatabingan ito ng ulap. Ang liwanag na nagmumula sa magkakalayong poste ng ilaw ang nagsisilbing tanglaw sa kahabaan ng kalyeng iyon.

Hindi niya alintana kahit may kadiliman ang kanyang dinaraanan. Sa araw-araw niyang pagdaan sa lugar na iyon ay kabisado na niya ito. Kahit nga nakapikit siya ay alam n'ya kung nasaan ang malalim na lubak.

Mayamaya ay huminto siya. Tinitigan nang mabuti ang nakaharang sa gitna ng kalsada. Napangiti siya.

"K-Kapag sinuswerte ka nga naman." Dinuro niya ito."Gusto mo bang gawin kitang kalderetang aso? Masarap din siguro iyon katulad ng kambing," aniya at tila naglalaway pa dahil sa naisip na lutuin.

Sa laki nito kahit isang linggo siyang uminom ng alak, tiyak na hindi siya mauubusan ng pulutan.

Hindi man lang natinag ang malaking asong humarang sa kanya. 'Di hamak na mas malaki ito kung ihahambing sa isang normal na aso.

Natawa siya. Hindi pa talaga siya lasing dahil naaaninag pa niya ang itim na kulay nito.

"Hindi ka talaga aalis d'yan?"

Pinulot niya ang bato sa gilid ng kanyang paa, saka binato ang aso. Inaabala siya ng hayop na ito! Gusto na niyang makauwi-humilata sa kanyang papag.

Tumalbog sa katawan nito ang batong ipinukol niya.

Nag-umpisa itong humakbang palapit, umaangil habang ipinakikita ang matutulis nitong pangil. Tumulo ang malagkit na likido mula sa bibig nito.

"Huwag kang lalapit. Ihahampas ko sa 'yo 'to!" Itinaas niya ang hawak na bote.

Nang tumapat si Balong sa poste ng ilaw ay lalong nanlaki ang mga mata niya.

"P-paanong? A-anong klaseng nilalang ka? Bangungot ba ito o ano?" Kumurap-kurap siya. Muling tinitigan ang nasa unahan.

Gumapang ang kilabot sa buong katawan niya. Ang malamig na ihip ng hangin na kanina ay hindi niya alintana, ngayon ay unti-unti na itong sumusuot sa kanyang kalamnan. Lumulundag ang puso niya. Dinaig pa niya ang nakipagkarera.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon