Chapter 15

180 17 46
                                    

Pagsilip sa Nakaraan (1932)

Maaliwalas ang panahon nang umagang iyon. Malamig ang simoy ng sariwang hangin at maririnig ang mga huni ng ibon mula sa mga punong kahoy. Larawan ng isang umagang mapayapa, ngunit abala ang lahat.

Bawat isa sa Tribong Sighay ay mayroong ginagawa. Ang mga kalalakihan ay maagang nagpunta sa bukid para anihin ang mga pananim na gulay, ang iba ay nagtungo sa gubat na nasa paanan ng bundok para mangaso. Ang mga babae naman ay nagwawalis sa paligid ng kanilang kubo at nagsisiga naman ng mga naipong tuyong dahon ang ilang matatanda.

May mga binatang nagkukumpulan sa ilalim ng mayabong na puno. Ang iba'y nakasuot ng kangan at bahag, may ilan namang sa halip na tradisyonal na kasuotan ng kanilang tribo ang isuot ay mas piniling magsuot ng kamiseta't pantalong nakatupi hanggang tuhod. Masaya silang nagtawanan at nagpagalingan sa pagsibak ng kahoy.

Samantalang ang mga kadalagahan naman ay nasa tabing ilog. Suot nila ay blusang maluwang ang manggas at makukulay na palda. Abala sila sa paglalaba ng mga kasuotan at telang gagamitin nila sa darating na pagdiriwang. Malapit na kasi ang piging na dinaraos isang beses sa isang taon sa kanilang tribo.

May mga batang masayang naglalaro sa tabi ng ilog. Ang ilan ay naghahabulan, maliban kay Gustavo na nasa pitong taong gulang pa lamang at abala sa panghuhuli ng tutubi. Suot niya'y puting polo na may mahabang manggas, kulay tsokolateng pantalon na ang laylayan ay nakapaloob sa bota na siyang sapin sa paa.

Sa kakasunod niya sa isang kulay dilaw na tutubi ay napalayo siya sa mga kasama. Dahan-dahan siyang humakbang palapit sa malaking bato kung saan dumapo ang tutubi na kanyang sinusundan. Nakapagkit ang ngiti sa mga labi niya habang inilalapit ang mga daliri sa buntot ng kawawang insekto.

"I-sa, dalawa, tatlo! Huli ka!" Bigla siyang tumawa habang hawak ang buntot ng tutubi, masayang pinagmasdan ang kumakawag na pakpak ng insekto.

"Bulaga!"

"Mierda!" Biglang may sumulpot sa harapan ni Gustavo kaya napaurong siya at nabitiwan ang hawak na insekto.

"Nagulat ka ba, kaibigan?" tanong ng bagong dating.

Nalukot ang mukha ni Gustavo at masamang tingin ang ipinukol niya sa kaharap."Sino naman ang 'di magugulat sa iyo, Damian? Bigla ka na lang sumusulpot diyan, e!"

"Ano ba kasing ginagawa mo rito, Gustavo? Bakit wala kang kasama?"

Saka lang na pansin ni Gustavo na medyo malayo na pala ang kanyang narating pero natatanaw pa rin naman niya ang mga kasama.

"Wala lang... nanghuhuli ng tutubi. Ikaw? Nasaan ang kuyang mo?" .

"Nandiyan lang 'yon sa paligid, naghahanap ng pagkain," sagot ni Damian.

"Pagkain na naman? Iyan din ang sabi mo noong isang araw, e... sumama ka na lang sa balay, marami kaming pagkain doon. Bibigyan kita," mungkahi niya.

"Huwag na. Manguha na lang tayo ng Bayabas, baka mamaya pa bumalik si Kuyang," anito habang kumakamot sa ulo.

Tumango si Gustavo. "Sige. Tara!"

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Damian, nagpatiuna na ito sa paglalakad habang nakasunod si Gustavo.

"Gustavo! Gustavo!"

Napahinto sa paglalakad si Gustavo nang marinig ang boses ng kanyang ina sa 'di kalayuan. Agad siyang lumingon sa pinanggalingan ng boses, natanaw niya ang ina na tinatahak ang daan patungo sa kanyang kinaroroonan.

"Sandal---" Nang ibalik niya ang paningin kay Damian ay wala na ito roon. "Sa'n na nagpunta 'yon?"

"Anak! Ano'ng ginagawa mo rito? Hindi ba ang sabi ko'y 'wag kang lalayo?"

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon