Chapter 25

148 12 19
                                    

Kailangan makarating si MacKenzie sa kinaroroonan ni Mattias, bago pa mahuli ang lahat. Nasaksihan mismo niya ang ginawa ni Damian sa tanod. Posibleng ganoon din ang gawin nito sa kanyang kaibigan; iyon ay hindi niya mapapayagan.

Dahan-dahan siyang naglakad-tantsado ang bawat galaw. Wala siyang ibang madaanan kundi sa likuran ng nakahilirang mga bangkilan.

Matapos ang mahigit kinse minutos ay nalampasan niya ang pulutong ng mga bangkilan. Nakahinga siya nang maluwag. Ang problema na lang ay kung paano niyang aakyatin ang malaking batong halos apat na talampakan ang taas. Nasa ibabaw nito ang kanyang kaibigang wala pa ring malay.

Napangiwi siya nang dumausdos ang kanyang mga paa. Hindi niya maabot ang parteng may tipak kung saan puwede siyang humawak para makaakyat. Muli siyang sumubok, at sa ikalawang pagkakataon ay naabot na niya ito. Ouch! Ang sakit sa braso! Lagot talaga sa akin ang kumag na ito. Napaka-eh... tigas ng ulo!

Kaunti na lang. Natanaw na niya ang sapatos nitong nabalutan ng putik. Ibinuhos niya ang lakas para maiangat ang katawan sa ibabaw ng bato—nagawa niya. Habol ang hiningang sumalampak siya sa paanan ng kaibigan. Lecheng to! Kung hindi lang talaga kita kaibigan... ewan ko lang!

Makaraan ang ilang minuto ay napansin niyang gumalaw ang mga paa ni Mattias, nang tumingala siya—gising na ito't nanlalaki ang mga mata. Sinundan niya kung ano ang tinitingnan nito.

Ang lalaking tanod na humandusay kanina at inakala niyang patay na. Ngayon ay nakatayo na ito, ipinilig sa kaliwa't kanan ang ulo na tila ba inaayos ang naputol na buto sa leeg. Wala na rin itong bakas ng sugat. Ang mga mata nito'y nanlilisik, at mayroon na rin itong maiitim na ugat sa mukha hanggang leeg.

Napahawak siya sa kanyang dibdib na mabilis ang tibok. Unti-unting tumayo ang mga balahibo sa kanyang katawan, at nanlamig ang kanyang pakiramdam. I-imposible 'to!

"Magaling! Katulad ka na rin namin," ani ng pinuno, kasunod ang malakas na pagtawa nito. "Bilang pagsalubong... mayro'n akong regalo sa 'yo, Daniel."

"D-daniel?" Itinuro ng tanod ang kanyang sarili.

Ngumiti ang pinuno bago sumagot, "Oo, 'yon ang ngalan mo... at ako ang iyong pinuno. Lahat ng sasabihin ko'y susundin mo. Malinaw ba?" Tangan ang tungkod ay tumayo ang pinuno mula sa trono nito. Lumapit ito kay Daniel.

Walang ano-ano'y mabilis na lumuhod si Daniel sa harap ng matanda. "Masusunod po, mahal na pinuno."

Itinaas ng pinuno ang kaliwang kamay nito. Gamit ang matulis na sungay ng usang nasa dulo ng tungkod... hiniwa nito ang sariling palad.

Nang tumulo ang masaganang dugo ay kaagad itong sinahod ng bibig ni Daniel, animo'y uhaw na uhaw ito. Hindi pa nakontento. Hinuli nito ang kamay ng pinuno, buong kasabikang sinipsip ang sugat, at dinilaan ang palibot ng kamay ng matanda.

"Magaling. Ngayon ay isa ka ng ganap na bangkilan." Ngumiti nang malapad ang pinuno.

Umugong ang bulungan sa pagitan ng mga bangkilang naroroon.

"Bitiwan n'yo ako. Parang awa n'yo na," wika ng matandang tanod, pilit itong kinaladkad ng dalawang bangkilan patungo sa itaas ng malapad na bato—kung saan naroon sina Daniel at Damian.

Mistulang tinatambol ang dibdib ni Mackie. Butil-butil ang pawis sa kanyang noo, at nanlambot din ang kanyang mga tuhod. Gustong bumaliktad ng sikmura niya dahil sa tanawing hindi nakatutuwa. Mas masahol pa ang sumunod na nangyari...

Nang maiakyat ang matandang tanod ay kaagad itong sinunggaban ni Daniel, para itong gutom na hayop na ngayon lamang nakakita ng pagkain.

"D-dan, a-ko 'to si Mang Lauro, m-maawa ka," wika ng tanod. Sinasangga ang bawat pag-igkas ng kamay ni Daniel na may mahabang mga kuko; naging halimaw na ito.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon