Malaki ang mga hakbang ni MacKenzie pauwi sa kanilang bahay. Kailangan kasi niyang ipaalam sa kaniyang lolo ang nakita dahil hindi siya naniniwalang guni-guni lamang niya iyon. Nasa kabilang kanto lang naman ang bahay nila at halos limang daang metro ang layo nito sa kapilya. Lakad-takbo ang ginawa niya, panay rin ang lingon niya sa kaniyang likuran. Para kasing may mga matang nagmamasid sa kaniya kaya hindi mawala-wala ang pananayo ng mga balahibo sa batok niya.Bago siya lumiko sa may kanto ay mas lalong tumibay ang hinala niya. May sumusunod talaga sa kaniya, bagamat wala siyang naririnig na yabag ay hindi iyon dahilan para hindi niya makomperma ang presensya ng nilalang na nasa kaniyang likuran.
Alam kong ikaw 'yan! Siguradong pagsisisihan mo itong ginagawa mo!
Nagtagis ang kaniyang mga bagang. Kahit mabilis ang tibok ng kaniyang puso ay hindi niya hinayaang lamunin siya niyon. Pinanatili niyang kalmado ang kaniyang isip, iyon lamang ang makatutulong sa kaniya sa oras na iyon.
Hindi porke tumatakbo siya ay nabahag na ang buntot niya. Kailangan din ng utak lalo na kung may panganib na nakaabang.
Binagalan niya ang kanyang pagtakbo, tinantiya ang bawat galaw ng kung sinuman ang sumusunod sa kanya. Nang maramdamang sakto na ang distansiya nila'y agad siyang huminto. Walang ano-ano'y bigla siyang pumihit paharap sa kanyang likuran kasabay nang pag-igkas sa ere ng kanyang kanang paa, buong lakas na dumapo iyon sakto sa sikmura ng kanyang kaharap. Bago lumapat ang paa niya sa kalsada ay mahigpit na niyang naikuyom ang kanyang mga kamao, handang padapuin iyon sa mukha ng kalaban sakali mang hindi umobra ang una niyang ginawa. Ngunit hindi man lang nakaporma ang babae sa kanyang harapan, tila natuod ito sa kinatatayuan at hindi nagawang umiwas sa kanyang atake.
Nagmistula itong bola ng football nang tumilapon ito sa gilid ng daan. Tumama ang likod nito sa malaking puno ng Acacia, saka dumausdos pababa ang katawan nito, lupaypay ito nang bumagsak sa lupa. Dahil sa lakas ng puwersa ay naglaglagan ang mga tuyong dahon mula sa itaas ng puno. Halos mapanganga siya dahil hindi niya inaasahan na ganoon kalakas ang sipa niya. Pinakiramdamam niya ang kanyang paa, baka kasi nabali rin iyon dahil sa ginawa niya. Ngunit nagpalipat-lipat lamang ang tingin niya mula sa kanyang paa patungo sa katawan ng babaeng nakasalampak sa lupa.
Ilang minuto siyang nakatitig sa babae. Sinubukan nitong tumayo ngunit hindi nito nagawa. Muli itong napaluhod sa lupa, natatakpan ng mahabang buhok ang mukha nito kaya hindi niya mabistahan nang maayos. Rinig niyang napadaing ito habang nakahawak ang kamay sa balakang. Tumingala ito at marahang ginalaw-galaw ang balikat, rinig niya na nagsisitunugan ang mga buto nito. Mukhang sinusubukan nitong ayusin ang nagkabali-baling buto sa likod at balikat. Iginalaw nito nang paikot ang ulo.
"Sino ka!" Bigla itong natigilan sa ginagawa nang marinig siya.
Masamang tingin ang ipinukol niya rito, kung nakakatunaw iyon ay siguradong lusaw na ang babaeng ito. Ni kaunting awa ay wala siyang naramdaman kahit pa mukhang miserable ang ayos ng kanyang kalaban. Ang mga katulad nito ay hindi karapat-dapat na kaawaan.
Dahan-dahan nitong hinawi ang mahabang buhok na kasing itim ng gabi, kaya nasilayan niya nang tuluyan ang mukha nito; maamo iyon, kabaliktaran ng mga mata nitong nanlilisik at tila punong-puno ng poot.
Biglang may dumaloy na dugo sa gilid ng bibig ng babae. Sa halip na punasin iyon gamit ang kamay ay mabilis nitong inilabas ang dila saka dinilaan ang bahagi ng bibig nito kung saan may dugo. Isang ngiti ang gumihit sa mga labi nito matapos iyong gawin, tila sinadyang ipakita iyon sa kanya.
Nakakadiri ang babaeng ito! Ano'ng akala nito, maiinggit ako? Eww! Napangiwi siya habang nakikipaglaban nang titigan dito.
"Tandaan mo ang mukhang 'to, Mondragon! Sa susunod na pagkikita natin... titiyakin kong mamamatay ka sa mga kamay ko!" Bahagya nitong itinaas ang isang kamay, sapat para makita niya. Naningkit ang mga mata nito habang dahan-dahang ikinuyom ang kamao. Hindi rin nakaligtas sa paningin niya ang pag-igting ng panga nito.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...