Chapter 27

136 11 19
                                    

Habang tumatagal ay lalong nagiging malinaw sa pandinig ni MacKenzie ang boses ng umiiyak na babae. May kung ano'ng bumundol sa kanyang dibdib. Para bang dinudurog ang puso niya sa bawat daing na kanyang naririnig.

Pinagala niya ang paningin sa itaas at naghanap ng puwedeng daanan. Kung tutuusin, kaya naman niyang umakyat sa itaas. Medyo delikado nga lang kung sakaling babagsak siya dahil sa mga naglalakihang bato sa ibaba, ang iba ay mga matutulis pa.

Ganoon pa man, may bahagi ng utak niya ang nagsasabing tulungan ang babae. Pamilyar kasi ang tinig nito na para bang boses ni...

"Sigurado ako... boses ni Allison ang naririnig ko." Kilalang-kilala niya kung paano umiyak ang kapatid.

"Sure ka ba? Baka naman patibong lang 'yan?"

May punto si Mattias, pero malakas talaga ang kutob niya.

"Sure ako! Kailangan nating makaakyat d'yan sa itaas."

"May tiwala ako sa pakiramdam mo, Zie. Tama ka. Baka nga nand'yan ang mga taong hinahanap natin," anito, at saka lumapit sa malaking bato kung saan nakaipit ang sulo. Kinuha iyon ni Mattias, pagkatapos ay itinapon nito sa itaas. Nagpagulong-gulong ang kahoy ngunit hindi namatay ang apoy sa dulo nito, hanggang sa sumampa iyon sa nakausling bato. Kahit paano ay nagkaroon ng liwanag sa itaas. Muling kumuha ng isa pa si Mattias at inulit ang ginawa nito kanina.

"Maaari tayong dumaan d'yan." Itinuro niya ang mga batong puwede nilang kapitan at tapakan paakyat.

"Ikaw na ang mauna, Zie, mas matalas ang mga mata mo kaysa sa akin," ani Mattias habang nakapamaywang at nakatingala.

Tumango-tango naman siya at inayos ang mga patalim na nakasabit sa kanyang baywang. Makaraan ang ilang minuto ay inumpisan na niyang akyatin ang halos dalawampung talampakang taas. Sumunod naman agad si Mattias na kagat-kagat ang puluhan ng patalim nito. Panay ang lingon niya rito para masigurong nakasunod nga ang binata.

Kaunti na lang ay mararating na niya ang itaas na bahagi, nang unti-unting nagbago ang temperatura ng suot niyang medalyon. Agad na kumabog ang dibdib niya. May panganib! Naalerto siya.

Mabilis niyang nilingon sa ibaba si Mattias na halos isang dipa lang ang layo sa kanya.

Biglang nanlamig ang mga kamay niya nang matanaw ang babaeng nakalutang sa likuran ni Mattias. Nakatayo ang mahaba at buhaghag nitong buhok. Nakapangingilabot ang paraan ng pagngisi nito. Samantalang ang kaibigan niya ay walang kamalay-malay sa panganib na nasa paligid.

"Mattias! Sa likod mo!"

Huminto ito sa pag-akyat at saka tinanggal ang nakaharang sa bibig. "Bakit?" Lumingon ito sa likuran, ngunit kaagad itong sinalubong ng kamay ng babae.

Nagpumiglas si Mattias, pilit nitong iwinasiwas ang hawak na patalim. Ngunit mas malakas at mabilis ang bangkilan, nagagawa nitong umiwas. Walang kahirap-hirap nitong binitbit ang binata at pagkatapos ay inihagis ito sa ibaba.




NANG BUMAGSAK si Mattias sa lupa ay napadaing siya. Gumapang ang kirot sa buong katawan niya. Kahit iniinda ang sakit ay naging alerto siya. Mabilis siyang gumulong pababa kung saan bumagsak ang nabitiwan niyang patalim.

"Magbabayad ka sa ginawa mo sa mga apo ko!"

Magbabayad? Utot mo! Tama lamang na mamatay ang mga halimaw na katulad mo!

Agad na lumundag ang matanda sa tabi niya at dinakma ang kanyang likuran. Sakto namang nadampot niya ang kanyang patalim.

Walang ano-ano'y umikot siya at saka inundayan ng saksak ang halimaw na nakahawak sa kanyang damit. Tinamaan ito sa tagiliran kaya nabitiwan siya nito.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon