Chapter 6

313 41 345
                                    


Senior Gustavo






"Mierda!" Napamura si Senior Gustavo nang matisod ang kanyang paa sa nakausling bato. Kasalukuyan niyang binabagtas ang daan patawid sa ilog. Tumalon-talon siya sa ibabaw ng mga bato dahil ito lang ang mabilis na daan patungo sa kabilang ibayo. May tulay naman sana na puwede niyang gamitin upang makatawid ngunit may kalayuan pa iyon at kailangan pa niyang umikot. Aksayado sa oras kung pupunta pa siya roon.

Nang makatawid ay mabilis siyang naglakad papasok sa niyugan na pag-aari din ng kaniyang pamilya. Buo ang kanyang loob. Alam niya kung saan siya pupunta ng mga oras na iyon. Kinakabahan man dahil sa puwedeng mangyari sa gabing iyon pero tumuloy pa rin siya at inihanda ang sarili. Kailangan niyang puntahan ang bahay ng kanyang tauhan para iligtas ito sa panganib na batid niyang kinakaharap nito ngayon.

Hindi niya pinansin ang mahinang buhos ng ulan. Isang manipis na sando at walking shorts na pinatungan niya ng puting roba ang bumabalot sa kaniyang katawan. Halos yumakap na sa katawan niya ang suot na damit dahil bahagya itong nabasa.

Napabuga ng hangin si Senior Gustavo habang mahigpit na hawak ang mahabang tungkod. Kahit madilim ang buong paligid ay balewala iyon dahil ang paningin niya ay kasing linaw ng mata ng isang Aguila. Matalas din ang kaniyang pandinig, kahit isang kilometrong layo ang pinanggalingan ng tunog ay malinaw niya itong narinig.

May ilang residente na rin ang namatay sa lugar nila nang mga nagdaang araw ngunit wala man lang siyang nagawa upang iligtas ang mga ito.

Ang dating tahimik nilang baryo na inalagaan niya nang matagal na panahon, ngayo'y muling humaharap sa pagsubok. Dumadanak na naman ang dugo at nauulit ang mga nangyari noon.

Naging panatag nga ba ang loob ko na hindi magaganap ang sumpa?

Paulit-ulit niyang tinatanong ang kaniyang sarili mula nang mawala ang apo at hindi na rin bumalik ang nag-iisang anak na si Carlos.

Nagkulang nga ba ako?

Sandamakmak na paalala ang ginawa niya pero hindi pa rin ito nakinig sa kaniya. Tunay ngang iba na ang ugali ng mga kabataan ngayon. Kapag pinagbawalan mo, mas lalong nagwawala at ang sariling kagustuhan ang nais masunod.

Siguro ay kasalanan nga niya kung bakit muli itong nangyayari. Sana ay ipinagtapat na lang niya sa apo ang lihim na nag-ugat pa sa kaniyang ama, marahil ay buhay pa sana si Allison.

Lalo niyang binilisan ang paglalakad. Gamit ang tungkod ay hinawi niya ang matataas na damong nakaharang sa kaniyang daraanan. Habang palapit siya sa gitna ng niyugan ay lalong lumalakas ang ingay. Iyak ng mga bata ang nagpabilis sa tibok ng puso niya. Hindi siya papayag na madamay pati ang mga ito. Titiyakin niyang maililigtas ang mga walang muwang na bata. Maging kapalit man nito ay ang sarili niyang buhay.

Ilang metro na lang ang layo niya sa bahay nang matanaw ang malaking butas sa dingding. Nagtagis ang kaniyang bagang, tila bulkang sasabog ang dibdib niya.

Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa bahay. Iniwasan niyang makagawa kahit kaunting ingay dahil alam niyang matalas din ang pakiramdam ng kaniyang kalaban. Nang makalapit ay sumilip siya sa maliit na siwang sa dingding. Kaawa-awa ang sitwasyon ng mag-anak habang nagkukumpulan ang apat na bata sa gilid ng papag at inaalalayan naman ni Antonio ang asawang si Carmen.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon