Chapter 14

236 15 40
                                    

KAUUWI LAMANG sa bahay ni MacKenzie, galing siya sa lamay at wala namang kakaibang kaganapan doon. Iyon nga lang, masyadong tahimik ang gabi kaya naman hindi niya maiwasan na kabahan. Ayon sa kanyang lolo'y senyales daw iyon na may paparating na delobyo sa kanilang lugar. Sa halip na matulog at magpahinga sa kanyang silid ay mas minabuti niyang magtungo sa ilalim ng kanilang bahay, bitbit niya ang itim na backpack.

Isa-isa niyang isinilid sa dalang bag ang mga bagay na puwede niyang magamit sa bundok. Sa una ay ayaw pumayag ng lolo niya na magtungo silang dalawa ni Mattias doon, alam kasi nito na mapanganib talaga ang binabalak nilang gawin. Ngunit nagpumilit talaga siya, gusto niyang subuking hanapin ang mga mahal niya sa buhay. Paano nga kung buhay pa ang mga ito at bihag lang ng mga Bangkilan? Siguradong naghihintay ang mga ito sa tulong na darating kahit pa napakababa ng porsyento na may tumulong sa mga ito. Sa huli ay napapayag din niya ang matanda.

Tinitigan niya ang iba't ibang armas na nakasabit sa dingding. Sinuri kong alin doon ang pwede niyang gamitin sakaling mapalaban sila sa bundok. Ngunit wala siyang maibigan isa man sa mga kampilan at katana na naroon. Masyado kasi itong mahahaba, mukhang hindi siya komportambleng magbitbit noon paakyat sa bundok. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago siya tumalikod at tinungo ang hanay ng mga eskaparate.

Huminto siya sa tapat ng isang eskaparate na halos nalatagan na ng makapal na alikabok. Kunot-noo niyang pinunasan ang salamin gamit ang kanyang kamay hanggang sa malantad sa kanyang paningin kung ano ang nasa loob nito.

"Maganda ang armas na 'yan, nieta. Siguradong magugustuhan mo at babagay sa 'yo."

Hindi na siya nag-abalang lingunin ang matanda. Alam niyang nasa bungad ito ng basement at prenteng nakasandig sa pader habang hawak ang tungkod. Mayamaya pa ay naramdaman na niya ang marahang paghakbang nito palapit sa kanya.

"Pwede ko bang tingnan ito, 'lo?"

"Sige. Iyan din ang naisip kong ibigay sa iyo. Sapagkat, ang armas na 'yan ay pag-aari ng isang babae."

"I-isang babae? Kay lola po ba ito?"

Biglang tumawa ang lolo niya. "Pag-aari iyan ni Ivonna Mondragon-La Viste, ang ikatlong naging tagapangalaga ng kwintas na suot mo."

Agad na nanlaki ang mga mata niya. Nabasa nga niya ang pangalang iyon na nakatala sa lumang libro. Paanong napunta sa pangangalaga ng lolo niya ang armas na iyon?

Binuksan ng lolo niya ang salamin ng eskaparate at kinuha ang bagay na nakasilid doon. Isang sinturon na gawa sa balat ng hayop, sa magkabilaang gilid nito ay nakasabit ang dalawang klase ng armas. Ang isa na nasa kaliwa ay tinanggal ng lolo niya sa lalagyan at saka iniabot sa kanya.

"Ingat lang sa paghawak, baka masugatan ka."

Tumikwas ang dulo ng labi niya dahil sa sinabi ng kanyang lolo, pero kinuha pa rin niya ang bagay na iniabot nito. Isinuot niya ang apat na daliri ng kanyang kaliwang kamay sa maliliit na butas na nasa bandang gitna ng crescent knife. Malamig ang bakal na hawakan at sumuot iyon sa kanyang kalamnan. Napangiti siya nang iangat ang kanyang kamay, bagay na bagay kasi roon ang armas na hawak niya. Kumintab ang talim nito nang tumama roon ang mapusyaw na liwanag mula sa bombilyang nakasabit sa gitna ng basement. Siguradong ibayong kirot at malalim na hiwa ang dulot niyon sa kanyang makakalaban.

"Ang ganda naman nito, 'lo." Napangiti siya habang nakatitig pa rin sa armas. May idea na siya kung paano gagamitin nang epektibo ang bagay na iyon.

"Mas maganda kung gagamitin mo rin ito, nieta." Nakangiti rin ang kanyang lolo nang lingunin niya ito. Bumaba ang tingin niya sa kamay nitong may hawak na double blade dagger, nasa isa't kalahating dangkal siguro ang haba ng bagay na iyon sa tantsa niya.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon