Chapter 16

172 16 41
                                    

NAGLILIPARAN ang mga tuyong dahon sa gilid ng baku-bakong kalsada sa pagdaan ng kanilang sinasakyan. Mataas na ang sikat ng araw, kaya naman maging ang mga alikabok ay pumapasok na rin sa nakabukas na bintana ng sasakyan sa tuwing umiihip ang hangin; hindi iyon alintana ni MacKenzie. Tahimik lang niyang tinatanaw ang mga nagtataasang punong-kahoy sa gilid ng kalsada. Ilang sandali pa'y biglang huminto ang sasakyan sa gilid ng daan.

"Nandito na tayo," sabi ng lolo niya na siyang nagmamaneho ng sasakyan.

Ilang sandali ang lumipas bago lumabas sa sasakyan si Mattias, sumunod din siya.

"Nasa bundok pa nga si Papa," anito. Nilapitan nito ang isang sasakyan na nakagarahe sa unahan nila. Halatang ilang araw na ito roon dahil sa makapal na alikabok na kumapit sa salamin, may mga tuyong dahon na rin sa bubong nito.

"Sa papa mo ba ang kotseng iyan?"

Tumango si Mattias ngunit hindi ito lumingon sa kanya.

"Dito namin natagpuan ang kotse ni Matteo kaya alam din ng papa mo ang lugar na ito. Maaaring sinundan niya kung saan dumaan ang apo ko at ang kapatid mo," pahayag ng lolo niya.

Matapos marinig ang sinabi ng kanyang abuelo ay agad niyang inilibot ang paningin sa buong paligid. Sa ilalim ng mga nagtataasang puno ay nakita niya ang maliit na daanan papasok sa kakahuyan.

"Iyan siguro ang daan paakyat sa bundok," aniya habang tinatanaw ang loob ng kakahuyan.

"Tara na. Maghanda na tayo," sabi ni Mattias. Agad itong bumalik sa sinakyan nila at inayos ang mga dadalhin.

Tumango naman ang matanda nang magtama ang tingin nila.

"Kumilos ka na, nieta. Alam mo na ang mga kailangan mong gawin sakali mang matagpuan n'yo ang kuta ng mga Bangkilan."

"Maraming salamat sa paghatid sa amin dito, 'lo. Tatandaan ko po ang mga bilin n'yo." Lumapit siya rito at mahigpit itong niyakap. Walang kasiguraduhan ang lakad nila ni Mattias, maaaring katulad ng iba'y hindi na rin sila makabalik.

"Buo ang tiwala ko sa 'yo, nieta, tutulungan ka ng kwintas," anito at tinapik ang kanyang balikat. Tumango siya bilang sagot dito.

Matapos ang madamdaming pag-uusap nila ay magkasabay silang naglakad palapit sa kanilang sasakyan. Nang makalapit doon ay agad niyang kinuha ang armas niya na nakapatong sa upuan, ikinabit niya ito sa kanyang baywang. Isinuot rin niya ang kanyang jacket para takpan ang pulang sleeveless, siguradong malamig sa loob ng kakahuyan at para iwas din sa mga kagat ng insekto. Isinunod niyang ilagay sa kanyang likuran ang backpack niyang medyo may kalakihan, naglalaman iyon ng mga kakailanganin nila sa loob nang ilang araw na pananatili sa bundok.

"Ready ka na ba?" tanong ni Mattias, nakahanda na rin ang mga gamit nito.

"Oo. Wala ka na bang nakalimutan?"

"Sa palagay ko'y wala na," anito bago tinapik ang malaking bag at saka iniligay sa likuran nito.

"Mag-iingat kayong dalawa. 'Wag ninyong kalilimutan ang mga napag-usapan natin. Maging mapanuri sa bawat makikita n'yo sa loob ng bundok na iyan. Uulitin ko, mapagbalat-kayo sila kaya kailangan nang dobleng pag-iingat."

"Opo, 'lo. Ikaw na muna ang bahala kay mama," aniya.

"Gagawin po namin ang lahat para muling makabalik kasama nang iba kung sakaling buhay pa sila," turan ni Mattias.

"Sige na, kumilos na kayong dalawa't kailangan ko na ring bumalik agad sa baryo."

Bago pumasok sa loob ng sasakyan ang lolo niya ay muli niya itong niyakap. Nakaramdam siya ng lungkot sa kanyang puso. Ipinapaubaya na niya sa Diyos ang lahat, anuman ang maging kahahantungan nang mga kilos nila. Naniniwala siyang mas mananaig pa rin ang kabutihan laban sa kasamahan, sa pagpapala ng Panginoon ay muli silang makakabalik kasama ng iba pa.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon