Chapter 35

100 7 1
                                    


Antonio

Panay ang hasa ni Antonio sa hawak niyang itak. Tinitigan niya ang nangingintab na talim nito bago lumingon sa mga kasama.

"Wala pa ba si Senior?" tanong niya. Kasalukuyan silang nasa loob ng barangay hall at naghahanda para sa pagruronda ngayong gabi.

"Wala pa nga, eh. Ano? Aalis na ba tayo?" tanong ni Mang Jose. Isa sa mga matatapang na matanda sa kanilang lugar. Nasa singkuwenta na ang edad nito ngunit nagpresinta pa rin itong sumama sa kanila.

"Kailangan nating hintayin ang utos ni Senior," aniya at pinukol ng tingin ang ibang kasamang nakatambay sa labas. Siguro ay nasa sampu lamang sila. Ang ibang mga kalalakihan ay mas minabuting magbantay sa kani-kanilang tahanan.

"Langyang tiktik 'yan, huni nang huni. Tumatayo tuloy ang mga balahibo ko," reklamo ni Mang Ambo. Pinagkrus nito ang mga braso habang nasa tabi ng pintuan at pasilip-silip sa labas.

"Mahina lang naman...inom kasi nang inom ng kape kaya ayan tuloy, masyadong matatakutin," sabat ni Fernan, ang binatang apo ng matandang albularyo sa kanilang lugar. Panay ang hithit ng sigarilyo at buga ng usok nito. "Ibon lang 'yan kaya 'wag kayong mag-alala." Ngumisi ito.

"Hoy! Matanda na ako kaya alam ko kung ano 'yan!" Pinandilatan nito ng mata si Fernan.

Ngumisi lang si Fernan. "Nagpapaniwala kayo sa aswang. Walang gano'n sa panahon natin ngayon, noh!"

"Bahala ka ngang damuho ka. Doon ka nga sa labas at ako'y inuubo sa usok na lumalabas diyan sa bibig mo!" ani Mang Ambo at iminuwestra pa nito ang kamay sa labas.

"Magpakita lang sa 'kin 'yang mga 'yan. Hindi sila sasantuhin nitong sibat ko." Dinampot ni Fernan ang sibat sa tabi niya at nakangising naglakad palabas. Bumuga pa ito ng usok at saktong nalanghap naman iyon ni Mang Ambo, sa inis ng matanda ay binato nito ng tsinelas si Fernan.

"Baka kung saan ka dalhin ng kayabangan mo, Fernan!" pahabol ni Mang Ambo.

Tumawa lang nang malakas si Fernan, gayon din ang iba pang nasa labas.

Mula sa hindi kalayuan ay umalulong nang malakas ang aso. Sinabayan pa ito ng malamig na ihip ng hangin. Unti-unting kumapal ang maitim na ulap malapit sa bilog na bilog na buwan; tila ba naghahanda na itong lamunin ang liwanag nito. Gumuhit din sa kaulapan ang matalim na kidlat, kasunod ay ang malakas na kulog na siyang bumasag sa katahimikan ng gabi.

Agad na napasugod sa labas si Antonio nang marinig iyon. Pinukol niya ng tingin ang kalangitang nag-uumpisa ng ipamalas ang bagsik.

"Masama ito. Nanganganib ang buong baryo kapag bumuhos ang ulan," aniya kasunod ng malalim na buntonghininga. "Nasaan na kaya si Senior?"

"Hihintayin pa ba natin siya? Baka biglang bumuhos ang ulan, mahihirapan na tayong magrunda," sabat ng isang kasamahan nila.

Saglit na nag-isip si Antonio, muli siyang bumalik sa loob ng barangay hall at dinampot ang mahabang itak. "Maghanda na kayo mga kasama, hindi na natin siya hihinta—"

"May parating!"

Naputol ang sasabihin ni Antonio nang marinig niya ang sigaw mula sa labas. May kung ano'ng pumitik sa dibdib niya ngunit hindi siya nagpaapekto rito. Hinigpitan niya ang hawak sa puluhan ng itak at nagmamadaling lumabas."Tabi! Paraanin n'yo ako." Hinawi niya ang mga nagkukumpulan at mga nakaharang sa pinto. "Sinong...?"

"A-Ano 'yan?"

Nakaawang ang bibig ng karamihan at pigil Ang paghinga. Dahil sa liwanag ng ilaw galing sa poste na may isang daang metro ang layo mula sa kinaroroonan nila. Malinaw nilang natatanaw ang puting usok na tila gumagapang sa kalsada. Para itong may sariling buhay na alam kung saan patungo. Sumasabay sa usok ang dalawang pigura na hindi nila makilala kung sino.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon