Chapter 23

157 12 18
                                    


ALA SINGKO y medya ang oras nang tingnan ni Mattias ang suot na relong pambisig. Maaga pa. Lumingon siya sa kinaroroonan ni Zie, mahimbing pa rin ang tulog nito. Isang buntong hininga ang pinakawalan niya bago pumihit paalis. Babalikan na lamang niya si Zie, ngayon ay kailangan niyang sundan ang ama.

Tinahak niya ang mabatong daan patungo sa lugar kung saan niya nakitang nagtungo ang kanyang ama. Binilisan niya ang pagkilos, siguradong hindi pa ito nakakalayo.

"Tang-ina!" usal niya nang dumulas ang kanyang paa. Halos nababalutan na ng kulay berdeng lumot ang mga batong tinatapakan niya, medyo basa rin iyon dahil sa hamog kaya talagang madulas. Mabuti na lang at mabilis niyang na balanse ang kanyang katawan. Kung nagkataon, tiyak na sa bunganga ng kuweba ang bagsak niya.

Nang makabawi ay agad niyang itinuon sa unahan ang kanyang paningin. Bwisit ang hamog na 'to... nawala na tuloy ang sinusundan ko!

Makalipas ang ilang minuto ay narating niya ang tagiliran ng bunganga ng kuweba. Mga tatlumpung metro siguro kung susumahin ang layo niya mula sa bukana nito. Tahimik at wala siyang nakikitang nagbabantay roon. Ilang minuto siyang nagmasid habang nagkukubli sa likod ng puno. Peste! Mukhang nakapasok na sa loob ang sinusundan niya, sigurado siyang sa direksiyong iyon nagtungo ang kanyang ama.

Pumalatak siya at napailing.

Mayamaya ay nakarinig siya ng mga lagatik; parang mga tuyong sanga na tinapakan at naputol.

Mabilis niyang hinawakan ang puluhan ng baril na nakasukbit sa kanyang baywang. Alertado ang kanyang kilos nang ituon ang paningin sa pinagmulan ng ingay. Bingo! Nakahinga siya nang maluwag nang matanaw ang pigura ng isang lalaki, nakatalikod ito sa kanyang kinaroroonan at mukhang paalis na.

"Sandali! Pa!" wala sa sariling sigaw niya.

Lumingon-lingon siya sa paligid, nang masigurong walang ibang naroon ay mabilis siyang tumakbo upang habulin ang ama. Hindi niya alintana ang mga kaputol na sangang nagkalat sa lupa. Gumagawa iyon ng ingay sa tuwing natatapakan niya. Saan na naman nagsuot 'yon?

Huminto siya at muli niyang sinuyod ng tingin ang buong paligid. Bukod sa mga naglalakihang punong-kahoy at mga damong nakalatag sa lupa ay wala na siyang ibang nakita.

Nakaramdam siya ng panghihinayang. Abot kamay na niya ang ama pero nawala na naman ito sa kanyang paningin. Parang may pumipigil na magtagpo silang dalawa!

Sinipa niya nang malakas ang puno na nasa kanyang harapan. Pagkatapos ay mahigpit na sinabunutan ang sariling buhok. Napasandal na lamang siya sa puno dahil sa kawalan ng pag-asa.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. Kahit paano ay kailangan pa rin pala niyang magpasalamat at matuwa-alam na niyang buhay ang ama. Hindi nasayang ang pagpunta niya sa lugar na iyon.

Matapos ang ilang minuto ay napagpasyahan ni Mattias na balikan si Zie, siguradong gising na ito. Baka hinahanap na rin siya nito kaya kailangan na niyang bumalik. Siguradong magkikita pa sila ng kanyang ama, ang mahalagay alam na niyang buhay ito. Nakapagtataka lang na ang bilis nitong naglaho sa kanyang paningin. Napailing na lamang siya dahil sa isiping iyon.

Akmang pipihit na siya paharap nang maramdaman niya ang tila maiinit na hangin na dumadampi sa kanyang batok. Walang anu-ano'y bigla siyang lumingon sa kanyang likuran. Nang biglang...

"Putang-ina!" Awtomatiko siyang napaatras at halos lumabas ang puso niya nang mukha ng babae ang bumungad sa kanya. Ang hininga pala nito ang naramdaman niyang dumadampi sa kanyang batok.

Agad niyang binunot ang baril sa kanyang baywang at itinutok iyon sa babae. "D'yan ka lang... 'wag kang lalapit sa 'kin!"

Ngumiti ang babae. Kung tutuusin ay maganda ito: mayroon kaakit-akit na mga mata, mapupulang labi, makinis ang mukha, at alun-along buhok na kasing itim ng gabi. Iyon nga lang, sablay pagdating sa kulay ng ngipin nito. Madilaw iyon at halatang hindi pa nakakatikim ng toothpaste at toothbrush. Kaya pala biglang sumama ang hangin kanina.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon