Senior Gustavo
Palakas nang palakas ang buhos ng ulan na sinabayan ng malamig na hangin. Sa kamalas-malasan ay nawalan din ng kuryente ang buong baryo kaya naman halos madapa-dapa sa katatakbo ang apo niyang si Mackie. Napansin din niyang humahalo sa tubig ulan ang dugong lumalabas sa magkabilang balikat nito. Napailing siya. Bakas na bakas kasi niya sa hitsura ni Mackie na hindi biro ang pinagdaanan nito sa bundok.
"Sa barangay hall tayo, naghihintay roon sina Antonio at kailangang magamot ang mga sugat mo," aniya kay Mackie. Mas malapit kasi ito kaysa sa bahay nila na nasa ikatlong kalye pa ang layo.
"'Wag kayong mag-alala... mababaw lang naman ito."
Hindi na siya nagkomento kahit na halata namang malalim ang tinamong sugat ng apo. Inalalayan niya ang braso nito nang muntikan na naman itong masubsob. May mali. Nasaan si Mattias? Bakit hindi ito kasamang bumalik ng dalaga? Bumilis ang tibok ng puso niya. Gusto niyang usisain ang apo pero mas makabubuting ipagpaliban na lang iyon dahil kailangan nilang magmadali.
Lumiko sila sa unang kantong nadaanan. May limampung metro na lang ang layo nila sa barangay hall nang bigla siyang napahinto sa pagtakbo. Kinabig niya si Mackie at mabilis na nagtago sa likod ng malaking puno ng Acacia sa gilid ng kalsada.
"Bakit, 'lo? Malapit na, ah!" sabi ng dalaga. Sumandal ito sa puno habang hinahabol ang paghinga.
"Shhh! May mga tao sa labas ng barangay hall, duda ako sa mga 'yan."
"Baka ang mga-"
"'Wag kang maingay," bulong niya kay Mackie. Lumingon kasi sa gawi nila ang isa sa tatlong lalaking nasa harap ng barangay hall. Hindi niya ito kilala. Base sa ayos ng tatlo, pare-parehong magulo ang may kahabaang mga buhok nito. Walang damit pang-itaas, at ang mga pantalong suot ng mga ito ay halos butas-butas na rin dahil sa sobrang kalumaan. "Mierda! Mga dayo!"
Isang buntonghininga ang pinakawalan niya, at saka mahigpit na hinawakan ang tungkod. Nasa paligid na ang mga bangkilan kaya kailangang maging maingat siya. Base sa ikinikilos ng kaniyang apo, nag-alala siyang wala na sa kamay nito ang kuwintas. Hindi niya maramdaman ang kapangyarihan taglay nito. Mukhang tagilid sila. Hindi rin umayon ang panahon sa kanila.
Gumuhit ang matalim na kidlat sa kalangitan, kasunod ang dagundong ng napakalakas na kulog. Napatakip sa tainga ang kaniyang apo at kumawala sa bibig nito ang isang malakas na sigaw. Dahilan para mapalingon sa gawi nila ang tatlong bangkilan.
"S-Sorry, 'lo," bulong ni Mackie. Ramdam niya ang panginginig ng katawan nito. Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin nawawala ang phobia nito sa kidlat at kulog. Para tuloy itong basang sisiw sa tabi niya.
Tinapik niya ang balikat ng dalaga. "Nandito ang lolo, 'wag kang matakot," aniya.
"Hindi ako takot, nagulat lang," ani Mackie.
Napailing na lamang siya at hindi na pinansin ang sinabi ng apo. Muli siyang sumilip sa gawi ng mga bangkilan. Pinag-aralan niya ang kilos ng mga ito. Ang dalawa ay pilit na binubuksan ang pinto, ang isa nama'y sa bintana nakaabang.
"Maghiwa-hiwalay tayo. Doon kayo sa likod maghanap ng madaraanan!" rinig niyang sigaw ng isa.
Sige lang. Mas mainam kung maghiwa-hiwalay kayo. Pabor iyan sa akin.
Walang kahirap-hirap na lumundag ang isa sa bubungan at doon ay gumapang na para bang pusang naghahanap ng dagang mabibiktima. Ang mas maliit ay nagtungo naman sa likurang bahagi ng barangay hall. Ang lalaking may kalakihan ang katawan ang siyang naiwan sa harap. Paulit-ulit nitong sinisipa ang pinto para bumukas.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...