Maaliwalas ang kalangitan nang umagang iyon. Hindi pa gaanong mataas ang sikat ng araw ngunit sapat na iyon para pagpawisan ang ilan sa mga dumalo sa libing ni Carmen.Tahimik na nakamasid si Senior Gustavo sa pamilya ni Antonio na ngayon ay nagdadalamhati. Kulang ang mga salita upang pagaanin ang bigat na nadarama ng mga naulila. Tunay ngang mahirap ang maglibing ng isang mahal sa buhay.
Parang pinipiga ang puso niya habang pinagmamasdan ang tatlong bata na walang tigil sa pag-iyak. Ang bunso ay patingin-tingin lamang sa mga kapatid; wala pa itong alam sa mga nangyayari sa paligid.
"Hindi na ba gigising si Inang, kuyang?" tanong ng nakababatang kapatid ni Bryan. Panay ang hikbi nito habang nakatitig sa puting kabaong.
"Hindi na," sagot ni Bryan. Niyakap nito ang kapatid at malungkot na pinukol ng tingin ang amang nakatayo sa tabi ng kabaong.
Huminga nang malalim si Senior Gustavo. Masyadong mabigat sa dibdib ang kanyang mga nakikita.
Makaraan ang ilang minuto ay tinapik niya ang balikat ni Antonio. "Alam kong mahirap ang pinagdaraanan ninyo ngayon—nating lahat, pero oras na para ilibing natin ang iyong asawa."
Pagkaraan ng ilang segundo ay marahang tumango si Antonio. Malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya bago sumenyas sa apat na tanod na kasama nila. Kumilos agad ang mga ito at pinagtulungang ibaba sa hukay ang kabaong ni Carmen.
Lalong lumakas ang iyak ng mga bata, at napansin din niya ang pagtagis ng mga bagang ni Antonio, pati ang mahigpit na pagkuyom ng mga kamao nito.
"Magbabayad sila! Isinusumpa ko!" sabi ni Antonio habang nakatitig sa hukay na ngayon ay unti-unti nang tinatabunan ng lupa.
Muli niyang tinapik ang balikat ng katabi. "'Wag kang mag-alala, hindi ka nag-iisa sa panahong ito—nandito kami. Pagbabayarin natin sila," bulong niya.
Makalipas ang mahigit isang oras ay tuluyang nailibing si Carmen. Ang mga anak nito ay isinama ng kanilang tiyahin pauwi sa bayan. Pansamantalang doon muna mananatili ang mga ito.
Karamihan sa mga kababaihan at mga bata sa Baryo Mapayapa ay pinalikas muna niya. Ang iba ay nakituloy sa mga kamag-anak sa bayan at katabing barangay. Ngunit may ilang matitigas ang ulo na hindi sumunod sa kanya. Sa halip na sumunod, tinatawanan lamang siya ng mga ito at iniisip na nasisiraan siya ng ulo.
Wala siyang magagawa kung ayaw magsilikas ng mga ito. Ang nais sana niya ay mga kalalakihan lamang ang matitira sa kanilang baryo. Ayaw na niyang maulit at muling masaksihan ang nangyari noon.
Natapos ang mahabang gabing puno ng nakakikilabot na sigawan at mga daing mula sa tribo ng Sighay. Pagkagat ng liwanag ay isang bangungot pa rin ang bumungad sa kanila.
Nanginginig ang katawan ni Gustavo. Kahit saan niya ibaling ang kanyang paningin ay nagkalat ang mga bangkay sa buong paligid. Nakabibinging palahaw ng mga namatayan ng asawa't mga anak ang nagdudulot ng kakaibang tibok sa kanyang dibdib. Parang gusto niyang pumikit na lamang, magbingi-bingihan at isiping isang masamang panaginip ang nangyari.
Muli sana siyang papasok sa loob ng bahay nang may nahagip ang paningin niya. "Papa..." Tumakbo siya palapit sa kanyang amang nakasalampak sa lupa. Ngunit agad siyang natigilan at nanlaki ang kanyang mga mata. "Mama..."
"Gumising ka, mahal ko. 'Wag mo kaming iiwan ng anak mo," turan ng kanyang amang tumutulo ang luha habang yakap-yakap ang kanyang ina. Pilit nitong ginigising ang babaeng halos hindi na gumagalaw.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...