Pagkatapos na matalo ang dalawang bangkilan ay agad na lumingon si Mackie kay Mattias. Ngunit sa hindi inaasahan, wala na ito sa puwisto kung saan niya iniwan kanina.
Sa halip, isang bulto ang bumulaga at may tatlong dipa ang layo nito sa kanya. Kung susumahin, siguro'y nasa anim na talampakan ang taas nito sa tantiya niya. Ang mga balahibo sa buong katawan ay tila kasing dilim ng gabi. Nagbabaga ang mga mata nitong nakatitig sa kanya na para bang sinusuri ang kaloob-looban niya—ang kanyang kaluluwa.
Napaurong siya nang dalawang hakbang. Nakita na niya ang nilalang na ito sa loob ng kuweba. Hindi siya maaaring magkamali. Ang taong paniking kaharap niya ngayon ay walang iba kun'di ang pinuno ng mga bangkilan. Samantalang sa magkabilaang gilid naman nito ay nakatayo ang dalawang malaking asong itim na sa tingin niya'y aabot hanggang sa baywang niya ang taas. May malalagong balahibo at medyo may kahabaan ang mga nguso nito. Bahagya pang nakabukas ang mga bibig na para bang ipinakikita sa kanya ang mahahaba nitong pangil. Inangilan siya ng mga ito kaya muli siyang napaurong. Tagilid siya. Mukhang wala siyang laban kapag nagpapalit ng anyo ang mga nilalang na ito. Hindi gumagana ang kapangyarihan ng kwintas na maikubli siya sa paningin ng mga ito.
"Sa wakas... nakaharap ko rin ang taong pumatay kay Damian. Ikaw iyon, tama ba ako?" tanong nito at saka ngumisi nang malapad dahilan para lumabas ang mga pangil nito. Bahagya pa nitong ibinuka ang malalapad na pakpak.
Tunay ngang kakaiba ang taglay nitong lakas. Presinsiya pa lang nito ay pinagpawisan na siya nang malapot. Ngunit hindi siya pasisindak sa halimaw na ito. Naging alerto siya. Hinawakan niya nang mahigpit ang karambit sa kanyang kanang kamay at saka nakipagsukatan ng titig.
"Kasalanan niya kung bakit siya namatay!"
"Pinahahanga mo ako, babae. Matapang ka nga pero... batid ko kung ano ang kahinaan mo—nakikita ko." Sa isang kisapmata ay naglaho ito mula sa kinatatayuan at nang muli itong lumitaw ay nasa harap na ni Mattias. "Walang iba kun'di ang lalaking ito!" anito sabay dakma sa leeg ni Mattias. Nagpumiglas si Mattias pero wala rin itong nagawa dahil hawak-hawak nina Abarran at Faustina ang magkabilang braso nito.
"Bitiwan mo s'ya, tanda! Mahihina lang ba ang kaya ninyo?" sigaw niya. Akmang susugod siya pero biglang lumundag ang dalawang aso sa harapan niya. Sinunggaban siya nito at muntik nang masakmal ang binti niya. Mabuti't nakaiwas siya.
"Makinig ka, Zie, umalis ka na! 'Wag mong itaya ang buhay mo para sa akin. Mas kailangan ka ng mga taga-baryo at ng lolo mo!" sigaw ni Mattias.
Para bang piniga ang puso niya. Kitang-kita niya ang pagsuko sa mga mata ni Mattias. Panay rin ang lingon nito at tila sinusuyod ang madilim na paligid—hinahanap siya.
Nagtatalo ang puso't isip niya dahil may katwiran naman ang sinabi nito. Pero hindi niya kayang basta na lamang itong iwanan sa ganoong sitwasiyon.
"Hindi. Hindi kita iiwanan—"
"Pabigat lang ako sa 'yo—ni hindi ko na maigalaw itong pesteng binti ko! Mas magagawa mo ang misyon kung... kung wala ako. 'Wag kang mag-alala. Mamamatay akong masaya, basta ipangako mong mananatili kang buhay!"
"Mattias..." Parang may bumara sa lalamunan niya. Magkahalo ang kanyang nadarama. May kakaibang haplos sa puso niya ang mga binitiwan nitong salita. Ngunit sa kabilang banda, para namang pinipiga ang puso niya. Masakit. Tuluyang tumulo ang mga luha niya. Ipinagkanulo niya ang kanyang sarili.
"Tama ako. Ang lalaki ngang ito ang kahinaan mo," turan ng pinuno kasunod ang malakas nitong pagtawa. Nakigaya na rin sina Abarran at Faustina.
"Mga putang-ina n'yo! Anong nakakatawa, ha? Patayin n'yo na 'ko, ano pa'ng hinihintay ninyo?" Muling nagpumiglas si Mattias.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...