Chapter 21:

164 14 40
                                    

Flaviano (1932)

PANGHIHINAYANG, iyon ang isaktong naramdaman ni Flaviano habang tinatanaw niya ang batang si Gustavo. Nagkubli siya sa likod ng malaking puno nang dumating ang ina nito. Ngayon ay hanggang tanaw na lang siya. Masamang tingin ang ipinukol niya sa mag-inang ngayon ay papalayo na.

May araw ka rin sa akin, Gustavo!

Isang malakas na puwersa ang bigla na lang dumamba sa kanyang likuran at itinulak siya dahilan upang masubsob ang mukha niya sa ugat ng malaking puno.

Amoy pa lang ng bagong dating ay batid na niya kung sino ito. Napangiti siya.

"Hindi ka ba talaga titigil sa pagpapanggap na ako, Flaviano! Layuan mo si Gustavo!" sigaw ng kanyang mabait na kakambal. Umibabaw ito sa kanyang likuran at pinagsusuntok siya.

"I-itinigil mo 'yang ginagawa mo, D-damian." Pinilit niyang gumulong at sinalag ang mga kamao nito.

"Ikaw ang tumigil, Flaviano!"

Tunay ngang mahalaga para sa kapatid niya ang batang si Gustavo. Palagi na lang itong nagagalit at paulit-ulit na ipinagtatanggol ang kaibigan nito.

Nang makakuha ng pagkakataon ay sinipa niya ang kakambal dahilan upang matigilan ito sa pagpapaulan ng suntok sa kanya. Agad siyang bumangon at mabilis itong ipininid sa katawan ng puno. Nagbabagang tingin ang ipinukol niya rito. Walang anu-ano ay bigla niyang sinakal ang kakambal. Ito naman ngayon nagpupumiglas at pilit na binabaklas ang kanyang mga kamay na nasa leeg nito.

"May magagawa ka ba kung ayaw kong layuan ang kaibigan mo, Damian!"

"K-kaya w-wala kang k-kaibigan dahil m-masama ang u-ugali m-mo..."

"Ayoko ng kaibigan—lalo na kung isang tao! Pagkain natin sila—'di ginagawang kaibigan ang mababang uri na nilalang!"

Unti-unting humaba ang kuko niya saka iyon dahan-dahang ibinaon sa leeg ng kanyang kakambal. Napangiti siya nang makitang tumulo ang sariwang dugo mula sa balat nito.

"Flaviano!"

Binitiwan niya ang leeg ni Damian nang marinig ang boses ng kanyang Kuyang Darrius. Nang lingunin niya ito'y isang lumilipad na palad ang agad na sumalubong sa kanya at dumapo iyon sa kanyang pisngi.

"K-kuyang..." Namanhid ang kanyang pisngi at pati utak niya ay tila naalog din. Ngunit, pinilit pa rin niyang salubungin ang nagbabagang tingin ng kanyang Kuyang Darrius.

"Ano bang nangyayari sa 'yo, Flaviano? Nais mo bang patayin ang sarili mong kapatid? Ang babata n'yo pa ngunit kung mag-away ay dinaig pa ang nagpapatayan!" namumula na ang pisngi ng kuyang niya, pati litid nito ay lumilitaw na rin.

Nanahimik na lang siya. Wala rin namang mangyayari kung sasagot pa siya. Tiyak na siya pa rin naman ang lalabas na masama, samantalang itong si Damian ang mabait at paborito ng lahat.

"Humanda ka dahil isusumbong kita kay ama! Hindi ba pinagbawalan ka nang pumunta rito sa patag, ngunit ano'ng ginawa mo? Sumuway ka na naman sa utos ni Ama!" dagdag pa ng kuyang niya.

"Di magsumbong ka... magsama pa kayong dalawa!" sigaw niya. Tiningnan niya nang masama ang dalawa, saka siya mabilis na tumakbo palayo.

"Wala ka talagang paggalang, Flaviano, hindi pa ako tapos sa iyo!" sigaw ng kuyang niya. Hindi na niya ito pinansin.

Upang maibsan ang sama ng loob na nadarama ay mas minabuti niyang magpalit ng anyo. Habang tumatakbo siya ay unti-unting gumapang sa kanyang katawan ang kakaibang enerheya, tila ba pinipiga ang kanyang buong kalamnan. Ilang sandali lang ay lumiit na ang kanyang mga paa, ang kanyang mga kamay ay naging pakpak, at nabalot ng itim na balahibo ang kanyang buong katawan. Nag-unahang malaglag sa lupa ang mga kasuotang kinuha pa niya sa sampayan ng mga tao.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon