Malamig ang palagid ngunit ang puso ni Flaviano ay tila bulkan na nagpupuyos at nais sumabog. Nakaupo siya sa kanyang truno na yari sa inukit na bato, kung saan tanaw niya ang may kalakihang espasyo na siyang nagsisilbing bulwagan sa loob ng yungib na kanyang tirahan at ng buong nasasakupan. May malalaking sulo ang nakasindi sa gilid na siyang nagbibigay ng liwanag sa buong paligid. Nasa gitna ang mahabang bato na sadyang pinatag at pinakinis ang ibabaw upang magsilbing lamesa. Nakapatong doon ang bangkay ng tatlo sa kanyang mga kalahi, katabi ng isa pang bangkay na ilang araw ng naroon at hindi pa niya ipinalilibing."Inumin n'yo ito, Ama, upang gumaan ang iyong pakiramdam," wika ng bagong dating na may dalang isang antigong kupeta na naglalaman ng sariwang dugo mula sa kanilang bihag.
"Maraming salamat, Aurelia." Kinuha niya ang kupita at saka iyon dinala malapit sa kanyang ilong, tunay ngang napakabango ng dugong iyon. Sino ba ang mag-aakala na dahil doon ay mapapalaya sila mula sa tila isang sumpa na bumalot sa kanila sa loob ng mahabang panahon. Isang lagok ang ginawa niya, ramdam niya ang pagdaloy ng sariwang likido pababa sa kanyang lalamunan. Medyo mainit iyon, ngunit sadyang napakatamis. Napangiti siya nang maalala kung paano sila lumaya sa pagkakakulong sa tila hawla ng mahika.
"Tatang! Tatang!" tawag sa kanila ng kanyang mga apong sina Abarran at Faustina, kasama ang iba pa.
"Ano't tila humahangos kayo? Mayroon na naman bang nakapasok na tagalabas?" tanong ng kanyang kapatid na si Damian. Nakaupo ito sa sarili nitong truno habang nakamaang sa mga bagong dating.
"Mayroon, Tatang Damian," sagot ni Faustina. "Ilapit dito ang mga dayo!" utos nito sa mga tauhan nila.
Ipinatong ng kanyang mga alagad ang dalawang katawan sa ibabaw ng lamesang bato. Lumapit siya roon at pinagmasdan ang mga dayo. Ang isang lalaki ay wakwak na ang dibdib, naliligo sa sariling dugo habang nakadilat pa ang mga mata. Napangiti siya. Dumako naman ang tingin niya sa katabi nitong babae, buhay pa ito ngunit dahil sa mahinang tibok ng puso ay masasabi niyang hindi na ito aabutin ng isang oras bago mamatay. Humahalimuyak ang mabangong dugo nito, animo'y isang napakatamis na pulot na talagang nakakatakam.
Dinala niya ang kanyang hintuturo sa leeg nitong may malalim na sugat, lumalabas doon ang sariwang pulang likido. Pagkatapos ay ipinahid niya ang daliri sa likidong iyon at saka dinala sa kanyang bibig.
May kung ano'ng malakas na enerheya ang tila pumasok sa kanyang katawan nang matikman ang dugo ng dayo. Bigla siyang napahawak sa kanyang sentido dahil parang pinipiga iyon, mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanyang katawan. Mayamaya ay kasing bilis ng baha ang pagragasa ng nakaraan sa kanyang isipan. Tila ipinakikita sa kanya kung ano ang nangyari noon sa kanyang mga kalahi nang hindi na ito bumalik sa kanilang tribo. Malakas na sigaw ang pinakawalan niya nang masilayan kung ano ang sinapit ng kanilang ama.
"Flaviano, ano'ng nangyayari sa 'yo?" tanong ni Damian, bigla siyang dinaluhan nito at saka inalalayan upang makatayo nang maayos.
"S-si A-ama... nakita ko si Ama!" aniya.
"Ano'ng ibig mong sabihin, Flaviano? Hindi ko maintindihan! Saan mo nakita si Am-"
"Sa isip ko!" mabilis na sagot niya.
Tumawa nang malakas ang kakambal niya. "Marahil ay epekto lamang iyan ng gutom, bayaan mo't nasa harapan na natin ang napakasarap na pagkain," anito.
"Subukin mong tikman ang dugo ng babaeng iyan, Damian. Hindi ako nagbibiro-nakita ko si Ama pati na rin ang iba pa!"
Ngumiti si Damian, ginawa naman nito ang nais niya. Ilang sandali pa ay tila napatunayan na nitong totoo nga ang sinasabi niya. Ipinatikim din nila sa iba ang dugo ng babae, matapos iyon ay inutusan niyang bumaba ang ilan sa kapatagan upang masiguro kung tama ang kanyang sapantaha. Hindi naglaon ay napatunayan nila na ang dugo nga ng babaeng iyon ang nagpalaya sa kanila. Ang dugo na nagmula sa angkan ng mga Mondragon, mula sa supling ng taong pumatay sa kanilang kapatid at ama.
![](https://img.wattpad.com/cover/170405569-288-k680209.jpg)
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...