Matapos mananghalian ay nagpaalam si MacKenzie sa kanyang lolo at sa dalawang bisita nila na aakyat muna siya sa kanyang kuwarto.
Nang makapasok sa kanyang silid ay agad niyang hinawi ang kurtina saka binuksan ang malaking bintana. Pumikit siya at dinama ang sariwang hangin na humaplos sa kanyang balat. Malaking tulong iyon para naman ma-relax ang isip niya, hindi kasi niya makalimutan iyong nangyari kanina. Para iyong eksena sa isang pelikula na biglang tumatak sa kanyang isipan, kahit tapos na ang palabas ay patuloy pa rin na naaalala at tila ayaw siyang lubayan.
Isang malalim na paghinga ang ginawa niya bago tuluyang tumalikod at saka lumapit sa kanyang tokador. Umupo siya sa taborete at pinagmasdan ang sarili sa salamin.
Ilang araw pa lang ba siya rito? Isa, dalawa, tatlo, tatlong araw pa lang siyang nakakauwi at pakiramdam niya ay napakabagal ng oras.
Mula noong dumating siya ay marami nang nangyari. Maraming rebelasyon ang naganap. Mga pangyayaring hindi kapanipaniwala, na ni sa hinagap niya noon ay hindi niya inakalang mararanasan niya ngayon.
Parang kailan lang ay napakatahimik ng kanyang buhay, gigising sa umaga, maliligo, kakain, papasok sa trabaho, uuwi ng condo, at tatawag sa pamilya na nandito sa probinsya bago siya matulog. Pero ngayon, pakiramdam niya ay biglang naging abnormal ang dating simpleng pamumuhay niya. Nawalan siya ng mahal sa buhay, nalaman ang mga sikretong itinatago ng kanyang abuelo, nakapatay siya ng halimaw at nagkaroon ng agimat. Ano pa kaya ang susunod?
Napailing na lang siya dahil sa mga isiping iyon. Hanggang sa nabaling ang kanyang atensyon sa aklat na nakapatong sa gilid ng kanyang higaan. Napakunot ang noo niya. Nang magising siya kaninang umaga ay wala pa ito roon. Marahil ay ang lolo niya ang naglagay sa kama niya habang nasa labas siya.
Inabot niya ito at pagkatapos ay binasa ang nakasulat sa cover. EL DIARIO DEL CAZADOR ang nakasulat doon na nagpakunot sa noo niya. Makapal ang libro at dahil sa kalumaan ay mayroon na itong mga punit sa mga gilid-gilid.
Binuklat-buklat niya ang halos nagkulay dilaw ng pahina, mabuti na lang at malinaw pa naman ang mga salitang nakasulat doon. Sa hula niya ay isa iyong journal, dahil sulat kamay lamang, at hindi ballpen ang ginamit na panulat. Maaaring napakatagal na nga ng aklat na ito, marahil ay wala pang ballpen noong mga panahong iyon. Sa hula kasi niya ay pluma ang ginamit bilang panulat.
Ano ba namang sulat ito, ba't Latin? Hindi ko naman maiintindihan ito, e.
Sa unang pahina ay may mga pangalan at taon na nakasulat doon. Nasa ika-limang pwesto ang pangalan ng kanyang abuelo at nakatala na rin doon ang pangalan niya na nasa ika-anim na. Para lubos na maunawaan ang lahat ay muli niyang binuklat ang libro. Sa sunod na pahina ay nakaguhit ang larawan ng kuwintas na may hugis tatsulok na medalyon, sa gitna nito ay may nakaukit na krus. Katabi nito ang isang singsing na ang ibabaw ay katulad din ng sa medalyon ang disenyo.
'Wag mo akong alalahanin. Habang nasa katawan ko pa ang kakambal ng medalyong iyan, wala kang dapat na ipag-alala. Mananatili akong buhay kasama n'yo.
Kung ganoon, ito pala ang tinutukoy ng lolo niya na kakambal ng kuwintas. Hindi niya iyon napansin, marami kasing suot na singsing ang lolo niya.
Sa ibaba ng mga nakaguhit na larawan ay nakasulat naman ang mga salitang Latin.
Ojos abiertos, Ojos abiertos
Sentirse Fuerte, Sentirse Fuerte
Coraje y Fuerza ObtendrasNapakunot ang noo niya. Ang mga salitang iyon ang narinig niyang inuusal ng lolo niya noong magising siya matapos ibigay sa kanya ang kuwintas. Biglang nagsitayuan ang mga balahibo niya kaya naman itinigil niya ang pag-usal ng mga salitang iyon, mahirap na. Baka kasi kung ano pa ang mangyari, hindi pa naman niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin noon. Kailangan pa niya ng translator para lamang maunawaan ito.
BINABASA MO ANG
BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death
ParanormalMasamang balita ang nakarating kay MacKenzie tungkol sa kanyang kapatid na si Allison at sa kasintahan nito. Hindi na nakabalik ang dalawa matapos mag-camping sa Mount Balbaruka. Maging ang kanilang ama, pati na rin ang mga kasama nitong rescuers ay...