Prologue

796 112 1K
                                    

Tahimik na pinagmasdan ni Allison ang kasintahan niyang si Matt, habang nakaupo ito at may hawak na gitara. Perpekto ito sa paningin niya. Mula sa ayos ng buhok, matangos na ilong, mapupulang labi, at higit sa lahat ang mata nitong malamlam kung tumingin. Talaga namang bumibilis ang tibok ng puso niya tuwing tititig ito sa kanya.

Maswerte siya dahil boyfriend niya ang isang Matteo Suarez. Kahit na minsan ay moody siya at matigas ang ulo, palagi pa rin itong nasa kanyang tabi.

Magkaharap silang nakaupo habang dinarama ang presensya ng isa't isa. Sa palibot nila ay nagkalat ang maliliit na kandila na gawa sa LED. Si Matt ang nag-effort para sa mga kandilang iyon, para daw mas maging romantic ang gabing ito.

Sa 'di kalayuan ay may bonfire na siyang nagbibigay ng init sa kanila.  Ito rin ang nagsisilbi nilang liwanag bukod sa bilog na buwan na tumatanglaw sa buong paligid.

Third anniversary nila ngayon kaya naman parehong espesyal sa kanila ang araw na ito.

Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Matt, at kinindatan pa siya. "Para sa 'yo 'to, babe."

Matamis na ngiti ang isinagot niya sa kasintahan.

"Siguraduhin mo lang na magugustuhan ko 'yang kakantahin mo!" Inirapan niya ito kasabay ng kanyang paghagikhik.

"Naman!" Masuyo itong tumitig sa kanya bago inumpisahan ang pag-entro sa hawak na gitara. Napangiti siya nang mag-umpisa itong kumanta.

Iba pala talaga kapag kinakantahan ka ng taong mahal mo. Parang dinuduyan siya sa alapaap.

Malawak ang pagkakangiti niya habang pinakikinggan ang pag-awit ni Matt sa kanta ni Juan Carlos na Buwan. Tunay na kakaiba ang angking galing nito sa pagtugtog ng gitara, maging sa pagkanta.

Nangungusap ang mga mata nito, nakatitig sa kanya habang binibitiwan ang bawat salita sa kanta. Tila sumasayaw ang puso niya, kulang na lang ay umangat siya sa kanyang kinauupuan.

Nasa kalagitnaan na ng kanta nang  humangin nang malakas, dahilan para huminto si Matt sa pagkanta. Tumayo siya—kaagad na lumapit sa binata.

Parang may mabilis na dumaan sa gilid nila at nag-iwan iyon ng malamig na hangin.

"A-ano 'yon?" tanong niya matapos hawiin ang ilang hibla ng buhok na tumakip sa kanyang mukha.

"Ewan ko? Hindi ko rin alam, babe."

Inilibot niya ang paningin sa buong paligid ngunit wala namang kakaiba.

Tumingala sila sa langit dahil kumulimlim ang paligid, parang may kung anong tumakip sa liwanag ng buwan.

"B-babe, natatakot ako! Tara na, pumasok na lang tayo sa tent." Niyakap niya ang sarili dahil nag-umpisa nang magsitayuan ang mga balahibo niya sa katawan.

"Relax ka lang, babe. Baka talagang uulan lang," sagot ni Matt.

"Kinikilabutan ako, e. Parang may nagmamasid sa atin." Muli niyang pinagala ang paningin.

Limitado lang ang naaabot ng liwanag mula sa siga na ginawa ni Matt, kaya wala siyang makitang kakaiba. Maliban sa apoy na tila sumasayaw dahil sa malakas na ihip ng hangin na hindi niya alam kung saan galing.

BANGKILAN TRIBE: Mount Of Death Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon