Anabella
“Ano ba namang klaseng tanong iyan, Sweet? Siyempre mayroon. Hindi naman lahat ng tao ay bumabase sa hitsura. Tulad ko, sa personalidad ako tumitingin pagdating sa babae. Aanhin ko naman ang hitsura kung hindi naman pasado bilang asawa na panghabang-buhay,” tugon nito na bahagya pang natawa nang banggitin ang salitang asawa.
Napanguso tuloy ako at agarang tinuyo ang mukha. Kahit papaano ay gumaan ang loob ko sa sinabi nito.
Mariin kong ipinaglapat ang mga labi at hinigpitan ang yakap sa mga tuhod. “M-Magbabawas na lang ako ng timbang, Malik,” nanginginig kong turan at napapikit. “Gusto kong . . . Gusto kong maging payat naman, tulad ni Ate. Ayoko ng ganito, para akong balyena . . .”
“Okay ang magbawas ng timbang, Sweetie. Pero ang tawagin mong balyena ang sarili mo ay hindi maganda,” putol nito sa sinasabi ko, dahilan upang matuptop ko ang sariling bibig. “Halika na nga. Naghihintay na ang abokado natin, o.”
Wala akong nagawa kundi ang lumabas ng kinalalagyan. Natigilan pa ito nang makita ang lagay ko matapos buksan ang ilaw ng bahay. Bagamat hindi ito umimik ay pansin ko ang pagtingin-tingin nito sa akin.
Nagpasalamat ako nang iabot nito ang isang baso ng abokado na may gatas.
Huminga ako nang malalim.
Huli na ito. Babawasan ko na ang kakainin ko simula bukas.
“Si Evan ba ang gumawa nito?” anito nang mapansin ang manika ko na sira-sira na.
Marahang kumibot-kibot ang mga labi ko at napatungo. Ilang sandali pa ang nagdaan bago ko nagawang tumango rito. “O-Oo, siya nga . . .”
“Tarantado talaga ang isang iyon! Walang magawa sa buhay! Porke mayaman siya ay nanggaganoon na lamang siya ng ibang tao!” gigil na turan nito at inayos ang natuping katawan ng manika. Ikinabit din nito ang mga braso’t binti niyon, pati na ang ulo na wala nang buhok. Tuloy ay ang pangit na ng manika ko, kalbo na. “Hayaan mo at bibilhan kita sa bayan ng manika sa Linggo. Mayroon doon na mga ganito, tag-singkuwenta lang o mahigit pa roon.”
Doon ako napangiti at nagpasalamat dito.
SUMAPIT ang Linggo at nagtungo kami sa bayan ni Malik. Gamit ang kinita namin sa pag-aani ng mangga ay bumili kami ng mga damit na panlakad at pang-araw-araw. Tuwang-tuwa pa ako nang bilhan ko ng damit si Itay, tiyak na matutuwa iyon. Nais ko sanang bumili ng maraming damit at sapin sa paa na pang-alis, ngunit nag-aalangan ako at baka kailanganin ko ang pera sa susunod. Isa pa, nais kong makapagpatayo ng sarili kong bahay para sa aking kinabukasan. Nais kong mag-ipon.
Nagtabi ako ng pambili ng gatas at tinapay ni Nanay Lucia, at ang natirang limang daan ay itinago ko upang hindi na magastos pa.
Nagkuwentuhan lamang kami ni Malik habang papunta sa parke upang tumambay.
“Ang ganda ng damit ng manika, o. Haba pa ng buhok, foreigner ang hitsura,” puna nito habang pinagmamasdan ang binili niyang manika para sa akin na tinititigan ko kanina pa.
Nakangiting nilingon ko ito bago yakapin nang mahigpit ang box ng manikang iyon. “Oo nga, e,” pagsang-ayon ko at ibinaling sa mahabang kalsada ang tingin. “Alam mo, hindi pa ako nakakakita ng banyaga na dilaw ’yong buhok, at saka blue eyes. Naalala mo ’yong mga napanood natin sa telebisyon? Ang tatangkad nila, ano? Parang mga higante, ang galing!”
Natawa ito sa reaksiyon ko at napailing-iling. “Ako nakakita na,” pagyayabang pa nito na ikinaawang ng bibig ko. Hala! Nakakita na siya? “’Yong asawa ng kapatid ni Mang Timoteo mo—ni Manang Karina, hindi mo pa ata iyon nakita. Nagpunta sila rito noon, pero saglit lang. Ang narinig ko ay Amerikano raw iyon. Sobrang tangkad nga, e. Mga kasing laki ni Señor Martin.”
BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
General FictionMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...