Anabella
AKALA ko, iyon na ang aking katapusan. Akala ko, matatapos na roon ang aking paghihinagpis, hindi pala. Dahil may mga nilalang pa na tutol sa plano ko. Mga nilalang na nagmamahal sa akin nang lubos, na ayaw akong lisanin sila sa mundong ito.
Kagat ang naramdaman ko sa aking damit sa bandang batok. May isa sa aking sleeve. Hinihila nila ako paalis sa tubig na iyon kaya tila ba ako nagising mula sa pag-iisip ng masama sa sarili.
Habol ko ang aking hininga nang makaahon, hindi makapaniwala na iniligtas ako ng aking mga alaga na marunong lumangoy. Bangenge ang aking utak.
Hindi ako makapaniwala sa ginawa nila. Kinain ako ng konsensiya dahil pinag-alala ko lang ang mga alaga ko na tunay na nagmamahal sa akin nang lubos.
Napaiyak akong muli nang yakapin ang mga ito na kumakahol sa akin.
Doon lang kami tumambay maghapon. Wala akong kagana-ganang kumain. Masama ang aking pakiramdam, pati na ang damdamin ko. Kahit kumukulo ang tiyan ko sa gutom ay tila ayaw kong tumanggap ng kahit na anong pagkain.
Nanatili lang akong tulala sa batis. Tuyo na rin ang kaninang basa kong damit.
Tahimik na ang paligid. Hanggang sa papadilim na ang kalangitan ay wala pa rin akong balak na umuwi. Kung hindi lang ako sinundo ni Tatay rito ay hindi ko pa magagawang bumalik sa bahay.
Nakatikim tuloy ako ng sermon dito habang naglalakad pauwi.
“Naku ka! Kanina pa ako nag-aalala sa iyo dahil hindi ka man lang umuwi sa bahay kanina! Saan ka ba nagtanghalian? Baka hindi ka na naman kumakain!”
Tanging pagtungo lang ang nagawa ko sa pananalita ni Tatay.
Wala na akong lakas para sumagot pa. Nagdadalawa na rin ang aking paningin. Kailan ba ako huling kumain?
Huminga ako nang malalim sa panlalambot ng aking katawan. Tila ba bibigay na ang mga tuhod ko.
Ilang araw at linggo na ba akong wala sa ayos kumain? Hindi ko na alam.
Wala pa ring tigil si Tatay sa panenermon. Natigil lang iyon nang pukawin ko ito mula sa pagkakatungo.
“T-Tay . . .” Natigilan ito lalo dahil sa panghihina ng aking tinig. Ngunit hindi ko na talaga mapigilan ang sarili. Ang bigat-bigat na. “M-Masama ba’ng maging pangit?”
Nangasim agad ang mukha nito sa narinig. Tumigil ito sa gilid ng bahay namin bago lumuhod sa harapan ko at hinawakan ang aking mga balikat.
“Bakit, anak? Sino na naman ang nang-away sa iyo?” mariing tanong nito ngunit agaran kong itinikom ang bibig.
Ayokong sabihin.
Napansin din ng aking ama na wala akong balak magsalita kaya napahinga na lang ito nang malalim. “Si Evan ba? Narinig ko kanina sa usapan ng mga kapatid mo na ipinahiya ka raw ni Evan kanina. Ayun, grounded na naman si Evan.”
Lalo akong napatungo. Hindi ko napigilan ang mapaluha nang mapasulyap ako sa nakasarang gate ng pamilya ni Ma’am Austrianna.
Umiwas ako at suminghot na lang. Ayoko nang alalahanin ang nangyari kanina. Sobrang nakakahiya sa lahat. Tiyak na kalat na iyon sa kung sino-sino.
“Sige na. Magpahinga ka muna pagtapos nating maghapunan. Namumutla ka na, o.”
Nalipat ang tingin ko papunta kay Nanay Criselda na mapanuya akong tiningnan. Kagagaling lang nito sa likod ng bahay at mukhang nakarating na rin dito ang nangyari kanina.
![](https://img.wattpad.com/cover/96972516-288-k364652.jpg)
BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
General FictionMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...