Kabanata 28

1.9K 52 7
                                    

Anabella

“Crush ka nga nitong si Jackson dahil maalaga ka raw at mabait! Kunwari lang naman iyang lalaking iyan sa pang-aasar sa iyo!”

C-Crush daw ako ni Señorito Evan?

Parang malabo! E, lagi nga akong inaasar niyon!

Nagmamadali ako nang makababa mula sa rooftop nila. Bitbit ko ang nakuhang stuffed toy na premyo namin sa pagkapanalo sa volleyball. Hindi ko makayanan ang panunukso nila sa amin doon. Parang nakakakilabot.

“Oy, ganda!”

Napatigil ako nang may sumitsit sa akin nang makalabas ako sa malaking gate ng bahay ng aking amo. Si Malik pala, ngingiti-ngiti habang kumakaway sa akin. Nakatindig ito sa tabi ng puno ng mangga, may bitbit ng bunga niyon.

“Ikaw lang ang narinig kong nagtawag sa akin niyan maliban kay Itay, e. Malamang ay nilolok—”

Agad nitong tinawid ang aming distansiya at hinila ako palayo roon. “Huwag ka nang umangal. Talaga namang maganda ka sa paningin ko.”

Nakangiti pa rin ito sa akin at tila ba napakaaliwalas ng mukha. Mukhang sobrang saya nito ngayon.

Sa bahay nila ako dinala ng aking kaibigan. Tila ba excited na excited ito nang paupuin ako sa kawayang upuan kaya naman nagtaka ako.

“Tsaran!” paglalahad niya sa nakahandang dalawang baso ng abokado na may gatas sa mesa. May mga tagpi-piso rin doon na tinapay na paborito ko kaya naman nanlaki ang mga mata ko. “Oh, huwag ka nang iiyak, ha? Masasarap ito.”

Namasa ang aking mga mata. Nang tingalain ko ito ay tila kumikislap ang mga mata nito habang nakatingin sa akin.

“G-Gumastos ka pa, Malik. Hindi ka na sana nag-abala,” nahihiyang turan ko na tinawanan lang nito.

“Ano ka ba! Ang pera, napapalitan yan. Pero ang magagandang memories, hindi. Kaya gusto kong bumuo pa ng magagandang alaala kasama ka,” madamdaming aniya kaya maluha-luha na ako habang nakatingin dito.

Kanina lang ay umiiyak ako sa lungkot, ngayon ay baliktad na. Nag-uumapaw na sa saya ang puso ko dahil sa simpleng paghahanda ni Malik ng ganito para sa aming dalawa.

Nagpasalamat ako rito bago namin lantakan iyon. Abala kami sa pagnguya nang bigla na lang itong magtanong na ikinatigil ko naman.

“Bakit tila balisa ka kanina paglabas mo?” Naging mabagal ang pagnguya nito habang pinagmamasdan ang mukha ko. “Nakita ko si Evan. Sinusundan ka ng tingin mula sa rooftop nila. May ginawa na naman ba iyon sa iyo?”

Bigla na lang bumagsak ang tingin ko sa sahig dahil sa huling sinabi nito. Naalala ko tuloy lalo ang panunukso nila sa amin ni Evan.

Pero posible ba talaga iyon? Na ang nang-aaway sa akin ay crush daw ako? Parang hindi naman. Kasi kaya nga niya ako inaaway kasi napapangitan siya sa akin. Hindi niya ako gusto.

“S-Sabi nila, crush daw ako ni Señorito Evan. Kaya umalis agad ako roon kasi inaasar nila kaming dalawa,” pag-aamin ko rito na ikinatigil na nito nang tuluyan sa pagnguya. Nag-angat ako ng tingin dito at napanguso. “Sa tingin mo, posible kaya iyon? Hindi ba’t ayaw na ayaw sa akin ng Señorito?”

“Sa iyo na rin nanggaling, Sweetie, na ayaw na ayaw niya sa iyo. Ipinapahiya ka pa nga niya. Kaya imposible na crush ka niyon. At kung sakali mang magkagusto iyon sa iyo, ako ang unang tututol dahil hindi mo deserve ang ganoong klaseng lalaki. Walang hiya iyon.”

Sa tono ng boses nito ay may kaseryosohan kaya tumango na lamang ako dahil mas matanda ito sa akin, tiyak na mas marami siyang nalalaman.

Muli akong kumagat sa tinapay at napahinga nang malalim.

Dark and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon