Kabanata 22

2.3K 88 16
                                    

Anabella

Pagdating sa bahay niya ay ipinarada niya ang motor, saka nauna sa loob. Naiwan tuloy ako labas na nakasunod lang ng tingin sa lalaki. Sunod kong narinig ang bulungan ng mga trabahador niya na napailing-iling pa habang nakamasid sa pinasukang pinto ni Evan.

Napailing na lang din ako bago sumunod papasok.

Sa sala ay naabutan ko ang lalaki kasama ang mga kapatid niyang lalaki. Nagkukuwentuhan ang mga ito nang matigilan pagpasok ko.

Inignora ko ang mga tingin ng mga ito at nagdiretso sa itaas. Nagbihis ako ng t-shirt at sweatpants bago bumaba para maghanda ng hapunan.

Naabutan ko ang mga ito na umiinom na ng beer sa sala habang tuloy ang kuwentuhan. Napasulyap pa sa akin si Evan habang itinatali ko papusod ang buhok. Ibinalik din nito ang atensiyon sa dalawa niyang kapatid na hinayaan ko lang.

Sa kusina ay naghanap ako ng maaaring lutuin. Naisip ko na mag-adobong manok na lang dahil tinatamad na akong magluto ng kung ano-ano. Sabay saing na rin.

Alas seis y media na nang matapos ako sa paghahanda ng hapunan. Naisalansan ko na rin nang maayos ang mga pinggan at kubyertos.

Nang balikan ko ang mga kalalakihan sa sala ay napasimangot ako sa naabutan.

“Kakain na.”

Natigil ang mga ito sa tawanan. Si Evan naman ay hindi ako pinansin at patuloy lang sa pag-inom ng canned beer na hawak.

Ibinaling ko nang pasimple ang tingin sa dalawang lalaki na noo’y mga totoy pa lang ang katawan. Kakatwang isipin na ang lalaki na nila ngayon. Hindi na pang-totoy ang katawan, batak na sa muscle.

“Umuwi na kayo,” anas ni Evan at susuray-suray na tumayo.

Agad namang tumayo ang dalawa para umalis. Tumango pa ang mga ito sa akin para magpaalam. Nais ko sanang sabihin na dito na lang sila maghapunan, tutal ay dinamihan ko na ang luto. Kaso nawala sila agad sa paningin ko.

Napahinga tuloy ako nang malalim.

“Hindi ka kakain?” tanong ko sa lalaki na nililigpit na ang mga lata na ininuman. Sinundan ko ito ng tingin nang itapon niya sa maliit na trash bin ang basura bago susuray-suray na umakyat sa hagdan. “Evan, hindi ka kakain?” pag-uulit ko kahit parang tanga kami tingnan pareho.

“Matutulog na ako,” salat sa emosiyon na aniya kaya halos ugatin ako sa kinatatayuan.

Ah, ganoon? Binabalewala niya ang luto ko? Fine.

Inirapan ko ito bago bumalik sa kusina.

Masama ang loob ko dahil nagluto pa naman ako ng marami, pinaghandaan pa sila kasi akala ko kakain sila ng hapunan, hindi naman pala.

Naupo ako roon at tahimik na pinagmasdan ang tatlong plato na nasa harapan ko na hindi naman magagamit ngayon. Inirapan ko ang mga iyon bago kumain, kahit pa para akong binabarahan sa lalamunan.

E, ano naman ngayon kung hindi nila pinansin ang luto ko? Hindi ko naman kawalan iyon dahil masarap naman ang adobo ko.

Pero kahit anong sarap sa panlasa ko ng kinakain, tila tumatabang iyon dahil sa pamimigat ng dibdib ko.

Akala ni Evan, paglulutuan ko pa siya sa susunod? Manigas siya. Wala palang pansinan, a.

Mabilis kong tinapos ang kinakain bago linisin ang kusina. Pinagpapatay ko rin ang mga ilaw roon bago umakyat sa kuwarto ng lalaki.

Naabutan ko ito na nakahilata at nagce-cellphone. Dumeretso ako sa closet at naghanap ng preskong damit, bago lumabas. Naghugas ako ng katawan at ginawa ang skin care routine ko. Hindi ko kinalimutan na maglagay ng lotion sa katawan, bago bumalik sa itaas.

Dark and DangerousTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon