Anabella
AKALA ko noon, kuntento na ako sa buhay na mayroon ako sa Manila. Masaya naman ako roon. Mayroong matatawag na kaibigan, nairaos ang pag-aaral na may matataas na marka, at may mga alaga.
Pero nang mabalitaan ko ang nangyari sa aking ama, tila ba gumuho ang lahat sa akin. Akala ko ay mababalikan ko pang buhay si Tatay rito.
Akala ko, hindi ko na mararanasang sumaya nang lubos matapos niyon. Pero dahil nariyan na si Mama, at ang dalawang supling namin ni Evan ay naranasan ko rin sa wakas ang sumaya nang lubusan.
Ilang buwan matapos ang naging kasalan ay nalaman ko na dinadala ko na pala ang panganay namin. Babae agad kaya tuwang-tuwa si Evan at ang pamilya niya.
Ang laki rin ng naitulong sa akin ng pamilya niya dahil sila ang umalalay sa akin habang wala si Evan. Taon ang binibilang ko bago ito makasamang muli. At sa mag-aapat na taon na pagiging mag-asawa namin, may dalawa na kaming nabuo. Dalawang bata na kaaway ko palagi dahil parang kaugali ko na hinaluan ng pagiging madaldal ng ama nila. Matatapang na madaldal.
Pero wala pa rin silang palag sa akin dahil nagrereyna-reynahan ako rito palagi.
“Mommy! Can I watch a movie, pwease?” tili ni Arabella na muntik pang maibato ang remote sa kagaslawan ng kilos.
Napahilot ako ng sentido nang lapitan ito upang agawin ang remote. “Upo lang sabi! Huwag kang malikot at papaluin ka ng Papa mo kapag nasira na naman itong remote!” pananakot ko rito kahit hindi naman namamalo ng anak ang tukmol na iyon.
Nakakainis dahil sa likot ng mga bata, lalo na ni Arabella ay laging nasisira ang remote. Laging palit nang palit.
Lumabi ang bata at patalon na yumakap sa akin, naglalambing. “But, Mommy! Daddy is not here po! He’s busy shooting the enemies!” pagdadahilan nito na agad kong pinandilatan ng mga mata.
“Aba! Hindi ka ba naaawa sa tatay mo? Nangraratrat siya roon at nakikipagsagupaan sa mga amoy bundok tapos ikaw na safe na safe rito, e, sinisira lang ang remote? Bawat sahod ng Daddy mo ay dapat pinahahalagahan! Para sulit naman ang mga pinaghihirapan niya para mapalaki kayong mga unano!” pangaral ko rito.
Lalong humaba ang nguso nito at nangako nang hindi na ibabagsak ang remote. Tuloy ay nanlambot agad ang puso ko at binuhay ang flat screen TV para makapanood ito.
Hinanap ko pa si Gunner na napansin kong kanina pa wala sa paligid.
“Gunner!”
Nasaan na ba iyong bubuwit na iyon?
Sakto naman na pumasok si Mama habang buhat-buhat ang mga kuting na anak ng alaga ko. Kung hindi mga bata ang inaalagaan nito, nasa mga hayop naman ang atensiyon.
“Ma, nasaan si Gunner?”
“Ah, dinali na naman ng mga Tito niya. Nakalimutan ko pala sabihin sa iyo.”
Lalo akong namroblema. Buwisit iyong Cain at Zeus na iyon. Simula nang magbakasiyon sila rito noong nakaraang linggo lang ay lagi na nilang dinadali ang bunso ko. Si Evan naman ay hindi ko alam kung kailan ulit ang vacation.
Napahinga ako nang malalim at nagluto na lang ng tanghalian. Ito na ang pang-araw-araw kong ginagawa simula nang layasan ako ni Evan dito. Balak ko pa naman sanang bumalik kay Tita Karina noon sa Manila para mamasyal ulit at maigala si Mama, kaso nalaman namin na buntis pala ako. Ayun, natengga na ako sa bahay hanggang ngayon lalo na at may mga unano akong alagain.
Kahit papaano ay hindi naman kami pinababayaan ni Evan kahit nasa malayo ito. Lagi itong tumatawag sa amin kapag tiyempong nakasagap ito ng signal at walang ginagawa. Lahat ng kailangan namin dito kahit simpleng bagay ay ibinibigay niya. Pati nga luho ko, ginagastusan. Naiinis nga ako minsan dito dahil lahat ng sahod ay ibinibigay sa akin. Hindi man lang nagtitira ng para sa kaniya roon. Tapos kapag umuwi rito, magpapaawa sa akin para bumigay ako sa mga gusto niya.
BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
General FictionMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...