Anabella
Kinabukasan ay nagtungo ako sa plaza matapos mag-agahan. Wala ang dalawang dalaga at doon na natulog sa bahay ng parents nila kaya wala akong makausap sa bahay ni Evan. Abala naman kasi ang lalaki sa ginagawa.
Naisip ko na puntahan na lang si Malik upang may makakuwentuhan ako, pero nasa bungad pa lang ako ng pinto nila nang may mapansin akong babae sa sala nila.
Napamaang ako nang mamukhaan iyon. May bitbit ito na batang lalaking tingin ko ay nasa walong taong gulang.
“Umalis ka na, please lang.”
Gumilid ako at nagtago nang marinig ko ang tinig ni Malik na mariin. Halata ko rin na hindi ito natutuwa sa babae.
“Nagbakasakali lang ako, pero wala rin pala akong mapapala sa iyo. Napakagago mo, ikaw naman ang dahilan kung bakit nangyari ito,” anang Hope na bakas na bakas ang disgusto sa tono.
“Parehas lang tayong nagkamali. Kaya huwag kang umastang parang ako lang ang gumawa ng lahat ng ito.”
Nang makarinig ako ng yabag ay daglian akong nagtago sa gilid ng bahay ni Malik. Sinundan ko pa ng tingin si Hope nang lumabas ito, hila-hila ang bata na tingin ko ay anak nito.
Naglapat ang mga labi ko at mataman itong pinagmasdan. Pinalipas ko muna ang minuto bago ako magpakita kay Malik na nabigla pa nang masumpungan ako sa tabi ng pinto nila.
Nawala ang kaninang iritasiyon sa mukha at boses nito at napalitan ng ngiti.
“Sweetie!” Nakangiting nilapitan niya ako at inayang pumasok. Mukhang wala si Mang Solis dahil tahimik ang bahay nila. “Kanina ka pa ba riyan?”
Kahit ayokong pansinin ay napuna ko ang bahid ng kaba sa boses nito sa huling sinabi.
Inilingan ko ito upang kumalma na siya. “Kararating ko lang,” turan ko at naupo sa kawayang upuan nila, saka ito matamang pinagmasdan.
Tila nailang ito sa mga tingin ko at napaiwas na lang habang kakamot-kamot ng batok.
“Wala kang trabaho ngayon?” anito nang maupo sa tabi ko.
Marahan akong umiling at tipid na ngumiti sa lalaking tila hindi mapakali. Namumuo pa ang pawis sa noo nito.
“Wala, abala ang alaga ko sa ginagawa. Mamaya pa ako babalik doon bago magtanghalian para magluto.” Kahit na wala naman akong balak na magluto ngayon dahil dala ko pa rin ang sama ng loob sa ginawa niyang pang-i-snob sa luto ko.
Mahabang katahimikan ang naging kasunod niyon. Pero hindi naman ako nailang kay Malik.
“Masuwerte si Evan dahil palagi niyang natitikman ang luto mo. Alam kong walang kupas ka pa rin pagdating sa pagluluto,” aniya na ngumiti, ngunit hindi man lang iyon umabot sa inaasahan ko. Parang nananamlay siya ngayon.
“What’s the problem, Malik?” Hindi na ako nakatiis at naibulalas ko na ang kanina pang tanong na umiikot sa isip ko.
Ayoko nang ganito na matamlay siya at balisa. Ako kasi ang kinakabahan sa kung ano na ang nangyayari sa kaniya.
Inilayo nito sa akin ang tingin at napahinga nang malalim.
“Alam mo, ngayong nakita na kita na gumanda, mas naging pansinin, mas gugustuhin kong nasa Manila ka na lang ulit, inaakalang patay ng mga taga-rito . . .” Bahagya itong huminto at gumalaw ang lalamunan. Kitang-kita ko ang lalim ng pag-alon niyon na tila ba nahihirapan siya. “ . . . kaysa naririto ka pero nasa puder naman ni Evan. Pasensiya na kung ganoon ako kasakim, Sweetie, pero hindi ko mapigilan ang sarili na mag-isip ng ganoon dahil sa nangyayari.”
BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
General FictionMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...