Anabella
PATULOY pa rin ang trabaho ng mga trabahador niya sa tapat ng bahay. Malaki na ang improvement ng ginagawa nilang pool. Napakalalim niyon at napakalaki, balak atang gawing pang-Olympic pool ni Evan. Matagal na pala kasing plinano at inasikaso ang dream pool niya, ngayon lang natupad.
Dalawang linggo mahigit na ang lumipas simula nang mapunta ako sa puder niya. Ilang araw pa at linggo, makakaalis na rin ako rito. Ito naman ay babalik na sa pagsusundalo.
Ang mga aso ko naman at pusa ay may kaniya-kaniyang tirahan sa labas ng bahay. Malaki rin ang ginastos ni Evan sa paglipat ng mga ito rito, pero wala naman itong naging reklamo. Natutuwa rin siya sa mga alaga ko.
“Tara na,” aya nito matapos kong maisuot ang flat sandals ko. Suot ko rin ang kulay kape na bestida na binili niya para sa akin noon.
Plano nitong magtungo sa bahay ng parents niya ngayon at nais niya na naman akong isama. Doon niya naiisipan na pumunta kapag bored siya rito sa bahay niya, para makipagkuwentuhan sa mga pinsan niyang lalaki.
“Bagay sa iyo ang bestidang iyan. Lalo kang pumuti. Cute mo tingnan,” aniya nang mauna ako sa kaniya nang bahagya.
Nailang tuloy ako sa hitsura ko at lihim na umismid. “Manahimik ka nga. Wala namang nagtanong.”
“Kawawa siguro ako kapag naging mag-asawa tayo. Lagi mo akong susungitan. Kapag pagod ako sa trabaho, susungitan mo pa rin ako at iirapan.”
Tuluyan na akong huminto sa paglalakad para harapin ito nang may bahid ng iritasiyon sa mukha. “Puwede ba? Tigilan mo na ang pag-iimahinasyon nang ganiyan. Masiyado kang feelingero.”
Nabubuwisit na ako sa palagiang pagsasalita niya ng ganiyan sa akin. Sa nakalipas na dalawang linggo, madalas niya akong nilalandi. Sinasabihan ng mga asawa-asawang salita kaya madalas ko rin siyang barahin. Nakakainis kasi ang ganoon.
Hindi ito umimik at ngumiti lang sa kawalan na parang tanga.
Pagdating namin sa bahay ng parents niya ay may nakahanda na roong meryenda para sa hapong iyon. Napakarami nila dahil kumpleto ang buong angkan nila. Nagtipon-tipon sa likod ng bahay habang nagtatawanan.
“Ate! Sama ka sa amin!” masayang aya sa akin ni Megan nang masumpungan ako.
Napangiti tuloy ako bago bumitiw mula sa pagkakahawak sa akin ni Evan sa siko.
“Magbaon ka ng bananaque. Baka magutuman ka roon,” pigil sa akin ni Jackson nang akma akong lalapit sa kapatid niya.
Siya na ang kumuha ng isang stick ng bananaque at inabot sa akin. Tuloy ay nakatikim kami ng tudyo mula sa mga kamag-anak niya.
“Dating inaaway ni Evan ’yan at nilalait. Ngayon ay tingnan ninyo ang nangyayari sa dalawa, naglalaro na ng bahay-bahayan, tapos anak nila ’yong mga kuring. . .”
Bahagya na kaming nakalayo roon nang may sabihin ang ama ni Evan. Hindi ko na masiyadong narinig at naintindihan, pero bigla akong tinambol ng kaba. Lumingon ako at sinubukang pakinggan ang usapan nila, pero tila natahimik na sila roon.
“Tara na, Ate. Magda-drawing si Kristina roon sa ilalim ng puno ng mangga,” pukaw sa akin ni Megan kaya nabalik sa kanila ang atensiyon ko.
Napabuntong hininga ako bago pilit na ngumiti.
Nagtungo kami sa ilalim ng puno ng mangga na dati ko ring tambayan. Sa tabi ko ay si Kristina na panganay na anak ni Ate Kisses. Huli kong kita rito noon ay sanggol pa lang ito. Ngayon ay trese anyos na at habang lumalaki ay lalong gumaganda. Kamukha ng nanay.
“Magaling mag-drawing si Kristina, Ate Bella,” anang Megan habang nakamasid sa babae na tahimik lang na nagsisimula sa pagguhit.
Ang nais daw nitong iguhit ay ang tanawin sa harapan namin.
Sa gilid naman ay si Kristine na kapatid nito. Tahimik din at may sariling mundo kaya hinayaan ko na. At iyong isa ay anak naman ni Ate Gisselle. Si Josephina.

BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
Ficção GeralMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...