HIS LOVE, HIS MADNESS
Anabella
Hindi ko pinansin ang pag-irap sa akin ni Hope sa gilid na halata namang nagpapapansin na naman sa mga lalaki rito. Wala pa ring kupas ang kalandian nito.
“Sa vet clinic po,” tipid kong tugon. Ni hindi ako mapakali sa pagka-asiwa sa mga tingin nila, lalo na ni Jackson na pinakamalapit sa akin. Tumikhim na ako’t lahat-lahat ay ayaw pa rin ako nitong tantanan ng tingin niya.
Nabaling lang muli ang tingin ko kay Hope nang mapanuya itong tumawa at diring tiningnan ako. “Ano? Dadalhin mo pa sa clinic ang kuting na iyan? Puspin lang naman iyan, gagastusan mo pa,” anito na ikinablangko lalo ng tingin ko rito.
Bigla na lamang kumulo lalo ang dugo ko sa babaeng ito dahil sa kagaspangan ng ugali nito sa akin, pati sa mga maliliit na nilalang. Umangat ang isang kilay ko at ibinalik dito ang mapanuyang tingin.
“Ikinaganda mo ’yan?” itinago ko ang galit dito sa pagtataray. Umawang ang bibig nito, ni hindi inaasahan na sasabihin ko iyon. Umismid na lamang ako. “Aalis na po ako,” paalam ko at sinulyapan pa si Tita sa likod ni Nanay Criselda na tumango sa akin.
“Teka, bago ka pa lang dito, hija. Baka maligaw-ligaw ka. Mabuti pa at magpasama ka rito kay Megan at alam na alam nito ang clinic sa bayan na lagi naming pinupuntahan,” sabat ni Ma’am Austrianna na ikinakagat ko ng ibabang labi.
Wala akong nagawa kundi ang tumango rito at nagpasalamat. Pagtalikod ko ay sumunod sa akin ang babae, pati si Venus ay sumunod din na hinayaan ko na lamang.
“Saan mo nakita iyan, Ate Bella? Kawawa naman siya,” ani Venus na kumapit sa braso ko upang mahawakan ang ulo ng kuting.
“Doon lang sa may bungad ng gubat,” tipid kong turan sa kawalan ng gana dahil sa kapatid kong babae.
“Grabe, ano? Ang pangit ng ugali ni Hope. Pasensiyahan mo na iyon, Ate Bella. Pero infairness, ang taray mo kanina sa bruhang iyon. May ganiyang side ka pala. Dapat lang talaga iyon sa babaeng iyon, nilalandi masiyado ang Kuya Jackson ko. Tsk!”
Ngumiti lamang ako nang tipid kay Megan at pumara ng tricycle pagdating namin sa kalsada. Kaniya-kaniya pa kaming upo sa tricycle.
Si Megan na ang kumausap sa driver sa destinasiyon namin. Nanahimik na ako kahit na kabisadong-kabisado ko naman ang lugar na ito.
Ako na ang nagbayad ng pamasahe namin kaya walang nagawa ang dalawa. Pagbaba namin ng tricycle ay ang clinic na.
“Dito namin idinadala ang mga alaga naming aso, Ate Bella. Mura lang sa kanila,” ani Meg na tinanguan ko lamang.
Pumasok kami sa loob. Wala halos kustomer doon kaya napahinga ako nang malalim.
Nang may lumabas na doktor ay nabigla pa ito nang makita ang mga kasama ko. “Oh, Meg at Venus. Nice to meet you again,” anito bago ngumiti sa akin.
Ipinasuri ko rito ang kuting. Rinesetahan lamang ako nito ng gamot at kakailanganin laban sa paglalagas ng balahibo ng pusa dahil halos mapanot na ito. Pati mga bitamina ay kailangan kong bumili at pang-deworm oras na lumakas-lakas na ito.
Tuloy ay nakahinga ako nang maluwag paglabas namin. Binili ko lamang ang mga kakailanganin nito. Kumuha na rin ako ng litter box nito at kulungan upang hindi mapasok ng daga. Medyo malaki rin ang nagastos ko rito at may cat food pa’t gatas na para rito. But it’s okay, basta ba maka-recover agad ito ay gagawin ko ang lahat. After that, iuuwi ko ito sa Manila.
Sa biyahe ay sinusubuan ko ito ng pagkain upang malamanan ang tiyan nito. Enjoy na enjoy naman ito sa pagngatngat kaya pati ako ay naaliw.
Lumawak ang pagkakangiti ko habang nasa kandungan ko ito at nakatulog na sa kabusugan. Tiyak na matutuwa ang iba ko pang rescued cats doon na naghihintay sa amin.

BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
Fiksi UmumMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...