Anabella
“May gusto ka roon sa pinsan ni Evan, ano?”
Hinabol ko ang bawat hakbang nito habang kinakabahan. Mariin ko pang nakagat ang ibabang labi habang iniisip kung aamin ba ako rito o hindi.
Ngunit sa huli ay inilingan ko ang sarili. Mas mabuti nang ligtas. “Wala, naga-guwapuhan lamang ako sa kaniya lalo na at mabait.”
Mahina itong natawa sa tinuran ko. “Papaanong mabait? Suplado nga iyon, e.”
“Uy, hindi, a! Mabait si Señorito Alessandro. Ipinagtanggol niya nga ako noong nakaraang linggo mula sa grupo ni Criza. Mabait siya sa akin,” paliwanag ko ngunit wala itong naging reaksiyon maliban sa isang tipid na tango.
Pagdating namin sa tapat ng bahay ay hinarap ako nito at nginitian nang tipid. Hinaplos pa nito ang ulo ng mga aso ko na naging maligalig nang makita ako.
“Magpapalit lang ako ng damit, a? Sabay na tayong bumalik doon para kumain,” anito na sinagot ko agad ng sunod-sunod na tango.
Patakbo akong pumasok sa bahay at nagpalit ng pang-itaas na saplot. Nagbaon pa ako ng panyo para mamaya, tiyak na maliligo na naman ako sa pawis.
“Sweetie!”
“Lalabas na!” sigaw ko at lumabas ng bahay. Agad ako nitong hinila papunta sa likod ng bahay ng aming amo. Naroon na ang ibang mga kabataan na tulad namin ay naghahanap din ng pera.
Kaniya-kaniya silang hawak ng pagkain na ang ulam ay lechon kawali.
Napalingon pa sa akin si Ate Hope na tipid na tipid kung kumain habang katabi ang tulala sa kawalan na si Señorito Evan. Magkasiklop pa ang mga kamay ng lalaki, at nang mapansin ang presensiya ko ay umirap ito.
Huh?
“Ate . . .”
Bumaba bigla ang tingin ko kay Megan na humawak sa kamay ko. Ang buhok nito ay naka-braid pa rin, talagang hindi ito naliligo kapag tinatalian ko. Hanggang kinabukasan pa ang pagkakatirintas ng buhok niya, panigurado.
Napangiti ako at sumunod dito. Pumasok kami sa backdoor kaya naabutan namin si Ma’am Ria na nakaupo sa mataas na upuan at nakikipaglampungan sa asawa. Nagsusubuan ang mga ito kaya tila ba nahiya kami ni Malik.
Nabigla pa ako nang sumunod sa amin si Evan na padaskol na naupo sa upuan at sinimangutan kami ni Malik.
“Huwag nang pakainin itong si Kring-Kring at lalong tataba,” pag-uumpisa na naman nito kaya nakatikim ito ng matatalim na tingin mula sa mga magulang.
“Tumigil ka nga, Jackson. Lagi mo na lang pinag-iinitan ang bata.” Matalim na tingin ang ipinukol dito ng kaniyang ina bago ako harapin nang nakangiti. “Hija, hijo, kuha lang kayo ng paper plate riyan at kumain. Huwag mahihiya,” anito na ikinangiti ko at ipinagpasalamat.
Kumuha kami ng makakainan ni Malik, habang ako ay takam na takam sa ulam.
“Paanong hindi ko titigilan iyan? Nakakainis palagi ’yang si Kring-Kring. Palagi na lang nandito,” reklamo pa ng lalaki, dahilan para matigilan kami ni Malik at nagkatinginan.
Nilingon ko nang bahagya si Evan na agad piningot ng ina. “Itikom mo ’yang bibig mo at masasapok ko iyan, Jackson. Ganiyang ugali ba ang itinuturo namin sa iyo, ha? Kung maka-asta ka, akala mo kung sino kang bata ka. Ilang beses ka nang sinasabihan, ang tigas talaga ng ulo mo. Lumayas ka na nga lang dito sa kusina,” asar na sambit ng Señora kaya naman napayuko ako.
BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
Ficción GeneralMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...