HIS LOVE, HIS MADNESS
Anabella
Mahinang tumawa ang babae at umiling-iling sa akin. “Matagal na pong ubos ang mga rebelde rito. Marami rin pong nagbabantay sa paligid na mga pulis kaya hindi na po nakakatakot ang lugar na ito. Isa pa ay may mga nagbabantay naman po sa amin nang patago kaya no worries.”
Dahan-dahan akong napatango sa narinig. So, that explains why I saw a lot of police officers and checkpoints yesterday.
Ilang minuto lang nang bumalik si Megan na may dalang isang supot ng nilagang saging at kamote. Agad niya iyong ibinigay sa akin na pinasalamatan ko naman agad.
“You are welcome, Ate.” Masaya ang mukha nito nang maupo sa kabilang gilid ko. “Wala po kaming kasama sa bayan, Ate. Hindi rin po kami masiyadong maalam sa pagpili ng mga rekado,” parinig nito na para bang nais akong sumama sa kanila.
Siniko ito ng kapatid na hindi naman nito pinansin.
Nagkibit-balikat lamang ako at ngumiti.
“Marunong akong mamalengke kaya maaari ko kayong tulungan,” sabi ko na lamang na ikinatuwa ng dalawa.Isang puting bestida ang suot ko at maayos namang nakapusod ang buhok ko kaya hindi na ako nag-ayos pa. Sa daan ay pinapak ko ang mga naglalakihang saging na saba at kamote na bigay ni Megan. Matatamis ang mga iyon at hindi naman nakaka-umay kaya na-enjoy ko.
Napaka-aga pa at wala pa halos katao-tao sa kalsada nang tahakin namin iyon. Panay ang daldal ni Megan sa kapatid, minsan pa ay nagtatanong sa akin. Naglabas pa ito ng listahan ng bibilhin nila na ipinasuri pa sa akin ang iba na hindi nila alam.
Halata talagang ngayon pa lang nakaranas mamalengke ang dalawa. Bente-uno anyos na si Venus at ngayon lang nakapamalengke. Natawa ako sa isipan at napailing.
Napansin ko sa likuran namin ay may mga nakasunod at nakabantay na mga naglalakihang mga barakong mama. Nakasibilyan ang mga ito kaya hindi halata na bodyguards ng dalawa.
“Nag-aaral ka pa po ba, Ate Bella?” mayamaya ay baling sa akin ni Venus at dumikit pa sa akin.
Marahas akong umiling matapos lunukin ang kinakain. “Naka-graduate na ako at lisensiyadong agriculturist na ngayon. Naghahanap pa lang ng mapapasukang work ngayon dahil kailangan ko nang maghanap-buhay. As of now, patuloy pa rin ako sa pagtatrabaho kina Ma’am Karina at Sir John bilang nanny ng mga anak nila. You know, para maka-ipon na rin para sa panibagong buhay na tatahakin ko,” pagkukuwento ko sa kanila na namangha.
“Wow, you are a licensed agriculturist na pala, Ate. How long have you been working with them na po? Pansin ko na para kang anak mayaman para maging nanny,” anang Megan na kumapit sa braso ko.
Natawa tuloy ako rito. “Halos isang dekada na rin akong nagtatrabaho sa magpamilya. Kinupkop nila ako noong dose anyos ako at nagsimula akong magtrabaho bilang katulong nila na parang anak-anakan na rin. Noong nagkaanak sila ay naging busy rin sila sa trabaho kaya ginawa nila akong nanny sa mga anak nila. And no, hindi ako anak ng mayaman dahil lang sa hitsura ko. Kung alam n’yo lang, mahirap lamang kami noong nasa puder pa ako ng pamilya ko.”
Tumango ang dalawa at lalong kinain ng kuryosidad patungkol sa akin. “Maaga po pala kayong namulat sa reyalidad, Ate Bella. Nasaan po pala ang totoong pamilya ninyo?” bato pa ni Venus ng tanong.
Sandali akong tumigil sa pagnguya at tinanaw ang madilim-dilim na kalangitan. Pagkaraa’y umiling sa mga ito. “H-Hindi ko na rin alam kung nasaan sila. Wala na akong balita.” I bit my lower lip.
“Ganoon po ba. Sana po makita n’yo na ang totoong pamilya ninyo, Ate Bella. Baka miss na miss ka na ng mga iyon.”
I smiled at Megan. Dismayado ang loob ko sa sinabi nito dahil alam ko naman na kahit makita ko pa ang buong pamilya ko, alam kong hindi sila natutuwa at matutuwa sa akin. Who am I to be loved by them? Isa lang naman akong hamak na batang napilitang kupkupin ng aking ina noon.

BINABASA MO ANG
Dark and Dangerous
General FictionMontehermoso Series 7 (GENERAL FICTION) (COMPLETED) Sweet Anabella Avila and Evan Jackson Montehermoso ". . . there's only one thing I'm sure of, babe, you can't escape the madness of this man in front of you . . ." His love, his madness. WARNING:...