Kabanata 1

575 33 11
                                    

"Bakit kailangang pumasok at mag-aral? Ni hindi ko naman kayo nakitang humawak ng panulat," reklamo ng isang simpleng babae habang patuloy na pinagmamasdan ang mga nagsasayawang puno dahil sa lakas ng hangin.

Nakatitig lang sa kaniya ang tatay nitong maingat na inilagay ang damit na isusuot para sa pag-aaral nito, karaniwang gawa sa balat ng hayop ang kaniyang damit ngunit dahil ito ang unang araw niya sa eskwelahan ay kailangan nila itong paghandaan.

Iba si Meda sa kanila. Kailangan niyang gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga normal na tao. Hindi tulad ng mga nag-aalaga sa kaniya.

"Wala kaming kamay, ngunit may apat kaming paa, bibig ang ginagamit namin sa lahat, ilang beses ko bang uulitin Andromeda na tao ka—"

"At ang magulang ko ay tigre," pagpuputol ni Meda na pinagmasdan ang mabangis na mukha ng tigreng kaharap niya.

"Paulit-ulit na naming sinasabi 'yan sa 'yo noon pa, mabuti naman at alam mo na," pang-iinis ng tigre dito dahilan para walang magawa si Meda. 

Kahit sino sa mga nakatira sa liblib ng Beishou ay walang alam tungkol sa edukasyon, marahil siguro ay puro gulo at digmaan ang mga nangyayari kaya pati ang naisusulat sa dapat na magiging libro ay sinusunog.

Gawa lamang sa pinagtagping kawayan at makakapal na dahon ang bahay ni Meda, siya lamang ang naroon dahil ang itinuring nitong magulang ay matagal nang naninirahan sa kagubatan, hindi nila kailangan ng bahay, ang kailangan nila ay ang katahimikan na hindi kailanman ay mananatili sa kanila.

Alam iyon ni Tigor, ang hari ng kagubatan at tigreng ama ni Meda. Isang tigreng labing walong taon inalagaan ang isang tao... na noon lang ay nakabalot sa itim na tela na sinubukang itakas sa lupain ng Zhou na ngayon ay naangkin na ng Qin, na namununo pa rin hanggang ngayon.

"May mga tao roon," malalim na saad ni Tigor at nilagyan ng maraming prutas ang sisidlan na bitbitin ni Meda.

Literal na nahinto sa pagbibihis si Meda, at kunot-noong napatingin sa tatay. "Tao? May paa at kamay? Hindi parehas ang mga mukha namin? Malalaman ko agad kung lalaki sila o hindi?" masayang tanong ni Meda kay Tigor na umalingawngaw ang tawa na kung pakikinggan ng ilan ay sigurong matatakot sila.

"Katulad mo sila Meda. Iba-iba ang mukha, may dalawang kamay at paa, hindi gaya naming mga hayop na pare-parehas ang itsura at may apat na paa," pagpapaliwanag nito sa dalagang agad na tinakpan ang marka sa kamay.

Walang salitang inilabas si Meda, kung kanina lang ay bagot na bagot siya dahil kanila pa ito umaakyat ng puno upang kumuha ng mga bunga, ngayon naman ay halos magmadali na siyang kunin ang ilan sa mga dapat na dalhin. Nang maayos na ang dapat na dadalhin sa eskwelahan nito ay lumabas na ito ng bahay at mas lalong nakita ang ilan sa mga hayop na mukhang nawiwili sa pag-uusap.

"Ihahatid ka ni Yoba, may kalapitan lang naman iyon dito at siguradong ligtas ka roon," pagpapaalala ni Tigor na tinanguan ang kabayong maghahatid sa anak. "At ipapaalala ko lang, na mas maiging maging maingat. Mas masahol ang mga tao, kumpara sa hayop, anak ko," seryosong bulong ni Tigor.

Tumango lang ang tigre sa kabayo at ang inosenteng tingin ni Meda na halatang naguguluhan sa mga sinabi nito. Kung sabagay, wala namang alam si Meda tungkol sa mga taong katulad niya, hindi nito nasaksihan ang pagpaslang ng mga Hòng Taò sa dapat sana'y kukupkop kay Meda.

Hindi na lamang iyon pinansin ni Meda dahil bata pa lang ay nasanay na siya sa mga malalalim na salitang sinasabi sa kaniya ama, hindi nito malaman kung bakit gano'n na lang ang nalalaman nito sa mga tao samantalang wala pa silang taong nakikita sa gubat ng Beishou.

Dahil wala pang oras at tiyan na mapa sa panahon na iyon, kinailangan nilang sundan ang direksyon ng mga dulo ng dahon kung saan ito nakatapat, at dahil papunta sila ngayon sa hilaga hilagang kanluran sa kapatagan ng Ilo, malamig ang simoy ng hangin dahil sa mga puno at hindi sinubukang pumitas ng hitik na hitik na bunga dahil ang turo ng Tigor dito ay, hindi lahat ng kaniyang nakikita ay maganda ang idudulot.

"Iiwanan mo na ba ako kapag dumating na tayo sa Ilo?" tanong nito sa kabayong titig na titig ang daan.

"Maghihintay ako hanggang sa pagbalik mo, Meda, sa ikasampung puno mula sa kaliwa ng magiging upuan mo," sagot nito na halatang bumabagal na ang pagtakbo dahil natatanaw na nila ang kakaibang nilalang.

"Sila ang mga tao?" tanong nito ngunit hindi siya sinagot.

Halatang ignorante si Meda sa lahat ng bagay tungkol sa mga tao, siguradong nagtataka na ito kung bakit hindi sila magkakamukha samantalang ang ama nitong tigre na si Tigor ay maraming katulad, ang ilan pa sa mga hayop na nakikita nito ay magkakamukha lang. Bakit pagdating sa tao ay iba-iba ang wangis?

"Mula sa ika-sampu," pag-uulit ng kabayo na tinanguan lang ni Meda.

Nang huminto ang kabayo sa ika-sampung puno ay maingat na inalalayan ni Meda ang sariling damit na Hanfu, isa sa tradisyunal na damit ng mga babae at base sa bilin ni Tigor ay hayaang nakalaylay ang buhok hangga't hindi ito nagkakaroon ng asawa.

Na ipinagbabawal sa mga katulad ni Meda.

Titig na titig lang si Meda sa mga kagaya niyang sa palagay niya ay kasing edad lang nito. Ang karamihan ang mga lalaki at tatlo lang silang mga babae, ang ilan sa kanila ay naka-upo lang simpleng kahoy na nagdurugtong sa magkabilaang puno.

"Andromeda, sa dulong bahagi sa tabi ni Sabir," anang ng matandang babaeng puting-puti ang buhok na nakatali na parang bundok.

Natinag ang lahat dahil sa lakas ng boses ng maestrang iyon, tumango lang si Meda at dumiretso sa pinakadulo kung nasaan si Sabir na pula ang nakataling buhok at hindi man lang siya tiningnan. Natahimik na lang ang lahat dahil mukhang kumpleto na sila. Iba't iba ang kanilang pinanggalingan at walang alam sa isa't isa.

"Ako ang inyong magiging maestra sa loob ng pitong araw bago sumapit ang kabilugan ng buwan. Pitong araw lang tayo magtatalakay, hindi na tayo puwedeng magtagal pa dahil siguradong ito lang ang aral na madadala ninyo matapos ang pitong araw," paliwanag ng maestrang inilapat ang dalawang kamay at maingat na inangat ito kasabay ang pag-angat sa hangin ng mga makapal na libro at kusang nagsilapagan sa bawat mesa ng ilan.

"Iyan ang libro kung saan tatalakayin natin ang ating kasaysayan," sabi ng kanilang maestrang patuloy sa paglalakad sa harapan nila.

Hindi alintana ang lawak ng paligid dahil pakiramdam nila ay nakakulong sila sa iisang kwarto, ni hindi nila marinig ang sinasabi ng ilan sa mga taong wala sa puwesto nila at para bang hindi sila nakikita.

Maingat na inilibot ni Meda ang paningin nito sa lahat ng kaniyang kasama at sinusubukang makilala ang lahat ng mukha sa loob lang ng sampung sengundo. Tahimik lamang siya na tinatapik-tapik ang librong naninilaw na.

"Ngunit bago ako magsimula, gusto kong marinig mula kay Andromeda, kung anong kasaysayan ang mayroon tayo ngayon, tingnan mo ang paligid at kung ano ang naiisip mo ay iyon ang lalabas sa libro," ngiting sambit nito dahilan para mapa-upo ng tuwid si Meda at pagtinginan siya ng ilang kagaya niya.

Tumayo ang dalaga at halos hindi nasasapawan ng pula nitong suot ang balat nitong namumula at ang buhok nitong nakalapat lang sa kaniyang likuran. Nanatili ang tingin nito sa maestrang tumango sa kaniya.

"Ang kasaysayan natin?" pag-uulit ni Meda at saka tumingin sa paligid.

Maliwanang ang buong lugar, sa malawak na kapatagan ay kalangitan lang ang nakikita niyang dulo. Napapalibutan sila ng matataas na puno at ilang mababangis na hayop na hindi sila napapansin.

Nagbalik ito ng tingin at saka inosenteng kinuha ang libro at agad na binuklat iyon. Muli siyang tumingin sa maestra at saka ngumiti. "Walang nakasulat na kasaysayan natin sa libro maestra," sagot nito.

Nangunot ang maestra. "Bakit sa tingin mo wala? Ano ba ang iyong inisip? Anong klaseng kasaysayan ba ang nakikita mo ngayon."

"Walang kasaysayan ang lugar ng kagubatan ng Beishou kung saan ako lumaki, paulit-ulit lang ang nangyayari sa gubat kasama ang mga hayop na nag-alaga sa akin. Hindi ko rin alam kung ano ang ibig sabihin ng kasaysayan kung kaya't wala akong maisagot," matapang na sabi nito saka binigyan ng isang ngiti ang maestrang titig na titig sa kaniya at saka tumango kaya ito naupo.

Hindi alam ni Meda kung paano niya nasabi ang mga gano'ng bagay, siguro, e, dahil nasanay siyang sumagot agad sa tuwing may itinatanong kahit na hindi pinag-iisipan ang sagot.

"Tama si Meda. Ang nangyayari ngayon ay hindi maisusulat bilang kasaysayan sa magiging libro. Lahat tayo ay kathang-isip lamang."

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon