Halos buong araw lang inalala ni Meda ang itinuro sa kanila, gusto niyang matawa dahil parang kanina lang ay sinang-ayunan siya na walang kasaysayan na nangyayari, ngunit iyon ang kanilang tinatalakay. Imbes na magtanong ay nanatili itong nakinig at payapang nakauwi bago pa sumapit ang dilim.
Maingat na itinago ni Meda ang damit na sinuot niya at saka nagpalit ng madalas niyang suot na balat ng hayop ng oso na pinatay mismo ni Tigor dahil sa kamuntikang kunin sa kanila noon si Meda dahil ang mga tao ang kanilang pagkain. Ngunit si Tigor lang ang nakakaintindi sa mga nangyari noon at sa mangyayari pa lang.
"Tandaan mo lagi ang itinuturo sa inyo para kapag tinanong, alam ang isasagot," sabi ni Tigor at saka dinakma ang isang malaking dahon at maingat na inilagay sa batong mesa ng dalaga gamit ang ang bibig nito. Tanging bibig lang ng mga hayop ang kumikilos at humahawak sa ilang mga bagay.
"Magulo naman ang turo niya, ama. Ako pa nga ang una niyang tinawag tapos isipin ko raw kung anong klaseng kasaysayan ang lupain natin," panunumbong nito na umupo agad sa tabi ni Tigor na naka-upo dahilan para magpantay sila.
"Ano naman ang isinagot mo?"
Maingat na pinisil ni Meda ang pisngi ng tigreng kaharap niya at saka yumakap dito. "Sinagot ko siya ama na wala. Gubat lang ang nakikita ko, e. Kanina nga, no'ng nakita ko ang mga tao parang wala lang sa akin, parang nakita ko na sila noon kaso hindi ko maalala kung saan," bulong ni Meda at saka hinimas himaa ang balahibo ni Tigor sa likuran nito.
"Nakita mo na talaga ang mga tao noon, hindi mo lang maalala dahil sa sobrang tagal."
"Ay! Ama? Puwede kaya tayo pumunta sa pinaka-sentro bukas ng umaga? Roon sa pinaka-sentro ng Qin, 'yong kinukuwento mo sa akin noon. Ang sabi ninyo kasi maraming tao roon," magiliw na paalam ni Meda at saka bumalik sa mesa upang aasikasuhin ang pagkain.
Dinig ang pagbuntonghininga ni Tigor at mariing umiling. "Pupunta ka lang doon kapag kaya mo na ang sarili mo, hindi mo ako puwedeng isama dahil dito kami nababagay. Dito kami nakatira," seryosong saad ni Tigor na nagpatango sa dalaga.
"Ako lang ang pupunta roon mag-isa? Kailan naman iyon?"
"Ikaw lang naman ang makakaalam kung handa ka pumunta roon," sagot ni Tigor at saka maingat na isinara ang pinto at iniwan ang anak na si Medang tulala sa pagkain.
Nagmadali si Meda sa pag-kain nito at paglilinis ng sarili dahil malapit nang pumatak ang gabi, ugali na niyang magkalakad-lakad sa gubat o ang umakyat sa matataas na puno para lang dalawin ng antok o bumuo ng sagot mula sa sarili niyang mga katanungan.
Dala ang isang gasera, gaya ng dati ay lumakad ito mula sa kanan kung saan mas kaunti ang mga hayop na naglalakad, naroon din kasi ang paborito niyang puno kung saan nakikita halos buong kalupaan. Maingat ang pagkakalakad nito dahil wala naman siyang sapin sa paa, nang marating niya ang punong matayog na iyon ay maingat niyang itinali ang gasera sa kaniyang likuran at mabilis na inakyat iyon nang walang kahirap-hirap. Sa tuktok mismo ng puno na iyon ay tanaw na tanaw niya ang ilan sa mga punong mas mababa, araw-araw naman niya iyon ginagawa pero hindi niya maiwasang mamangha sa pinakadulong parte dahil sa liwanang doon, ang kalupaan ng Qin na sinasabi ni Tigor sa kaniya.
Inilagay nito ang gasera sa isang kahoy na nakausli at isinabit iyon, doon niya lang nakita sa bandang kamay nito na may galos ito na unti-unting nawawala, kusang gumagaling ang sugat nito sa kamay na hindi na niya pinansin.
Bata pa lamang ay alam na niyang iba siya bukod sa nag-iisa siyang tao sa gubat na iyon. Alam niyang may kakaiba sa katawan niya at may ibig sabihin ang mga marka sa katawan nito, ang tatlong marka sa kaniyang palad, ang mga alaalang naaalala niya ngunit hindi niya alam kung kailan nangyari.
Para bang nabuhay na ito noon, at ganitong-ganito rin ang mga nangyari.
Naramdaman nito ang pag-uga ng puno dahilan para umusog siya pakanan, isa lang ang ibig sabihin nito kaya siya napangiti, hindi alintana ang bigat ng tigreng sinundan si Meda sa punong iyon.
"Lagi ninyo na lang ako sinusundan," mahinahong sabi ni Meda at saka nahiga sa likuran ni Tigor.
"Naamoy kita kaya pinuntahan kita. Hindi ka ba nananawang tingnan ang ilaw na 'yan?" pagtutukoy nito sa kaharian ng Qin.
Umiling si Meda at saka ngumiti. "Ang ganda nga, e. Siguro maganda roon, ama. Maraming tao, masaya, tapos maingay," masayang anas nito habang si Tigor ay titig na titig lang sa dalaga.
"Puwede bang magkuwento ka ama tungkol sa Qin? Bakit sobrang layo nila sa atin? At bakit sinasabi mo na malaki ang sakop ng Qin pero hindi tayo kasama?"
"Si Emperador Shi ang kasalukuyang humahawak ngayon sa imperyong ito. Ang Qin ay binubuo noon ng anim na kalupaan na pinag-isa dahil bumagsak ito sa kamay ng Emperador sa tulong ng Reyna ng ilalim ng lupa. Marami ang namatay noon dahil ipinagbabawal ang bata, maliban na lang kung anak ka ng isang hari o may dugong maharlika. Kaya maraming inosenteng bata ang nawala noon na siguro kung nabubuhay lang sila ay kasing-edad mo na ngayon," mahabang kuwento ni Tigor kay Meda na nakatitig lang sa dulong iyon.
Hindi maiwasang madismaya ni Meda, dahil sa kuwentong iyon at mga batang inosente pa ang kailangang idamay.
"Bakit ako nandito kung pinapaslang nila ang mga bata noon?" tanong ni Meda.
Nakatitig lang si Tigor sa kaniya at sinubukang alalahanin ang nangyari noong nakita niya ang sanggol sa isang bukana ng kakahuyan. Gusto lang sana maglakad-lakad ni Tigor no'ng hapong iyon ngunit may naamoy siyang kakaiba kaya niya iyon sinundan, handa na ang mga pangil nito at siguradong handa na rin ang ibang katulad ni Tigor ang naamoy nilang tao no'ng araw na iyon ngunit pati si Tigor ay nahinto nang makita niya ang inosenteng batang sanggol na nasa itim na tela.
"Inilapag ka niya at paulit-ulit niyang sinasabi na ikaw si Meda, Andromeda ang pangalan mo, bago ka niya tinalikuran at nang makalabas siya ng bukanang iyon, isang nakakalasong palaso ang pumatay sa kaniya," pagsasalaysay ni Tigor sa anak na nakikinig lang at hindi pilit na kinumbinsi ang sariling iyon talaga ang nangyari.
"Bakit niya ako iniwan ama?"
"Para itakas ka. Walang ibang daan para makalabas ng Qin kundi ang dumaan at tawirin ang gubat ng Beishou, kung nasaan tayo ngayon at kung nasaan ang mga mababangis na hayop na katulad namin. Kailangan ninyong makalabas sa gubat ng Beishou at may ilog doon patawid sa ibang imperyo. Itinakas ka nila mula sa kalupaan ng Qin, sa lugar kung saan gusto mong puntahan para lang itakas ka, hinabol sila at kung hindi ako nagkakamali sa mga sinabi mo noon, naunang namatay ang lalaki."
"Base sa sinabi ko?"
"Ang lahat nang nakita mo noong mapunta ka sa kanila ay totoo, hindi mo lang alam ang nangyayari, kaya nang nagka-isip ka at nakapagsalita, halos lahat ng sabihin mo mula sa panaginip o pangitain ay karamihan ay totoo, dahil ikaw mismo ang nakakita," paliwanag ni Tigor at saka kinuha ang gasera.
"Balang araw, Meda, mawawala ka sa amin. Kapag dumating ang araw na iyon, hinding-hindi ka namin ipagkakait sa taong kukuha sa iyo kahit kami ang nagpalaki at sila ang gustong manakit. Wala ang buhay mo sa gubat, ikaw ang sasakop sa lahat."
BINABASA MO ANG
Bond of Survival | Completed
خيال (فانتازيا)[ZHŌNGGOU LEGENDS #4] In their kingdom, being alive is illegal and obeying the rule is crime. *** The prophecy says that China will be ruled by thirteen dynasties that can rather destroy it or build. During the 221 BC, when six major lands were rule...