Kabanata 25

85 7 0
                                    

Maaliwalas ang paligid.

Wala mang namumuno sa lupain ng Qin ay kahit papaano ay maayos pa rin dahil kontrolado sila nang hindi nila nakikita.

Malayang nakapaglalakbay si Meda gamit ang kabayo nang mag-isa na hindi kasama si Seju. Dahil habang nagkakagulo ang magkakapatid ay si Meda na ang kusang lumayo. Naging mainit ang mata sa kaniya sa loob ng palasyo. Hindi na niya alam kung may mapagkakatiwalaan pa ba sa kanila. Alam niyang may mali ngunit mas pinili niyang hindi iyon pansinin, dahil anong mapapala niya roon? Wala siyang kapangyarihan. Wala siyang kahit na ano maliban sa sarili niya at desisyon nito sa buhay.

Maingat na napangiti si Meda dahil sa mga kababaihan na napapangiti sa kaniya sa tuwing nakikita siya. Dahil alam ng lahat na galing siya sa palasyo dahil sa damit at kulay na suot nito ay ang iba ay napapayuko pa para magbigay galang na ginagaya rin ni Meda. Nakakatuwa lang dahil nakasanayan na niyang yukuan din ang mga taong alila ang tingin ng taga-palasyo.

Nang makalagpas ay literal na napabuga si Meda dahil nasa bungad na siya ng tulay na halos tapos na. Sinabi sa kaniya ni Wuan noon na ang mahabang tulay sa bulubunduking iyon ay makakatulong para maibsan ang digmaang puwedeng mangyari. Hindi maiwasang mamangha ni Meda sa namayapang emperador ngunit nakapagtataka lang dahil tikom ang lahat ng mga tao.

Malaya niyang pinagmamasdan ang kabuoan ng paligid. Ang bangin at para bang kapantay nito ang ulap, ang tulay sa bandang kanan nito at sa kaliwa naman ang bayan kung nasaan ang mga taong abala sa pagtatrabaho. Nasa sentro pa ang palasyo na sinigurado niya talagang lumayo muna dahil sa init ng tensyon doon. Hindi niya rin malaro ang batang kapatid ni Seju dahil nasa pangangalaga iyon ni Wuan.

"A-Ahh!" Napaimpit ito sa kirot nito sa kaniyang palad, dahilan para mapaurong ang kabayong sinasakyan niya.

Agad niyang hinimas ang kabayo para mapakalma at muling binigyan ng atensyon ang kaniyang palad na mayroong dalawang tuldok... dalawang tuldok ngunit ang isa ay malabo na.

"A-Ano ito?" bulong ni Meda sa kaniyang sarili.

Bahagyang kumukurap ang itim na marka sa palad nito, bigla na lang mawawala at lilitaw. Katulad ito sa nangyari noon bago mawala ang kaniyang ama na si Tigor.

May isang mawawala.

Kung naaalala lang siguro ni Meda ang parehas na pangyayari noon ay baka maagapan ni Meda ang mangyayari. Ngunit kung alam man niya, hindi niya naman matutukoy kung sino ang mawawala.

Dahil sa takot ay agad na nagmadali si Meda na bumalik sa palasyo. Titig na titig lang ito sa daan habang patuloy na pinapabilis ang takbo ng kabayong sinasakyan nito. Ang mainit na hanging pasalubong na humampas sa kaniya dahilan para pati ang mahabang buhok nito at ang hanfu ay sumabay sa hangin.

Hapon pa naman kaya paniguradong nasa silid-aklatan pa rin si Shilo na madalas niyang madaanan doon. Dahil bukod kay Remus na mahilig magbasa ay iyon lang din ang gawain ni Shilo. Kaya kahit hindi siya nakapag-aral, marami siyang nalalaman dahil sa mga librong naka-imbak.

Nang makarating sa palasyo ay agad siyang bumaba. Napangiti pa ito nang makita niya si Shilo na mukhang alam na niya kung saan pupunta. Kaya naman agad siyang tumakbo papunta roon, ngunit hindi naglaon ay hindi niya rin ito naabutan dahil sa mga dumaang taga-silbi na mas binigyan niya ng daan.

"Shilo?" tawag nito nang makapasok sa loob.

"May kailangan ka?" ngiting salubong ni Shilo na uupo pa lang sana sa upuan.

Mas piniling ngumiti ni Meda at ilibot ang tingin nito sa may kalakihan na silid at saka lumapit sa binata. Mahigpit na hawak nito ang kaniyang palad at unti-unting pinakita iyon kay Shilo.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon