Kabanata 28

75 7 0
                                    

Tulala lang si Remus sa harap mismo ng templo, ang katawan nitong puting-puti na pati ang kaniyang labing nagbabalat dahil sa lamig. Mariin lang siyang nakahawak sa kaniyang dibdib habang ang kanang kamay nito ay nanatili sa kaniyang hita. Nakasandal ang likuran sa malaking tore at halos latay na latay na ang kaniyang katawan. May lakad pa naman siya kahit papaano, puwede siyang humingi ng tulong sa mga manggagamot ngunit mas pinili niyang pagmasdan iyon.

"S-Shè," usal ni Remus nang makita niya ang puting ahas na ngayon na lang ulit nagpakita sa kaniya.

Pinagmasdan ng shè ang kalagayan ni Remus na hindi na niya puwedeng agapan pa dahil iyon ang dapat na mangyari. Gumapang ito papunta sa paanan ni Remus hanggang sa makarating sa kaniyang dibdib at kusang pinulupot ang sarili sa leeg ni Remus ngunit sinigurado ng shè na hindi niya masasakal ang binata.

"May nalalaman ka na," bulong ni shè na nagpangisi kay Remus.

"B-Bakit hindi mo sinabi noon?"

"Dahil hindi ka maniniwala. Kung maniniwala ka man, hindi mo susunduin ang Qilin mula sa pinanggalingan niya," usal ng shè.

Napapikit na lang si Remus dahil sa hapdi ng dibdid nito. Agad itong napasinghap at pinilit na ayusin ang pagkakaupo. Ang mga mata nitong singkit ay mas lalo pang naningkit nang mapangiwi ito.

"Ang Qilin."

"Tama ka. Ang Qilin. Kung siguro noon na maayos pa ang koneksyon ninyo ni Shilo, malaki ang posibilidad na maayos pa ito. May kasalanan ka pa rin Remu—"

"Minanipula mo ang lahat shè! W-Wala akong kasalanan," malalim na napasinghap si Remus habang pabilis nang pabilis ang kaniyang paghinga.

"Ano bang alam mo sa mga nangyari noon Remus? Sinabi ba ng iyong ama ang ginawa ng iyong ina? Sarili mong kadugo ang gumawa niyan sa 'yo... ang sarili mong ina Remus."

"Sinungaling! Ginamit mo ako shè, dahil alam mong lahat gagawin ko para sa trono. Ginamit mo ako para lang mapalapit sa palasyo si Andromeda!" singhal nito na ikinatawa ng ahas.

Umalis sa pagkakapulupot ang shè at saka nanatili sa tabi nito. Hangga't maaari ay pinapakalma ni Remus ang kaniyang sarili. Sapat na ang mga nangyayari sa kaniya para tumigil siya sa pagiging sakim. Ngunit kailangan niya ng paliwanag. Gusto niyang maliwanagan kung bakit silang mga anak ng emperador ang nagdurusa sa kasalanan ng kanilang ama.

Kung bakit kamatayan lang ang sagot para sa problema.

"Nagawa mo na ang parte mo sa palasyo Remus. Habang pinipilit mong mabuhay, mas lalo ka lang makakaramdam ng sakit na siyang papatay sa 'yo. Kung hindi ka humiling sa akin no'ng gabing iyon, tahimik pa rin sana ako bilang rebulto at hindi tinuturing sumpa ng lupain na ako naman ang minsang namuno," usal ng shè.

Kulang na lang ay tuklawin ng ahas ang leeg ni Remus dahil sa paulit-ulit nitong pagpapaintindi sa binata. Tumango-tango si Remus at saka mahinang tumawa.

"B-Bayani na ba ako?" natatawang tanong nito sa kaniyang sarili. "P-Paano ako shè? Gusto kong mabuhay, kahit isang alipin na lang shè... kahit iyon na lang," pagmamakaawa nito kahit na wala na siyang lakas.

Ang mga mata niya ay malimit na lang niya idilat. Hangga't maaari ay gusto niyang mag-ipon ng lakas para kahit papaano ay makausap si Seju, si Shilo, si Wuan at ang ilang mga kapatid niya sa labas na naging masama ang pagtrato niya.

Gusto niyang humingi ng tawad, kahit na hindi niya ugaling gawin ang bagay na iyon. Magpapakumbaba ito at magbabakasakaling bawiin ang lahat sa kaniya.

"Sa larong ito, kamatayan lang ang solusyon Remus. Ang mga taong may malinis na konsensya lang ang puwedeng matira sa lupain na ito. Ipagpatawad mong hindi ikaw iyon batang Remus. Ikaw ang nagpasimula ng laro. Kaya ikaw ang dapat na tumapos," huling salita ng shè bago ito tuluyang nawala sa paningin ng binata.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon