Hindi pa sumisikat ang araw pero mulat na ang mga mata ni Meda. Hindi pa rin maalis sa isip ng dalaga ang kuwento sa kaniya ni Tigor na halos paulit-ulit lang din ngunit parang bago lang sa pandinig niya. Madalas na sinasabi ni Tigor na huwag nang alalahanin ang mga bagay na natapos na at magpatuloy na lang sa kasalukuyan at huwag masiyadong isipin ang mangyayari sa hinaharap.
Ngunit paano niya gagawin iyon kung alam nitong magkakarugtong lang ang lahat? Hindi pa rin malinaw sa kaniya kung bakit pakiramdam niya ay may kakaiba sa kaniya, matagal na panahon na iyon ngunit parang kahapon lang.
Nagmadali itong bumangon at hindi na nag-abalang hanapin si Tigor dahil alam naman niyang maamoy siya nito, nadaanan niya ang ibang mga hayop na bumati lang at iniiwasan siya ng tingin dahilan para magtaka siya, ngunit sanay na siya sa ganitong bagay.
Taliwas sa madalas niyang pinupuntahan, pumunta ito sa gawing likuran, alam niya ang daan papunta sa hangganan ng Beishou sa gubat na iyon, ilang beses na niya iyon pinupuntahan no'ng bata siya, ngunit mariin na niyang iniwasan iyon dahil madalas lang siyang bangungutin. Nang matanaw na niya ang matataas na talahiban sa dulong bahagi kung saan may balon doon, nagmadali itong pumunta at hindi na nakalapit pa sa pinaka-dulo dahil nilagyan na iyon ng bakod.
"Lei," bigkas ni Meda sa pangalan ng taong nagligtas sa kaniya. "Lei, ang ngalan mo sabi ni ama," panimula nito at saka naupo sa isang bato katapat ang may marka roon kung saan siya inihiga.
Hinawi nito kaunti ang buhok papunta sa kaniyang likuran at naupo lang doon. "Maayos naman ako rito kina ama, Tigor ang pangalan niya, siya ang nakakita sa akin base sa kuwento niya, at nakita ka niyang pinaslang ng mga Hòng Taò, at hindi ko ginustong mangyari iyon para lang iligatas ako, Lei.
Malinaw ang kuwento ni Tigor sa kaniya ngunit nagiging magulo lang sa tuwing nagtatanong na siya tungkol sa mga nangyari noon na hindi naman masagot, na tanging siya lang ang nakakaalam.
Bahagya itong tumayo at naninigkit ang mga mata nang subukan niyang hawiin ang mas matatangkad pa sa kaniyang mga talahiban, ngunit bago niya pa magawa iyon ay isang malambot na balahibo agad ang naramdaman niya dahilan para mabigo siya.
Isang kuneho ang nakatitig sa kaniya at saka iiling-iling na kumapit sa paa nito. "Pasaway ka Andromeda—"
"Nandito lang ako sa tabi," depensa agad ni Meda sa kuneho.
"Kahit na, alam kong susubukan mong silipin iyan at lilingon ka sa paligid kung may gising na ba at saka susubukan mong lumabas at suwayin si Tigor, at kapag nangyari iyon mawawala ka, may makakakita sa 'yo, tapos kukunin ka, at magagalit si Tigor, magkakagulo ang buong gubat at mapipilitan silang lumabas ng Beishou tapos si Tigor pupunta ng kaharian ng Qin kasi alam niyang gustong-gusto mo roon..."
Halos hindi matigil ang pagkuwento ng kuneho sa mga puwedeng mangyari kung natuloy lang ang pagsilip ni Meda sa talahiban na iyon, hindi niya alam kung matatawa ba siya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos itong magkuwento na umabot na sa pagkamatay ni Tigor dahil sa kahahanap sa kaniya.
"At malulungkot ang buong kagubatan ng Beishou. Kaya huwag kang sumilip diyan kung ayaw mong mangyari iyon Andromeda," pagpapaalala nito saka lumakad palayo dahil nakakita na ito ng pagkain.
Pinagmasdan lang siya ni Meda na makalayo at muling bumaling sa talahiban na hindi na niya sinubukan pang lumingon at lumakad na lang papunta sa balon. Maliwanag na ang buwan, madaling araw pa lang ngunit hindi siya nakakaramdam ng takot dahil may ilang mga hayop naman na gising sa gabi.
Nanatili itong nakatayo tabi ng balon, hindi niya maiwasang mapangiti dahil mababaw ang tubig doon na naabot niya, malinaw niyang nakikita ang kaniyang sarili at ang bilog na bilog na buwan.
![](https://img.wattpad.com/cover/297527011-288-k48962.jpg)
BINABASA MO ANG
Bond of Survival | Completed
Fantasy[ZHŌNGGOU LEGENDS #4] In their kingdom, being alive is illegal and obeying the rule is crime. *** The prophecy says that China will be ruled by thirteen dynasties that can rather destroy it or build. During the 221 BC, when six major lands were rule...