Kabanata 20

101 7 0
                                    

"Nawiwili ka ata," ngising panimula ni Wuan nang makita niya si Meda na tama ang pagtimpla sa mga pagkain.

Ngumiti lang ang dalaga at saka binitawan ang sandok na lumapit sa kaniya. "Ngayon lang kasi ako natutong magluto. Hindi ko naman alam kung bakit gustong-gusto ko na may halong dahon ang pagkain ko," usal nito.

Tumango lang si Wuan na nakatoka sa pagtuturo sa dalaga sa kusina. Dapat lang na matuto si Meda dahil una sa lahat ay isa siyang babae. Iyon kasi ang unang naisip ni Remus na ipagawa kay Meda dahil na rin siguro sa karanasan niya nang kumain sila at kung ano-ano ang ipinaghahalo ng dalaga sa pagkain.

"Wala ka ba talagang maalala?" tanong ni Wuan.

At dahil tapos na ang kanilang oras sa kusina ay magpapahinga na muna ang mga ito dahil mamaya ay ipapakilala siya ng mga opisyales dahil na rin gusto siyang pormal na makilala. Dahil ang paningin ng iba ay dapat lang na makilala ng lahat ang magiging asawa ng susunod emperador.

Tulala lamang si Meda sa paa nito habang paulit-ulit na inaalala ang tanong ni Wuan na kasalukuyang nakatingin sa kaniya.

Ilang beses nga ba niya sinubukang alalahanin lahat? Halos wala siyang matandaan liban na lang sa mga malalabong imahe at ang mga boses na hindi malinaw sa kaniya.

Umiling ito at saka ngumiti. "Ilang beses ko nang pinilit, wala talaga e. Basta kasama ko lang si Remus na pumunta rito. Tapos ito nandito na ako." Huminga ito nang malalim at halatang nawala ang ngiti sa labi. "Hindi naman siguro na mahalaga ang nakaraan. Sayang nga lang dahil hindi ko na maalala. Pero mas gusto kong malaman 'yong mga susunod na mangyayari sa akin at sa atin. Tapos naman na kasi ang nakaraan... hindi na 'yon magbabago Wuan."

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa mismong templo ng emperador. Ang mala-gintong trono na nasa pinakadulo na malapit na muling maupuan. Mukhang kilala naman iyon ng lahat ngunit hindi kinikilala sa propesiya.

"Wala pa rin bang papalit sa iyong ama?" tanong ni Meda.

"Si Remus. Siya lang naman ang may posibilidad na humalili kay ama."

"Bakit hindi puwedeng gawin na ang seremonya kung siya na nga ang hahalili?" pagtataka ni Meda na nilingon na si Wuan na mariing umiling.

"Hindi ko rin alam. Wala namang iniwan na liham ang ama. Wala rin siyang nasabi sa amin. Nasa batas kasi na ang panganay ang papalit sa trono."

Literal na nangunot ng noo si Meda at tuluyang humarap kay Wuan. "Bakit hindi si Shilo? Siya ang panganay ninyo hindi ba?"

"Hindi siya kinikilala ng mga tao na anak ng ama. Si Remus ang nakasanayan nila sa amin. Kaya malamang na si Remus ang kikilalanin."

Halos magulo ang utak ni Meda dahil doon. Mas dumagdag pa sa mga isipin niya ang tungkol sa susunod na mamumuno. Ngunit ano naman ang kinalaman niya roon? Puwede namang gawin na lang niya ang papel niya sa palasyo at mamuhay ng tahimik.

"Eh ang tulay? Hindi pa ba iyan matatapos?"

Bahagyang natawa si Wuan dahil siya lang naman ang namumuno sa paggawa no'n. "Malapit na sigurong matapos. Marami naman ang gumagawa at isa pa, hindi kailangang magmadali dahil marami namang Hòng Taò na poprotekta sa atin."

Tango na lang ang naisagot ni Meda at saka pumunta na sa kaniyang silid. Habang tumatagal ay mas lalong nagbabago ang lahat sa kaniya. Ang pag-iisip nito, pananalita at ang mga desisyon sa buhay. Pakiramdam niya ay hindi siya ang nasa kaniyang katawan dahil para bang may kumokontrol sa kaniya.

At dahil wala naman siyang magawa sa loob ng kaniyang silid ay mas pinili niyang kunin ang mga libro na naka-ipon sa maliit na mesa nito. Iba't ibang libro iyon na patungkol sa mga ninuno. Ngunit kung mayroon man siyang ikinapukaw ng atensyon ay iyon ang isang mapa na nakaipit sa huling libro.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon