Kabanata 11

134 9 4
                                    

Dahil sa pagkamatay ng emperador ay natigilan ang lahat ng gawain sa lupaing iyon. Ang lahat ay nakasuot ng pulang hanfu, gano'n din ang mga magkakapatid. Dahil sa loob ng buong araw na iyon ay wala silang ibang gagawin kundi ang magnilay at manatili lang sa harapan ng templo sa buong maghapon.

Makulimlim ang kalangitan para bang nakikiayon sa sitwasyon nila ang panahon, ang mga makukulay na ibon na nagliliparan noon ay napalitan ng itim na uwak at panay ang paglibot sa paligid ng templo. Ngunit ang isang kapansin-pansin dito ay ang puting ahas na para bang hindi napapansin ng mga tao maliban sa isa.

Hindi maiwasang mapatingin ni Remus sa isang istatwa ng kaniyang ama na gawa sa ginto, ngunit ang mas kapansin-pansin ay ang puting ahas na nasa gilid nito, para bang pinagmamasdan ang lahat at nang magtama ang kanilang mga mababagsik na mata ay hindi iyon natinag.

"Paano na tayo nito?" usal ni Seju sa ika-siyam nitong kapatid.

Natigil ang ika-siyam at pasimpleng tumingin sa bunsong kapatid na nakatitig lang sa nakabalot na katawan ng ama.

"Hintayin na lang ang sasabihin ng konseho Seju, pagkatapos naman nito ay nasa labas ng palasyo ang buhay namin," simpleng saad nito ngunit naroon lahat ang punto.

Mula sa ika-apat hanggang ika-siyam na magkakapatid ay nasa labas lamang sila ng palasyo at tinatrabaho ang ilan sa mahahalagang bagay. May punto naman talaga ang ika-siyam dahil kapag natapos ang araw na iyon ay babalik na lahat sa normal, magtatrabaho muli at pananatilihin ang kaharian nang wala ang emperador. Dahil sa huli ay ang pinili lang ng Emperador na manatili sa palasyo ang maghihirap. Marahil, isa sa kanila ang hihirangin kapalit ng kanilang ama.

Natapos ang buong maghapon na iyon at opisyal nang tinapos ang seremonya. At dahil wala ang emperador ay ang mga konseho ang nanguna habang ang kanang kamay ng Emperador ay nakaantabay lang sa mga ganap at sa mga mangyayari.

"Rem—" Hindi na naituloy ni Shilo ang pagtawag sa kapatid nang mabilis siyang lagpasan nito.

Hindi naman alam ni Remus na tinawag siya ng kapatid dahil hindi pa rin maalis sa utak nito ang ahas na nakatitig sa kaniya. Gusto lang naman ni Shilo na alukin si Remus na sumabay sa kanilang tanghalian ngunit sila Wuan na lang din ang umiling at nangumbinsi na huwag na lang iyon pansinin.

Walang pakialam si Remus kung nasasagi na niya ang ilang opisyales dahil ang mas mahalaga sa kaniya ay ang sundan ang ahas na kasalukuyang gumagapang. Habang patagal nang patagal ay nagiging mabilis ang paglakad nito. Ngunit gano'n na lang ang kawalan niya ng atensyon dahil sa istatwang ahas na madalas dasalan ng kaniyang ama, na ngayon ay wala na. Nakakatawa man pero ang naiisip na lang niya ay galing doon ang ahas na nakita niya.

"Nasaan ang shè'ng iyon?" pagtutukoy nito sa ahas.

Shè ang tawag sa puting ahas na iyon. Nagpatuloy sa paglalakad si Remus hanggang sa dalhin siya ng kaniyang paa sa isang templong walang katao-tao, mahigpit na pinagbabawalan na walang puwedeng pumunta sa templo ng emperador o ninuman kapag iyon ay namatay. Naningkit ang mata ni Remus na tiningnan ang buong paligid, nang makasiguradong walang tao ay agad itong pumasok sa napakaluwang, kulay pula ang paligid at napapalibutan ng naninilaw na ilaw sa bawat haligi ng kwartong iyon.

Kailan nga ba ang huling pasok niya rito? Halos bata pa siya noon nang huli siyang makapasok, samatanlang ang bunsong kapatid nitong si Seju ay madalas na naroon at wala man lang sinasabing kung ano ang mga konseho. Minsan pang dinahilan noon ng Emperador Shi na bunso si Seju at mas mabuting pagbigyan na lang.

Sandali nitong inilibot ang paningin, walang mga litrato at kahit na akong pinto ang naroon, tanging ilang libro at bagay lang ang nakahilera sa mababang aparador. Nakakumpol sa mesa nito ang ilan sa mga nakarolyong papel at ang paboritong panulat nito na nakaayos sa gilid ng lampara.

Bakit ba nila tinatawag na mabagsik ang ama? Samantalang para naman sa kapakanan nilang lahat ang batas na ginagawa ng ama. Na ngayon ay hindi mauulit dahil may panibago na muling papalit. At siya iyon. Sa paningin ng iba ay si Remus na iyon.

"Dahan-dahan sa pag-iisip nang malalim... batang Remus," usal ng isang malamyang boses babae mula sa kaniyang gilid.

Boses babae ang boses. Sa tuwing tititig ka sa kaniya ay makikita mo ang mga mangyayari, at sa huling salita nito at madalas niyang ilabas ang makamandag nitong dila at saka nagpagewang-gewang ang matabang katawan at itinuwid ang ulo.

"Ang shè," usal ni Remus nang hindi man lang umaalis sa puwesto.

Kung normal na tao lang ang kaharap ng ahas ay baka kanina pa ito tumakbo at humingi ng saklolo. Ngunit sa ganitong sitwasyon, si Remus ang humingi ng tulong sa puting ahas na ito. Kaya bakit siya makakaramdam ng takot?

"Totoo ngang matalino ka, para kang ang iyong ina," usal muli ng ahas at saka gumapang papunta sa kaniya.

"Saan ka galing? Mapangahas kang pumasok dito nang wala man lang pahintulot ninuma—"

"Hindi ko kailangan ng pahintulot sa lupaing minsan akong nagmay-ari, Remus. Tandaan mo 'yan," bulong ng ahas sa kaniyang tenga at agad na nagpagewang-gewang papunta sa higaan ng emperador.

Mariing napangisi si Remus sa ahas na hindi man lang niya kilala at base sa kilos nito ay para bang wala itong kinakatakutan. Ni hindi kumilos si Remus, bagkus ay mas lalo itong lumapit sa ahas na patuloy pa rin siyang pinag-aaralan.

"Ano bang alam mo sa amin? Hindi por que wala na ang ama kailangan mong umakto na katulad niya."

"Ipinagbuklod kami noon."

"Mukhang mali ang ama sa sinasamba niya."

"Noon pa man Remus, bago kayo dumating sa buhay niya, ako lang ang kaniyang sinasamba—"

"Bakit ba hindi mo na lang sabihin ang gusto mong sabihin?!"

Mariing napatawa ang ahas at gumapang sa likuran ni Remus, dahan-dahang umakyat sa braso nito at bahagyang huminto sa leeg ng binatang para bang paralisado na.

"Gusto mong maging emperador? Pamunuan ang lupain ng Qin, igalang ng lahat at makuha ang gusto. Naaalala mo pa ba ang kuwento ng iyong ama noon?" tanong ng ahas at saka paulit-ulit na gumapang sa leeg dahilan para masakal si Remus.

Hindi magawang igalaw ang lahat ng katawan dahil sa kung anong pangongontrol ng ahas, hindi niya magawang buksan ang bibig at tanging mata niya lang ang nakakakita kung anong mayroon sa mata ng ahas.

Isang babaeng patuloy sa pag-akyat sa matayog na puno at panay ang tingin sa pigid.

"Noong unang panahon, may isang mayamang kaharian, payapa ang lupaing iyon at ang napapalibutan sila ng mga taong handa silang pagsilbihan. Ngunit dumating ang araw na namatay ang hari at walang napag-iwanan kung sino ang susunod na mamumuno. Walang nakapagsabi." Mas lalo pang humigpit ang pagkasal sa kaniya ng ahas at ang pangyayari sa mata nito at patuloy lang na tinititigan ni Remus.

Hawig ng babaeng nakita ni Remus noon sa kalangitan ang babaeng nasa mata ng ahas.

"Nag-away ang mga magkakapatid, nagkagulo ang buong kaharian. Ang lahat ay naging magkaaway, hanggang sa isang araw, humiling ang isang anak ng namatay na hari sa isang diyos na tumutupad ng kahilingan. Gusto raw siyang maging hari tulad ng kaniyang ama. Sinabi ng binatang iyon na gagawin niya ang lahat ng gusto ng diyos maging hari lang siya, kahit na ano raw ay gagawin niya."

Sa isang iglap lang ay lumuwag ang pagkakasakal na iyon at bumalik ang ahas sa puwesto niya kanina. Si Remus na halos tulala at titig na titig pa rin sa isang shè, patuloy na isiniksik ang lasong ibinibigay sa kaniya at sa kuwentong kasalukuyang nangyayari.

"Gusto mo bang malaman ang susunod na mangyayari, Remus? Base sa nakikita ko, kusa kang luluhod at sasabihin ang sinabi ng lalaki kanina..."

Dahan-dahan at kusang lumuhod si Remus. Hindi niya makontrol ang sarili niya pero alam niyang hindi niya iyon ginusto. Ang matagal niyang pagtikom ay nawakasan na nang magsalita ito sa harap ng ahas.

"Lahat gagawin ko para lang maging hari, shè. Lahat," bulong ni Remus at maya-maya pa ay ang biglang pagsakit ng dibdib nito kung nasaan ang markang ibinigay sa kaniya ng ahas bago mawalan ng ulirat.

Agad na naglaho ang ahas sa puwesto niya kasabay ang pagpasok nila Wuan sa kwarto at nakita ang kapatid na tulala ngunit walang malay.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon