Kabanata 30

84 5 0
                                    

Tuluyang nanlamig ang katawan ni Seju dahil sa taong nasa kaniyang harapan. Halos masubsob na ito sa dibdib ni Seju habang pinipilit na tumayo sa gitna ng malakas na ulan.

Nagmulat ng mata si Shilo na nakaluhod pa rin sa lupa. Halos bumagal ang lahat ng nangyayari sa kaniyang paligid. Pati ang pagsigaw ni Meda ay hindi na rin niya narinig dahil ang atensyon lang nito ay ang dugong humahalo na sa tubig ulan na bumabagsak sa kaniyang harapan. Naiangat nito ang kaniyang tingin at tumambad sa kaniya ang kapatid niya.

"R-Remus," wala sa sariling bulong ni Shilo habang pinagmamasdan si Remus na hirap na hirap sa pagkakatayo habang ang punyal ay nakatarak sa dibdib nito.

Animo'y sinusubukan ni Remus na huwag palapitin si Seju upang matigil ang away.

Kusang binitawan ni Seju ang punyal na naiwan sa dibdib ni Remus hanggang sa humagulgol ito. Nanginginig na napailing si Seju na hindi malaman kung huhugutin niya ba iyon o hahayaan na lang. Ngunit ang kamay na ni Remus ang pumigil kay Seju. Si Remus na ang umiling at inilayo ang malamig na kamay ni Seju.

"A-Ayos lang. M-Magkakasakit ka at lamigin ka pa," nakangiting bulong ni Remus habang nilalabanan ang antok sa gitna ng malakas na ulan.

"B-Bakit? Bakit mo 'to ginagawa?!" singhal ni Seju hababg hawak ang pisngi ni Remus na nakangiti lang.

"M-Mahal ka ni Shilo, p-prinotektahan ka niya..." Halos hindi na marinig ang sinasabi ni Remus dahil sa sobrang hina at ang unti-unting pagluhod nito.

Walang salitang inilabas si Seju dahil sa pinaghalong galit, takot at panlulumo. Kahit hindi niya gaanong binigyan ng atensyon si Remus noon ay hindi niya ginustong mamatay ang kapatid. At mas lalong kahit na gaano kalupit magsalita si Remus sa mga kapatid niya ay ayaw niyang nag-aaway ang mga ito. Kahit pa nakatingin lang siya sa malayo at naririnig ang tawa ng magkakapatid ay kuntento na siya sa gano'ng bagay.

Tuluyang bumagsak si Remus dahilan para magtama ang mata nila ni Shilo na gulat na gulat sa pangyayari. Ang mga kamay nitong nakakuyom ay mabilis na sinalo agad si Remus at sinusubukang bigyan ng init gamit ang palad. Dahil sa nakikita ni Seju ay tuluyan itong tumakbo palayo sa mga kapatid nito at sa nag-aagaw buhay na Remus.

"S-Shil—"

"Nababaliw ka na ba?!" sigaw ni Shilo sa kaniya.

At sa unang pagkakataon ay roon lang sumilay ang ngiti ni Remus sa binata. Ngiti na walang halong galit.

"P-Pangarap ko noon makita ka kung paano magalit," natatawang usal ni Remus habang bumubuga ng dugo.

Panay ang iling ni Shilo na hawak-hawak lang ang katawan ni Remus na nakapatong na sa kaniyang hita. Natatarantang tumingin sa paligid ngunit and nakita niya lang doon ay si Meda na hindi rin malaman kung lalapit ba.

"M-Meda! Humingi ka ng tulo—"

"Ssshhh, hindi na. H-Huwag," bulong ni Remus. "Hindi ko na rin kaya Shilo. I-Inaantok na ako. Kahapon ko pa gustong matulog." Ngumiti ito sa kapatid saka agad na inangat ang hintuturo na nakaturo kay Meda.

"H-Huwag mo siyang pababayaan ah? Bantayan mo lang siya. T-Turuan mo. Kapa—"

"Remus!"

"Kapag nagtanong, sagutin mo lahat. Siya ang hahalili kay ama. Siya ang papalit at hindi ako," usal ni Remus na hindi pinapansin ni Shilo.

Natanaw na ni Shilo ang mga manggagamot kaya mas lalong lumakas ang loob nitong tapik-tapikin si Remus. Binalik nito ang tingin sa binata. Pinilit ni Remus na alisin ang harang sa dibdib nito kung nasaan ang markang tuluyan nang nawala.

"Bakit mo 'to ginagawa Remus? Ha? Bakit?!"

Imbes na sumagot ay ngumiti lang ito saka muling inalala ang mga nangyari noong mga bata pa sila.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon