222 BC
≿━━━━༺༻━━━━≾Isang lupaing walang pangalan.
Marami ang sumubok ang na agawin iyon ngunit kailangan dumaan ang lahat sa dahas. Talim ng punyal at matinding pananabik sa trono na matagal na panahon nang walang nauupo.
Isang lupain na kung saan ay lahat puwedeng maging hari. Ngunit sa mahabang panahon na pakikipagdigmaan ay tanging dalawang grupo na lang ang natira.
Isang babaeng halos aligaga sa panay lakad habang hawak ang malaki nitong tiyan. Nakasuot ng simpleng hanfu at sa ilalim nito ay ang kutis porselana nitong balat. Itsurang may dugong bughaw ngunit isa lamang siyang 'di hamak na naninirahan sa tabi ng Ilo sa dulong bahagi ng lupain na iyon.
Bahagya itong natigil nang makita niya ang kaniyang asawa na kanina pa nagmamadali dahil sa kasalukuyang digmaang na nangyayari sa sentro.
"Shèxi," tawag ng lalaki sa asawa ng buntis na agad na yumakap sa kaniya.
"Shi naman, huwag ka nang umalis. Hayaan mo na sila," pagmamakaawa ni Shè sa asawa nitong mariing umiling.
"Nag-usap na tayo mahal ko. Hindi puwedeng hanggang dito lang tayo. Sakim silang lahat, gagawin lang nila tayong alipin. Ano na lang ang mangyayari sa anak natin kapag nawala tayo sa mundo at mamuno ang mga barabas na iyon?"
Natahimik si Shè. Pilit na pinagmamasdan ang asawa nitong pursigido na makuha ang sentro. Hindi niya masisisi ang asawa dahil marami silang mga kalalakihan sa kanlurang bahagi ng lupaing iyon. Idagdag pa ang taggutom at hindi makatarungang parusa ng ilang mga nagpapanggap na pinuno. Malakas ang loob ng mga tao sa tuwing may hawak silang mga sandata kaya gano'n na lang ang pagpursige ni Shi na gumawa ng iba't ibang klaseng punyal. Si Shi ang pinuno sa lugar na iyon. Habang si Shèxi ang kaniyang asawa na malapit nang manganak.
"Si Hera ang magbabantay sa 'yo. Babalik ako rito para sunduin ka at sabay tayong papunta sa palasyo."
Huling salita na narinig ni Shè bago siya tuluyang iniwan ng kaniyang asawa.
Napakasimple lang ng pamumuhay nila. Ngunit mahahalata ang pagiging salat dahil sa mga taong nasa sentro na hindi inilalabas ang ilang pagkain para sa kanila. Kung wala kang pilak ay hindi maibibigay ang pagkaing gusto.
Ilang gabi ang lumipas. Walang Shi na dumating sa kubo na tinitirhan nila habang si Hera ay nakaalalay lang sa buntis. Si Hera ang isa sa malapit na kaibigan ni Shè at maaasahan sa pag-aalaga.
Sa isang banda, dalawang grupo ang naglalaban kahit pa kumagat na ang dilim. Nakakabinging ingay mula sa mga kalansing ng espada at hindi nakikilalang mukha dahil sa dilim. Basta na lang may mabutas na katawan at muli na namang papaslang. Paulit-ulit. Ilang araw, gabi na gano'n ang sitwasyon hanggang sa maubos ang kabila. Hanggang sa tuluyan nang maupuan ng isang lalaking namumuno sa grupo ng mga mandirigma na ngayon ay kikilalanin bilang pinuno. Bakit nga naman hindi, eh siya lang naman ang umakit sa mga kasamahan niyang lalaki na makipaglaban at angkinin ang lupain.
Lupain na walang pangalan.
"Nagwagi tayo!" ngiting sigaw ni Shi at sabay-sabay na itinaas ang espada nila.
Halos hindi mapigil ang ilang mga kalalakihan doon na matuwa at isigaw ang pangalan ni Shi. Hindi na ulit sila utusan o alipin man lang. Dahil mula nang maangkin ni Shi ang sentro ay tuluyan niyang napasakamay ang buong lupain.
Hindi naging madali ang unang linggo ng kaniyang pamumuno. Lahat at kinokonsidera niya at sinisiguro niya ang lahat ng tao ay magpapasakop sa kaniya. Hindi naman iyon naging mahirap dahil sa dalang grupo na naglaban ay mas gugustuhin ng tao na maki-anib sa grupo ni Shi. Kaya walang humpay ang tuwa nilang lahat nang mamuno nga ito.
Naging maayos ang lahat. Ngunit hindi ibig sabihin no'n ay hindi sila nakaramdam ng hirap. Dahil sa mga sakim na humawak sa kanila noon ay halos walang tinirang biyaya ang iniwan. Ang mga puno na puwedeng pagkuhanan ng pagkain at pinutol ng mga barabas dahilan para mawalan ang iba ng kabuhayan. Ngunit dahil sa talino ni Shi at determinasyon niya ay nagawa niya pa ring bigyan ng trabaho ang ilan.
221 BC
≿━━━━༺༻━━━━≾"Ganap na ipinakikilala ang ating mahal na Emperador Shi at ang kaniyang Emperatriz Shèxi! Na ating pagsisilbihan at handang pagbuwisan ng buhay. Ang ating lupain ay tatawagin Qin... o Tsina."
Halos mapuno ang tarangkahan ng palasyong iyon ng mga taong sumuporta sa kanila. Sa wakas, matapos ang ilang siglo ay ang Emperador Shi lang ang nakapagbigay ng pangalan sa lupain na iyon na mula rin sa kaniyang pangalan na Qin.
Ngunit kung siya at ang mga tao ay masaya, hindi gano'n ang nararamdaman ni Shè. Gusto man niyang suportahan ang gusto ng asawa, hindi niya pa ring maiwasan ang mag-alala ngayong nasa mataas na silang posisyon. Siya na ang tinuturing ina ng lahat dahil nasa kamay na rin niya ang lupain. Suot nito ang telang bago sa kaniyang paningin. Ang makukulay na palamuti sa kaniyang katawan, ang pulang mga lahas at kulay gintong hanfu. Ngunit ang higit na nakakakuha ang atensyon ay ang malaki nitong tiyan na inaabangan ng lahat.
"N-Natatakot ako Hera. Paano kung hindi ko magampanan ang tungkulin ko?" tanong ni Shè habang naglalakad sila sa kahabaan ng pasilyo at nakatanaw sa ilang bahagi ng palasyo na kasalukuyang inaayos.
Ngumiti ang kaibigan nito si Hera at inayos ang buhok nitong mahaba.
"Shè, alalahanin mo lang kung paano mo pinamunuan ang nayon noon. Naging maayos ka sa amin kaya nga hindi sila magdalawang-isip na samahan itong asawa mo dahil alam naming makukuha ninyo ang sentro. At isa pa, matalino ka, mabait, matulungin. Tinuturing mo ang iba kung paano mo ituring ang iyong sarili kaya paanong hindi mo magagampanan ang tungkulin?" pagpapagaan ng kalooban ni Hera sa kaibigan.
Ngumiti lang ito at saka hinimas muli ang tiyan at nakatakda nang manganak sa susunod na buwan, kaya wala rin siyang dahilan para maging malungkot dahil ganap na siyang magiging ina.
Sa hindi malamang dahilan ay hindi sinasadyang makita ni Shè ang isang babaeng nakasuot ng itim na hanfu. Ang mukha ng babae na halos hindi kayang tingnan ng lahat dahil sa takot. Singkit ang mata at ang puting-puti nitong balat na nakakasilaw tingnan. Idagdag pa ang ngiti na siyang nagbibigay kilabot sa karisma nito. Nakatitig lang ito sa pinaka-templo kung nasaan karaniwang nakalagay ang trono.
Hindi puwedeng magkamali si Shè, dahil nakita na rin niya iyon noon bago pa sila ipakilala sa buong palasyo. Walang araw na hindi dumadalaw ang babaeng iyon sa harap ng palasyo. At dahil bukas iyon sa lahat ay malayang nakakapasok mula sa entrada ang mga tao hanggang sa unang templo. Hindi na lamang pinansin iyon ni Shè.
Ngunit hindi niya puwedeng itanggi na may masama siyang kutob sa babaeng iyon.
BINABASA MO ANG
Bond of Survival | Completed
Fantasy[ZHŌNGGOU LEGENDS #4] In their kingdom, being alive is illegal and obeying the rule is crime. *** The prophecy says that China will be ruled by thirteen dynasties that can rather destroy it or build. During the 221 BC, when six major lands were rule...