Kabanata 19

119 7 0
                                    

"Anong nangyari sa kaniya?" bulong ni Remus habang lumalakad palayo sa silid ng dalaga.

Halos ngayon niya lang natitigan ang dalaga kaya hindi niya alam kung gano'n ba talaga si Meda noon pa. Hindi nito maintindihan kung bakit pamilyar sa kaniya ang mga mata ni Meda na nakita na nito noon pa.

Hindi rin nagtagal ay natanaw na nito ang ahas sa dating puwesto nito. Sa wakas, sa rami ng kaniyang tanong na inipon nito ay maisasagot na siguro iyon ng shè, literal na napangiti nang malawak si Remus dahil sa muling pagtatapat nila.

"Nagawa ko na," bungad ni Remus na ikinatango ng shè.

"Mayroon pa," bulong ng ahas at saka gumapang papunta sa harapan nito. "Hangga't hindi nawawala ang itim na marka sa dibdib mo, hindi pa matatapos ang lahat."

Napahinga nang malalim si Remus at tumingin sa kaniyang paligid na wala namang katao-tao. Ang tulay na ginagawa ay halos hindi na matanaw dahil sa sobrang layo at mukhang malapit ng matapos.

"Ano pa bang gusto mong gawin ko?"

"Sanayin mo siya gaya ng unang usapan. Lahat ay kailangan niyang malaman, ipakilala sa lahat ng tao at ituring mas mataas kaysa sa ama m—"

"Nagbibiro ka b—"

"Hindi ko ugaling magbiro, Remus. Maikling panahon na lang ang nalalabi. Bago mag isang daang araw, kailangan nang ipakilala ang susunod na emperador. Kaya kailangan mong kumilos."

Napangisi si Remus sa kaniyang narinig. Nakalimutan na nga ata nito ang lahat ng dapat niyang gawin dahil lang sa utos ng ahas na iyon.

"Humiling ka sa akin noon. Mahilig kang magbasa. Pero ang nakapagtataka lang kung bakit hindi mo alam ang tungkol sa bagay na iyon at masyado kang kampante," bulong ng ahas na hindi pinansin ni Remus dahil sa biglaang pagdaan ni Shilo.

Mabilis niyang tiningnan ang ahas na ngayon ay wala na sa puwesto na iyon. Napapikit pa ito nang mariin bago harapin si Shilo na nakangiting lumapit sa kaniya. Maaliwalas ang mukha ni Shilo'ng bahagyang lumawak ang ngiti.

"Ngayon na lang kitang nakita rito. Bigla kang namayat. Inaalagaan mo ba ang sarili mo?" tanong ni Shilo na iginala ang paningin kay Remus.

"Alagaan mo na lang si Andromeda, matutuwa pa ako," bulong ni Remus saka nilagpasan si Shilo na nangunot.

"Ah, ang dalagang kasama ni Seju?"

"Kasama ni Seju?" tanong ni Remus na bahagya pang nahinto sa paglalakad dahilan para magkapantay sila ni Shilo sa paglalakad.

"Oo, lumabas kanina ang Andromeda na tinutukoy mo. Kinausap siya ni Seju kanina at isinama sa kung saan. Babalik naman daw sila agad."

Tumango lang si Remus at nakasunod pa rin sa kaniya ang panganay nitong kapatid na titig na titig kay Remus. Gusto niyang magsalita, at gusto niyang sabihin ang totoo kay Remus sa mga nalalaman niya pero alam niyang hindi iyon maniniwala. Alam niyang desidido si Remus at maaaring magpatayan pa silang dalawa kung sabihin ni Shilo ang totoo.

"Lahat ng alam mo, ituro mo kay Andromeda. Pagpapatakbo ng kabayo. Ang tungkol sa mga libro kahit na anong tanong niya sagutin mo," usal ni Remus kasabay nang pagliko nilang dalawa.

Ngumiti lang si Shilo at saka tumango. "Magiging emperador ka rin," bulong ni Shilo dahilan para mahinto si Remus.

Sa gitna nang malawak na palasyo at banayad na hangin, nagtitigan ang magkapatid na may magkaibang dugo.

"Kahit na anong mangyari, lagi akong nasa tabi mo," ngiting bulong ni Shilo bago niya talikuran ang kaniyang kapatid.

Gano'n na lang ang paglunok ni Remus at ang kaniyang pag-iling nang paulit-ulit. "Huwag kang magpaka bayani Shilo. Iyan ang ikamamatay mo," ganti ni Remus at saka niya iniwang mag-isa si Shilo sa mawalak na lugar na iyon.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon