Kabanata 37

77 6 0
                                    

Maagang nagising si Wuan. Mayroon silang usapan ng kaniyang panganay na kapatid na mahalagang sasabihin nito bago man lang mamaalam si Shilo.

Bukas na ang paglilitis.

Ngunit parang wala lang sa magkakapatid kung magtawanan at magkukwentuhan sila sa mga nangyari no'ng mga bata pa sila. Hinayaan niya ang kaniyang buhok na nakalaylay upang mabilis na matuyo. Sinuot nito ang hanfu na may kulay na kaniyang palatandaan at natapos ayusan ang sarili ay nagdesisyon na itong lumabas sa silid kung saan may naghihintay sa kaniyang bantay.

Kailangan talaga ng bantay lalo na't pupuntahan niya si Shilo sa selda upang panandaliang pakawalan dahil sa mahalaga nilang pag-uusapan. Hindi man alam ni Wuan kung ano iyon ngunit dahil hindi siya nakatulog sa pag-iisip kung tungkol man saan ang bagay na iyon ay minabuti niyang agahan ang pagkilos.

Sa bungad pa lang ng selda ay naroon na si Shilo. Nakatali ang mga kamay at ang buhok din nitong nakalaylay lang. Parehas na ngumiti ang dalawa sa isa't isa at saka lumapit. May mga bantay rin sa likuran ni Shilo base na rin sa utos ng heneral kung nais na makausap ni Wuan ang kapatid niya.

"Si Seju?" tanong ni Wuan.

"Humihilik pa," sagot ni Shilo na sabay nilang ikinatawa.

Pumantay si Wuan sa kaniyang kapatid habang ang mga bantay ay nasa kanilang likuran. Walang sandata si Wuan dahil isa rin iyon sa utos. Malay ba ng mga Hòng Taò na patakasin ni Wuan ang kapatid niya, kaya mabuti na ang nag-iingat. Kahit naman anak siya ng dating hari, ay kailangang parusahan ang nagkasala upang matuto ang taumbayan mula sa kanila.

"Hindi mo pala sinabi kung tungkol saan ang pag-uusapan natin," panimula ni Wuan habang naglalakad sa gitna ng palasyo.

Maliwanag na ngunit hindi naman gano'n ka-init. Malaking tulong ang mga punong nasa bandang gilid.

"Ah, tungkol sa iyong ina," usal ni Shilo dahilan para mapahinto ito sa paglalakad.

Wala rin naman kasing lakas na loob noon si Wuan para magtanong kung anong klaseng ina ba ang nanay nito lalo na't iyon ang nag-alaga kay Shilo hanggang sa magtatlong taon si Wuan.

"S-Si ina?" pag-uulit nito na mariing tinanguan ni Shilo.

Muli silang nagpatuloy sa paglalakad. Sinasalubong lang ang hangin kasabay ang pagiging lutang ni Wuan sa sinasabi ng kaniyang kapatid.

"Nasabi ko na sa iyo noon na siya ang nag-alaga kay Ina no'ng pinagbubuntis pa lang ako. Siya rin ang nag-alaga sa akin noon hanggang sa ako'y mag-walo, at ikaw naman ay tatlo. Parehas sila ni Ina na mahilig magsulat, kaya no'ng pagtangkaing sunugin ni ama ang mga aklat ni Ina, tinago niya agad iyon sa mga taong walang makakaalam. Pati ang liham na ginawa niya para sa 'yo," mahabang usal nito.

Hindi puwedeng makalimutan ni Shilo kung paanong maluha-luhang paulit-ulit na hinahalikan ang pisngi ng inosenteng Wuan ng nanay nito. Ang pagbilin ng nanay ni Wuan ng sobre kalakip ang liham at inilagay sa madalas na taguan ng mga libro. Ang huling pagngiti ng nanay ni Wuan sa kanila at ang huling pagkanta para lang makatulog.

At sa pagdilat nila ay wala na ang babaeng nag-alaga sa kanila. Saka lang nalaman ni Shilo noon na pinaslang na si Hera. Ang nanay ni Wuan dahil sa batas na pinaiiral ni Shi na ang lahat ng ina ng kaniyang mga anak ay papatayin sa kadahilanang magiging banta sila sa trono.

"H-Hera? Hera ang pangalan niya?" pag-uulit ni Wuan nang sa wakas ay mahawakan niya ang sobre na siya pa mismo ang kumuha mula sa lihim na sisidlan sa bahay na tinututukuyan noon ni Shilo.

May nakabantay pa rin sa kanila ngunit walang pakialam sa nangyayari.

Tumango si Shilo at saka ngumiti sa kapatid nitong unti-unting namamasa ang mata. "Hera ang tawag ko sa kaniya, kung may tatawagin man daw akong Ina, iyon ay si Shèxi, ang inang emperatriz. Pero kadalasan, Ina ang tawag ko sa kaniya para magaya mo rin," bulong ni Shilo.

Tuluyan nang hindi napakinggan ni Wuan ang mga sinasabi ni Shilo dahil sa liham na naroon na hindi niya alam kung gaano na niya katagal tinititigan at hindi man lang sinubukang basahin. Pigil na pigil ang luha nitong mahulog at ilang beses pang napabuntonghininga. Nang sa wakas ay makahinga siya nang mabuti ay nagpasiya siyang itago iyon sa kaniyang damit.

"Matutuwa si Hera kung babasahin mo iyan."

"Makakaasa ka. Salamat pala Shilo. Hindi mo alam kung paano mo ako binuo muli dahil doon."

Umiling si Shilo. Nakatayo lang sa entrada ng selda at nakatanaw kay Wuan. "Malaki ang utang na loob ko kay Hera. Gusto ko man lang ibalik bago ako umalis," huling salita ni Shilo sa araw na iyon dahil bukas iyon na ang huli.

Wala nang makakapigil pa sa nakatakdang paglitis.

Napagdesisyunan nitong pumunta sa silid ni Meda. Dahil na rin bukas na ang nakatakda at marapat lang na alam niya kung anong klase at anong oras mangyayari iyon. Hindi naman madamot sa impormasyon si Meda lalo na't karapatan iyon ni Wuan bilang kapatid.

"Pagsapit ng alas-dose ang eksaktong oras sa paglilitis nila. Hindi ba sinabi nina Shilo sa 'yo?" pagtataka ni Meda na inilingan agad ni Wuan.

Magkaharapan sila sa iisang silid. Pinag-uusapan ang mga mangyayari bago at matapos mangyari iyon.

"Hahayaan kita kung gusto mong manatili roon. Pero wala na tayong magagawa Wuan. Tuloy pa rin ang paglilitis kahit na anong mangyari. At isa pa, hindi ako makakasama dahil bawal iyon."

Tumango si Wuan bilang pagsang-ayon. "Alam ko."

"Hahayaan kita buong umaga na kasama sila. Walang bantay o kahit na ano maliban sa bantay sa selda roon."

Kitang-kita ni Meda kung paano mapalunok si Wuan sa mga naririnig at isa pa, ang pagiging matamlay nito ay mas lalong nahahalata.

"Salamat. Pasensya na sa abala Huángdì," usal nito saka tumayo at nagbigay galang kay Andromeda.

Huángdì ay puwedeng itawag sa mga emperador na babae.

At dahil buong araw na siyang pagod kahit panay pakikipag-usap lang naman ang ginawa niya ay dumiretso ito sa kaniyang silid. Inasikaso ang sarili, kumain, naglinis at saka ibinagsak ang katawan sa kaniyang higaan.

Sa unang pagkakataon ay tuluyang napagdesisyunan ni Wuan na kunin ang sobre sa ilalim ng kaniyang unan at basahin ang liham ng kaniyang ina.

Qin Wuan
秦武安

Wuan anak ko, paniguradong pinaalam sa iyo ng kapatid mong si Shilo ang tungkol sa liham na ito. Hindi ko alam kung kailan niya ito maipapaalam ngunit may tiwala ako sa kaniya. At sa pagkakataong mabasa mo ito huwag ka sana magagalit sa ina. Huwag ka sana makaramdam ng poot sa kapatid mong Shilo kung siya'y naalagaan ko nang mas matagal kumpara sa iyo. May mga bagay talaga na hindi mo maiintindihan at hindi sasabihin sa iyo ng iyong ama. At umaasa ako na sa iyong pagtanda, sana maibigay ito ni Shilo upang lubos mo na maunawaan kung gaano ko hinintay ang pagkakataong masabi ito sa aking anak.

Ikaw si Qin Wuan. Ang ngalan ng iyong ina ay Hera at ang itong ama naman ay ang Emperador Qin Shi. Tatlong taon ka nang ginawa ko ang liham na ito habang nakikipaglaro ka sa akin habang si Shilo ay nagsasanay.

Wuan anak ko, gusto kong sabihin na mahal na mahal kita. Wala sa plano ngunit iyon ang nakatakda. Maging mabuti at masunurin lang bata. Timbangin kung ano ba ang tama sa mabuti at laging pakinggan ang opinyon ng ibang tao. Huwag kang makikisali sa agawan ng trono. Maging makuntento at mapagpasalamat sa mga bagay na mayroon ka. Kapag ika'y nagkaroon ng pamilya, huwag mong sasaktan ang iyong asawa pati ang iyong anak, dahil kahit ilang beses kang umiyak noon ay hindi ko nagawang pagbuhatan ka ng kamay. Huwag mong ipagpapalit ang pagmamahal sa ginto.

Dahil ang pagmamahal ay sapat na para ituring na ginto, anak ko. Sambahin mo ang iyong asawang babae sa paraan kung paano niya igalang ang iyong desisyon. At kapag dumating ang takdang panahon na alam mong kukunin ka na para muling ibalik sa akin, gumawa ka ng liham para sa iyong maiiwan.

Qin Wuan anak ko, aalis na si Ina. Hera ang aking ngalan. Pasensya na kung napa-aga dahil wala rin ito sa plano ko. Igalang si Shilo at ang ilan sa mga kapatid mo na iyong makikilala. Maging mabuti kang halimbawa Wuan. Laging maging mapagkumbaba at huwag piliting abutin ang trono na hindi para sa atin.

Qin Wuan anak ko. Patawad sa pag-alis ng maaga. Ang lahat ay may dahilan. Nandito lang ang ina sa iyong tabi upang gabayan ka sa lahat ng oras.

Hera.
赫拉

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon