Pinagsamang kulog at nangangalit na ulan ang bumalot sa buong lupain. Halos hindi makatulog ang lahat dahil sa pinagsamang lamig ng hangin at gulo sa mga utak nila lalong lalo na si Seju na kanina pa tinatapik ang kapatid niyang babae na nauna nang nakatulog. Bahagya itong tumagilid upang pagmasdan ang kaniyang kapatid na kamukhang-kamukha ng kaniyang ina kaya naman matamis itong napangiti.
Ang bilis talaga ng buhay ng isang tao.
Akala niya siya na ang maswerte sa magkakapatid dahil napagkalooban siya ng pagkakataon na makasama ang ina kahit sa kaunting panahon. Pero hindi ba dapat mapalad siya? Dahil ang ibang mga kapatid nito ay hindi man lang nasilayan ang anak no'ng may mga muwang na sila.
Ngunit agad itong natigilan nang alalahanin niya ang araw na napagdesisyonan niyang pumunta sa kaniyang ina.
"Bakit ba hindi mo na lang tulungan si Shilo sa likuran?" tanong sa kaniya ni Wuan habang nag-aasikaso ito ng sarili.
Nakasandal lamang si Wuan sa mismong bungad ng paliguan ni Seju habang pinagmamasdan ang kapatid na magbihis.
"Kaya na 'yon ni Shilo. Ikaw nga ang mas magaling maglipat ng kabayo eh. Baka bigla nila akong sipain kapag lumapit ako."
Napailing na lang si Wuan nang lagpasan siya ng bunsong kapatid. "Mga dahilan mo talaga ano? Saan ka na naman ba pupunta?"
Natigilan sa pagsuklay si Seju at saka sumilay ang nakakalokong ngiti. "Ayoko sabihin. Baka malaman mo na bibisitahin ko si ina."
Literal na nangunot si Wuan at sandaling napatingin sa kapatid nito. Nang maisip ni Wuan ang ibig sabihin ay sabay na napatawa ang dalawa na halos ikinamula nila.
"Ayaw sabihin pero sinabi?"
"Baka sundan mo ako eh. Sige na, alis na ako. Uuwi ako mamaya bago magdilim, sabihan mo pala si ikalawa na baka puwedeng siya muna ang mag-alaga sa asawa niya."
"Hindi niya 'yon asawa," usal ni Wuan saka iniligpit ang ilang mga damit ni Seju na nakakalat sa sahig.
Kunot-noong tumingin si Seju sa pintuan para makasigurong walang tao at saka siniko ang kapatid nito.
"Totoo? Paano mo nasabi? Sinabi ng babae?"
"Halata naman, Seju. Magkahiwalay sila ng silid tapos bihira lang silang mag-usap. Hindi naman gano'n ang mag-asawa."
"Baka gano'n lang talaga sila," depensa ulit ni Seju na napagpasyahang makisagap sa balita tungkol sa dalawa.
Umiling na naman si Wuan at saka tinupi ang damit na hawak. "Hindi nga. Alam mo namang trono ang gusto ni Remus hindi babae."
Tulalang sinipat ni Seju ang itsura ng kapatid niya na seryosong nakatitig din sa kaniya. Maya-maya pa ay bigla na lang ngumisi si Seju.
"Sus! Baka naman gusto mo 'yong babae? Inaagawan mo naman si Shi— aray ko! Masakit! Aray kasi Wuan!" Panay ilag ang ginawa nito dahil sa hampas ni Wuan ng Hanfu sa kaniya na halos ikinapula ng balat ni Seju.
Natatawang lumayo si Wuan at saka sumilip sa pintuan at bumalik ang tingin sa bunsong kapatid na nakanguso. "Loko ka. Ako pa ang dinamay mo."
"Nagbibiro lang eh."
"Pero totoo?" agad na tanong ni Wuan.
"Na alin?"
"Si Shilo?"
Dahil doon ay natawa na naman si Seju at agad prinotektahan ang sarili dahil sa paghampas ni Wuan.
"Kita mo? Isa ka rin naman! Siyempre hindi, alam mo naman 'yang si Shilo para na nating ama. Para siyang santo kapag kaharap ang babae, tapos si Remus parang wala laging pilak na hindi mo malaman kung ano," natatawang pang-iinsulto nito sa kanilang kapatid.
BINABASA MO ANG
Bond of Survival | Completed
Fantasi[ZHŌNGGOU LEGENDS #4] In their kingdom, being alive is illegal and obeying the rule is crime. *** The prophecy says that China will be ruled by thirteen dynasties that can rather destroy it or build. During the 221 BC, when six major lands were rule...