Kabanata 6

258 15 6
                                    

Iba-iba ang pananaw ng isang tao sa lugar kung saan sila naninilbihan, kung saan sila nabubuhay at sa mga taong may kapangyarihan na diyos ang tingin sa kanila ng mga mababang lipunan.

Masigla ang kabuhayan ng mga tao sa nasasakupan ng Qin. Hitik na hitik ang mga puno sa iba't ibang uri ng bunga at sa iba pang aspeto ng kabuhayan, ang lahat ay mayroong trabaho maski na ang pagpapakain sa mga kabayong transportasyon nila ay may nag-aasikaso rin. Malaki ang populasyon sa lugar na iyon lalo na sa sentro kung nasaan nakatayo ang kaharian ng Qin na pinapamunuan ni Shi.

Si Emperador Shi ang kauna-unahang emperador na nagbuklod sa lupaing nasasakupan niya at ang unang nagbigay ng pangalan dito bilang Lupain ng Tsina, na nagmula mismo sa kanilang pangalan na Qin o Chin. Kikilalanin man iyon sa hinaharap ay hindi pa rin maiiwasang alalahanin ang paraan ng pamumuno nito. Ang kamay na bakal na siyang tumatakot sa lahat ng tao.

Mataas ang sikat ng araw, at dahil masa mataas na lugar sila ay halos kapantay lang din nila ang bulubundukin na kung saan nakabilad ang mga matatanda at mga preso roon upang gawin ang mahabang tulay na ang paniniwala ng Emperador Shi ay ito ang magliligtas sa kanila laban sa mga nais silang patumbahin. Kaya naman imbes patayin ang mga taong nagkasala ay sila ang gumagawa ng trabaho at doon na rin sila inililibing upang mas lalong tumibay ang pundasyon na iyon.

"Hindi ba puwedeng magpahinga muna? Tingnan ninyo ako, tingnan ninyo! Hindi na ako makahinga!" Turo nito sa kaniyang sarili dahilan para tingnan sila ng kaniyang mga kapatid.

Napa-upo na lang ito sa malawak na sahig sa mismong harap ng mga sundalong nakapalibot sa kanila.

Ang walong magkakapatid ay nailing na lang, at ang iba sa kanila ay palihim na natawa. Halos magmakaawa na ang bunsong anak ng Emperador Shi na si Seju dahil sa sobrang pagod at halos puro sugat na ang kaniyang braso dahil sa pagsasanay nila.

"Tama si Seju, itigil na natin 'to, wala rin namang saysay dahil wala pa namang totoong kalaban, walang kuwenta lahat ng tinuturo ninyo kung hindi naman magagamit," anas ni Wuan, ang pangatlo sa magkakapatid.

Matatalas ang mga mata nitong may kasingkitan, malaki ang pangangatawan at ang mahabang buhok nitong nakalaylay lang, hindi gaya ng ibang kapatid nitong nakatali.

Yumuko lamang ang guro sa kanila at tinanguan ang mga Hòng Taò dahilan para mag-alisan sila. At dahil maituturing na tahimik ang paligid nila ay wala silang dapat na ipag-alala, marami silang Hòng Taò na sinanay kaya't panatag sila na walang mangyayaring masama.

"Aalis na kami, pupunta na lang kami sa ika-lima," pamamaalam ng ika-anim sa magkakapatid.

Maraming anak ang emperador, ngunit hindi ibig sabihin no'n ay kikilalanin silang anak, gaya nang nakagawian noong nagsisimula pa lang mamuno si Emperador Shi, ay ang iba sa mga anak niya ay mamumuhay bilang ordinaryong tao sa labas ng palasyo at papaslangin ang kanilang mga ina, tanging ang apat lang ang malayang nananatili sa loob ng palasyong iyon.

At dahil oras na ng kanilang pahinga ay naghiwa-hiwalay na ang iba. Si Remus, na pangalawa sa magkakapatid ay ang unang humiwalay. Kalahati sa buhok ay nakatali, nakasuot ng puting tradisyon na damit na Hanfu at ang bawat pagkalansing ng sandata nito habang naglalakad patungo sa paborito nitong lugar.

Diretso ang tingin sa daanan habang nilalagpasan ang matataas na tore patungo sa pinakadulong templo. Isang pambihirang templo na araw-araw niyang tinititigan at walang ibang hinangad kundi ang maupo roon. Ang maging katulad ng kaniyang ama.

Isang ngisi ang ibinigay nito sa pinaka-dulong mataas na upuan na napapalibutan ng kumikinang na bagay.

"Emperador Remus, mula sa pamilyang Qin na pinapamunuan ang lupain ng Tsina," bulong nito saka ngumisi, "hindi na masama."

Bahagya itong sumandal sa higanteng tore sa likuran nito at naipikit ang mata, muli na naman niyang sinalubong ang malakas na hangin kaya kusang dinala ang nakalaylay na buhok nito sa kaniyang pisnging may kaunting sugat.

Dahil sa sobrang tahimik ay halos maririnig sa palasyo ang alingawngaw ng boses ng mga gumagawa ng tulay, ang bawat bilang nila na halos nakakarindi na sa kanilang tenga. Mula sa hindi kalayuan ay kitang-kita ni Remus ang mga taong hirap na hirap sa paglalagay ng mga dayami sa haligi ng bato at ang ilang mga taong maingat na hinuhulma iyon dahil malaki ang posibilidad na mahulog sila.

Ang mahabang tulay na iyon ay ginagawa sa mismong tuktok ng bulubundukin.

Hindi na lamang niya iyon pinansin at nagtuon na lang sa nilalakad, ang ilan sa mga nakakasalubong niya ay kung hindi mga Hòng Taò ay mga kababaihang naninilbihan sa loob ng palasyo, puwedeng ang iba sa kanila ay inanakan ng hari o ginawang parausan.

Nang makarating ito sa kwarto ng kaniyang ama ay maraming bantay ang naroon, ang ilan sa kanila ay ang mga manggagamot at mga sundalo, binigyan ng daan si Remus at hindi pinigilang makita ang ama nitong halos nangingitim na ang kalahati ng katawan, ngunit patuloy pa itong humihinga na hindi alam ni Remus kung ikatutuwa ba niya.

Isang matandang lalaki ang nakaratay sa magara nitong higaan, nakatingin sa kaniya at para bang nagtatanong na naman kung ano ang pinunta nito sa kaniyang ama. Mas gugustuhin na lang ng Emperador Shi na huwag siyang dalawin ng anak dahil nauuwi lang naman iyon sa iisang usapan.

Ang susunod na papalit sa kaniya.

"Ama," panimula ni Remus at nanatiling nakatayo sa harap. "Hindi mo kailangang pahirapan ang sarili mo," mahina nitong usal saka kinuha ang bulaklak sa gilid at pinalitan ang luma.

Hindi malaman ng tatay nito kung pang-iinsulto ba iyon ngunit nanatili siyang tikom, sa lahat ng kaniyang anak, alam niyang si Remus ang mayroong dugong bughaw, dahil na rin sa pinagmulan ng nanay nito na hindi na balak pang ungkatin ninuman, na kahit ang emperador ay hindi niya gugustuhing ulitin.

"Katatapos lang ng pagsasanay. Kaunting sugat ang natamo ko samantalang ang paborito mo ay wala. Palibhasa'y iniingatang masiyado—"

"Remus," malalim na tawag sa kaniya dahilan para magtama ang kanilang mga mata.

"Bakit ama? Nakapili ka na ba?" matapang na saad nitong diretsong tumitig sa mata ng ama.

Kitang-kita na ang katandaan sa ama nito, ang kulubot na balat at ang namumuting buhok, ngunit nakadagan pa rin sa kaniya ang mga magagarang kasuotan.

"Hindi gano'n kadaling humawak ng imperyo Remus, kaya ko kayo pinag-aaral at pinapabasa nang sa gayon ay magkaroon kayo ng kaalaman."

Agad na nanguyom ang kamao ni Remus at ang mahinang pagtawa nito, ang mga tao sa loob ng silid ay nakayuko lamang at ang mga Hòng Taò ay diretso ang tingin.

"Ama, matagal ko nang sinabi sa inyo na noon pa lang ay namili na kayo, kung sakaling dumating ang araw na ito, may ipapalit agad sa inyo at walang magtatangkang angkinin ang Qin."

"Walang aangkin sa Qin, Remus."

Walang aangkin dahil sa isang tao lang iyon nararapat na ibigay.

Bahagyang napapikit ang emperador at saka tumingin sa palad ng anak na mas sinanay sa lahat ng aspeto, mas binigyan niya ng atensyon at halos buong buhay niyang kadikit. Kaya gano'n na lang din ang pagtataka at pagdududa ni Remus, kung bakit hindi masabi-sabi ng tatay nito ang susunod na papalit sa kaniya.

"Matuto kang magtiwala sa ibinigay sa 'yong kapalaran. Makukuha mo rin ang gusto mo," dagdag ni Shi sa anak nitong ngumisi.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon