Kabanata 10

143 10 4
                                    

Mas piniling iwanan ni Remus ang mga kapatid niyang nagkukwentuhan sa ilalim ng maraming bituing nagkukubli sa makapal na ulap at ang bahagyang pagkulog ng kalangitan. Hindi naman niya ugaling makipagkuwentuhan dahil hindi siya masalita, bakit nga naman niya bubuksan ang bibig kung walang kuwenta ang lalabas?

"Hindi man lang gumawa ng batas na itikom ang bibig kapag gabi na," bulong ni Remus sa hangin na kusang dinadala din ang manipis nitong suot na pantulog.

Kailangang makilala sila base sa kulay ng kanilang mga suot, at dahil puting kulay ang ibinigay kay Remus, iyon ang dapat niyang palatandaan kahit nasaan man ito.

Imbes na bumalik sa silid upang matulog ay mas pinili niyang mag-iba ng direksyon papunta sa pinaka-sentro ng palasyo, kung saan matatagpuan ang isang rebulto na madalas dasalan ng ama nito dahil sa paniniwalang iyon ang kanilang diyos... na hindi niya pinaniniwalaan.

Kung mayroong diyos, bakit kailangang mamuno ng kaniyang ama? Bakit hindi na lang maging emperador ang diyos? Bakit hindi siya nakikita? Sobrang daming tanong sa utak ni Remus na ngayon niya susubukan kung sasagutin ang mga iyon.

Nahinto ito sa hindi katayugang rebulto ng ahas na puting-puti at para bang hindi man lang nababahiran ng alikabok. Nakalabas ang dila nitong parang manunuklaw, at ang matang parang sinusundan ng tingin ang binatang papalapit sa kaniya.

"Ikaw siguro ang diyos na tinutukoy ni ama," bulong ni Remus.

Nanatili lang itong nakatayo roon at pinagmamasdan ang katawan ng ahas. May nakaukit pang pangalan na hindi masyadong mabasa dahil na rin sa sobrang tagal ng panahon na naroon iyon.

"Hindi ko alam kung naririnig mo ako o gumagawa ng mga kakatwang bagay, o tumutupad ng kahit na anong hiling dahil minsan nang nasabi ni ama na nangyayari ang lahat ng kahilingan niya dahil sa 'yo," dagdag pa nito at saka lumakad paikot sa rebultong ito.

Lumakad man si Remus ay nananatili naman siya sa loob ng bilog sa rebultong iyon, sinasalungat nito ang hangin kaya pati ang buhok nito ay bahagyang nililipad at saka muling huminto at maingat na tinitigan ang makamandag na tingin ng isang rebulto.

"Isa lang ang hinihiling ko, at habambuhay kong tatanawing utang na loob iyon," bulong ni Remus at dahan-dahang ngumiti.

Kasabay no'n ay ang paghangin nang malakas, hindi iyon normal na hangin dahil may kasamang sagot iyon ng isang ahas na kailanman ay siya lang ang makakaintindi. Bahagyang nawala ang ngisi nito at napatitig sa sahig kung nasaan ang kaniyang anino at ang hugis ahas na animo'y nakabulong sa kaniya.

"Shì shíhòule," mabagal na saad ng aninong ahas na iyon.

Ngunit alertong napatingin si Remus sa tabi nito at wala man lang nakitang kahit na ano roon. Nakapagtataka lang dahil nasa kaliwa niya ang rebulto ngunit nasa kanan ang anino. Agad na nilingon ni Remus ang puwesto ng ahas na hindi pa rin nagbabago ng puwesto. Agad na iniwan ni Remus iyon at saka bumalik sa kaniyang silid na pilit kinalimutan ang nakita.

Nang gabing iyon ay sa kalagitnaan nang pananahimik ng buong lupain ay nag-iingay naman ang kalangitan, panay ang pagkislap ng mga kidlat at ang malalakas na kulog na halos ngayon lang narinig ng mga naninirahan sa buong lupain. Ngunit dahil normal na lamang ang pag-ulan at hindi nila iyon pinansin. Halos lahat ng lugar ay mahamog, walang naglalakad maliban sa mga Hòng Taò na nakapalibot lang sa buong palasyo.

Sa muling pagkulog, ang kidlat ay kusang tumama sa rebulto ng ahas dahilan upang mawala ito sa puwesto. Ngunit imbes na mabasag ang batong iyon ay unti-unti itong nagkaroon ng buhay, ang matigas na yari sa bato ay naging magaspang na balat. Para itong nakalaya sa mahabang panahong pagkukulong sa batong iyon at sa wakas ay magagawa na niyang pagbayarin ang lahat, lalo na ang mga taong nagkasala sa kaniya.

Walang pakundangan itong gumapang sa kahabaan ng pasilyo na para bang alam na alam niya ang pasikot-sikot sa buong palasyo. Walang nakakapansin sa kaniya kaya malaya niyang magagawa ang kaniyang gusto. At dahil ang isa sa mga kailangan niyang gawin ay ang kapakanan ng lahat ay sinadya nitong puntahan ang mga anak ng hari at nag-iwan ng marka na siyang magsasabi kung ano ang magiging gampanin nila.

Habang lumalayo ang puting ahas sa silid ng mga magkakapatid ay unti-unti nang tumatalab ang lason na kaniyang ibinigay. Gano'n na lang ang paghinto nito nang makita ang silid ng Emperador. Muling nagbalik sa isipan ng ahas ang mga nangyari noon bago pa mapasakamay ng emperador ang tahimik na lupain. Naaalala niya pa kung paanong nilason ng ina ni Remus ang utak ng emperador dahilan para siya ang magdusa.

Sa isang iglap lang ay nakaharap niya ang emperador, malayong-malayo sa itsura nitong matikas noon, ngunit lumilipas ang panahon at ito na rin ang oras para tuldukan ang lahat. Habang nahihimbing ang emperador ay iyon na ang pagkakataon nang tuklawin nito ang puso at imbes na lagyan ng lason ang katawan ay hinayaan niyang unti-unting mapagod ang puso nito.

Lahat ay tahimik. Nagawa ng ahas ang dapat na mangyari. Natigil ang pagtibok ng puso at ang mabilis na pangingitim ng katawan ng emperador na minsan siyang napasailalim.

At ngayon, siya naman ang kokontrol sa lahat.

Pagpatak ng liwanag, imbes na sinag ng araw ang tumambad ay makulimlim na kalangitan ang sumilay sa lahat. Tahimik at marahil naiparating na sa lahat ang nangyari sa emperador na hindi inaasahan ng lahat dahil ang alam ng iba ay nasa loob lang ito at tahimik na gumagawa ng batas.

Ang magkakapatid ay nakatanggap ng liham mula sa tagapayo ng kanilang ama. Alam  nilang darating ang bagay na iyon ngunit hindi gano'ng kabilis. Ang lahat ay nakahanda na, sa pagpatak ng alas-dose ng tanghali lamang sila lalabas at suot ang kasuotang tradisyon na sa tuwing may namamatay sa palasyo.

Bahagyang naningkit ang mga mata ni Remus dahil sa kaniyang nabalitaan ngunit hindi nito alam kung dapat bang magsaya ngayong wala ng emperador. Tradisyon na rin sa kanila na maghihintay ng isang daang araw bago sabihin sa lahat ang susunod na hahalili kung wala mang taga-ibang lupain ang sasakop. Kampante naman sila na wala na, dahil ang ilan sa mga grupo noon ay napasailalim na ng namayapang Emperador Shi.

Ngunit bago pa man isuot ni Remus ang kaniyang hanfu, hindi nito maiwasang naningkit dahil sa balat nito sa dibdib.

Hugis ahas. Maliit na itim na ahas na nakalabas ang panuklaw gaya nang kaniyang nakita sa rebulto. Ngunit hindi niya iyon pinansin dahil malimit niya lang na makita ang balat niya, inisip na lang nito na gano'n talaga ang itsura ng itim na bagay na iyon na ibinigay sa kaniya ng naka-usap niya.

Dahil sa simula't sapul, iyon naman talaga ang hiling niya.

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon