Kabanata 14

119 11 7
                                    

Halos magtawanan sina Tigor at Mesa sa loob ng kuwebang iyon, ngunit ang totoo ay halos boses lang ni Meda ang naririnig. 

"Ikaw ama ang may kasalanan, kung hindi mo ako inutusan, hindi ako mahuhulog no'n!" natatawang usal ni Meda.

Halos nakaupo na si Meda sa harap ni Tigor na abala lang din sa pagkukuwento ng kung ano-ano tungkol sa pagkabata ng kaniyang anak. Ang lahat ng nangyari ay para bang kahapon lang naganap at sobrang detelyado kung alalahanin ni Tigor.

"Mabuti na lang at natuto ka, tingnan mo at mabilis ka na umakyat ng puno, magaling kang maghuli ng isda at kaya mong maghanap ng pagkain," kuwento ni Tigor. "Naalala mo pa ba noong naligo ka sa balon? Hindi ko pa rin alam kung paanong biglaang tumaas ang tubig doon dahil sa pagkakaalam namin ay malalim ang tubig no'ng oras na iyon, ang dahilan mo pa sa akin ay dahil maghahanap ka ng isda," kuwento ni Tigor.

Halos malukot ang noo ni Meda sa kaiisip kung kailan iyon nangyari, nakanganga na ito at napanguso nang maalala na nga niya.

"Ama! Sinabi ninyo kasi na basta may tubig, may isda!"

"Sinabi ko na sa tubig lumalangoy ang isda."

"Pero ikaw rin, nag-away kayo ni Robo," pagtutukoy nito sa kuneho. "Pinag-agawan ninyo kung sino ang magtuturo sa akin kung paano magpalaso, e, parehas lang pala kayong hindi marunong," natatawang anas ni Meda at napatakip pa ng bibig para pigilan ang paglakas ng tawa.

"Dahil nag-aalala lang ako at baka kung ano ang ituro sa 'yo ni Robo, mabuti at natuto ka rin kahit papaano. Ikaw pa namang bata ka, panay ka reklamo at matanong sa mga bagay at hindi mo naman paniniwalaan."

"Kasi nga ama, hindi ko naman nakita," natatawang depensa nito at saka inayos muli ang higaan.

Unti-unti muna nilang pinahupa ang kanilang tawanan nang oras iyon. At dahil hindi pa rin dinadalaw ng antok si Meda ay nanatiling nasa tabi pa rin siya ni Tigor na walang ibang ginawa kundi ang pagaanin ang sitwasyon at sulitin ang natitirang pagkakataon nito.

"Mahiga ka na para naman masuklayan ko ang buhok mo," utos ni Tigor na sinunod ni Meda.

Ugali na kasi ni Tigor na suklayan ang buhok ni Meda gamit ang mga kuko nito. Hindi naman niya masasaktan si Meda dahil si Meda iyon, anak niya.

"Lagi mong alagaan ang sarili mo anak, ang mga bilin ko huwag mo kalimutan. Pasensya na kung nawala ako, ngunit masaya ang ama dahil naalagaan mo ang sarili mo," bigkas ni Tigor na seryoso sa pagsusuklay.

Napangiti naman si Meda na walang ideya sa mga nangyayari. "Baka kasi magalit kayo kapag pinabayaan ko sarili ko. At saka nariyan naman si Robo, buti nga hindi siya masiyadong madaldal, hindi ko tuloy alam kung normal iyon."

Walang naging sagot si Tigor tungkol doon. Ni hindi niya inisip o sabihin man lang ang mga mangyayari. Panay bilin lang at pagpapaalala ang mga ginagawa nito sa anak dahil baka makaligtaan ito.

"Lagi mong uunahin ang mabuti, Meda. Hindi lahat ng tama ay mabuti, ngunit ang lahat ng mabuti ay tama. Darating ang panahon na walang maniniwala sa 'yo, at gusto kong protektahan mo ang iyong sarili. Huwag na huwag kang aasa sa iba dahil kapag nawala sila, anong silbi't nabuhay ka pa? Hindi mo kailangan maging malakas. Huwag mo hayaan na sumunod ang mga tao o ninuman sa 'yo dahil natatakot sila, hayaan mong sundin ka dahil gusto nila at alam nilang mabuti ka." Bahagyang napatingin si Tigor sa anak nitong nakapikit na, hindi pa man gano'n kalalim ang tulog pero alam niyang naririnig pa rin siya ni Meda.

"Nakakatakot ang maiwang mag-isa. Ngunit mas nakakatakot ang hindi mo kilalanin ang iyong sarili at hindi alam kung ano bang ganap mo sa panahong ito. Sana hindi umabot sa punto na tanungin mo ang iyong sarili kung bakit kailangan mong mabuhay. Dahil bago ka pa dalhin ni Lei rito... may dahilan na ang lahat."

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon