Parehas silang nagtititigan at nagpapakiramdaman kung sino ang mauunang magtatanong at magsasalita. Walang pakialam si Meda sa uod na gumagapang sa dahon na kinakain nito, mabuti na lamang at nahulog iyon. Malinis naman ang gano'ng klaseng uod dahil dahon lang din ang kinakain.
Napaunat ng ulo si Tigor at dumagundong ang boses nito sa loob ng kwarto nang bumuga ito ng hangin dahilan para magmadaling kumain si Meda. Lumakad si Tigor papunta sa gawi nito at bahagyang naupo sa likuran ng anak para hawiin ang mahaba nitong buhok.
"Suklayan at ayusin ang iyong buhok, huwag itatali hangga't wala kang asawa, at mas lalong huwag mo itong gugupitan hangga't hindi ipinapanganak ang iyong panganay," malalim na pagpapaalala ni Tigor kay Meda na automatikong napakunot na naman.
"Buhok lang 'yan Ama, may sinabi na naman kayo," anas ni Meda at saka sinubuan ang tatay niya ng prutas na agad ding kinain ni Tigor.
Nailing na lang si Tigor habang tinititigan ang anak na kumain. Sobrang imposibleng mapakain ang mababangis na hayop ng mga dahon dahil karne talaga ang kanilang pagkain. Ngunit nang dumating si Meda sa kanila ay may kung anong pumigil sa kanila na pagtangkaan ang mga tao na kainin.
Kapansin-pansin ang biglang pagkulimlim ng kalangitan at nabalot ng malalakas na kulog ang buong paligid. Parehas na nagkatinginan ang dalawa at literal na natulala si Meda. Ngayon lamang siya nakaranas at nakarinig ng gano'ng kalakas maliban sa boses ni Tigor.
Nagmadaling lumabas si Tigor sa bahay ng dalaga upang tingnan ang buong kalangitan, ang ibang hayop doon ay napatingin din at ang ilan ay hindi na lang iyon pinansin, dahil alam naman nilang hindi sila madadamay at maaapektuhan kahit alam nila ang ibang sabihin ng mga iyon.
"Ama? Anong nangyayari? Bakit sobrang lakas ng tunog na 'yon?" pang-uusisa ni Meda habang tinitingnan ang paligid nang makita nito ang kunehong iiling-iling habang naglalakad.
"Pumasok ka na Meda sa loob—"
"Tigor! Mabuti na lang at nakita kita," bungad nito kaya agad na napa-upo si Tigor at titig na titig sa kuneho.
"Ano na naman iyon? Kung tungkol lang naman sa kulog na nangyari ay huwag ninyo na pansinin, tipikal na ganiyan talaga kapag malapit na mag tag-ulan," tuloy-tuloy na sabi ni Tigor saka lumingon kay Meda. "Pumasok ka na sa loob at ligpitin ang nakakalat," utos sa kaniya na agad niya ring sinunod.
Ngunit bago niya pa isara ang pinto ay narinig na nito ang sinabi ng kuneho sa ama nito.
"Bakit ayaw mong sabihin ang totoo kay Andromeda? Ayaw mo man lang bang makapaghanda siya sa nalalabing oras niya rito?"
Kusang nangunot si Meda at mas lalong idinikit ang tenga sa pinto, alam niyang masama ang makinig sa usapan ng iba ngunit ibang usapan na kapag nasali ang pangalan niya roon.
"Kahit na paghandaan pa niya iyon, hindi niya kontrolado ang mga susunod na mangyayari, at kilala mo ang anak ko, hindi siya naniniwala hangga't hindi niya nakikita ang ibig kong sabihin. Oo't palatanong siya, ngunit hindi niya paniniwalaan ang bawat sagot na kailangan niya," paliwanag ni Tigor at wala ng narinig na iba.
Napako sa kinatatayuan si Meda, palibhasa ay totoo naman ang ibig sabihin ni Tigor na marunong itong makinig ngunit hindi siya agad na naniniwala. Lahat ng mga sinasabi ni Tigor sa kaniya ay hindi niya pinaniniwalaan maliban na lang kung nakita na niya, kinakalimutan niya rin kung palagay nito ay hindi importante. Niligpit na lang nito ang kalat dahil ayaw naman nitong mapagalitan siya.
"Sa ayaw kong maniwala e. Hindi naman nila pinapaliwanag ang nangyari noon, e. Bakit ako maniniwala ngayon?" bulong nito sa sarili nito at saka inayos ang buhok na hanggang pang-upo nito.
Naupo ito sa isang batong upuan at saka pinagmasdan ang mga paa nito at ang kaniyang hita, nangunot ito dahil wala naman siyang sugat o kahit na anong dugong tumatakas sa katawan nito, ngunit bigla siyang nanghina.
"Ama?" tawag nito kay Tigor ngunit walang sumagot.
Nanatili siyang naka-upo at hinayaan ang sariling mapirmi. Ni hindi niya magawang tumayo at mas lalong biglang nanlamig ang katawan nito.
"Ama?!" sigaw nito at sa ilang sandali pa ay biglang bumukas ang pinto.
Ngunit kabaligtaran ang inaasahan niya, ang kuneho ang dumating at saka kinuha sa higaan nito ang kumot ng dalaga at maingat na ipinatong sa katawan nitong naka-upo.
"Ikaw naman kasing Andromeda ka! Kapag may sinasabi si Tigor, laging makikinig, ayan tuloy, nanghihina ka na," pangpapangaral ng kuneho habang binabalot ng kumot ang katawan ni Meda para lang mahimasmasan.
"Ano bang ginawa ko? Sinunod ko na naman ang utos ni Ama na iligpit ang kalat ah," depensa nito.
Nagsitayuan ang dalawang tenga ng kuneho at saka masamang tumingin kay Meda. "Kaya nga, pero nakinig ka sa usapan namin? Anong akala mo sa Ama mo? Walang ilong? Naamoy ka no'n, malakas ang pakiramdam ng tatay mo kaya hindi mo siya maloloko," sabi ng kuneho saka pumunta sa mesa upang ayusin ang kalat na hindi naayos ni Meda.
Nakatitig lang si Meda sa ginagawa ng kuneho, unti-unting nahimasmasan ang katawan ni Meda, ngunit nanatili lang siya sa pag-upo roon at patuloy pa rin ang pag-iisip nito tungkol sa mga nangyayari mula pa kaninang umaga at sa kaniyang sarili. Agad na lumipat ang tingin nito sa kuneho na madalas magbigkas ng sobrang detalye, na kahit hindi naman kailangan ay nalalaman bigla dahil sa kaniya.
"Ano 'yong bagay na dapat kong malaman? May dapat bang sabihin ang ama sa akin?" Hindi na napigilan nito ang magtanong dahil doon.
Agad na natahimik naman ang kuneho at napalingon sa dalaga, ang dalawang tenga nitong nagsitayuan at ang ilong nitong paulit-ulit na sumingot. Agad na napalingon ang kuneho sa pinto upang tingnan kung naroon ba si Tigor, nang makumpirmang wala ay agad na lumundag-lundag ito papunta sa hita ng dalaga at pirming naupo.
"Ito na nga kasi, kapag may nangyayaring masama sa buong kalupaan na sakop ni Emperador Shi, kumukulog nang malakas at nagiging makulimlim ang buong langit, e, base sa sinasabi ng mga kwago, namayapa na ang isa sa mga tao sa kaharian kaya nagkaroon ng kagulugan na naman. Ang emperador kasi ang namatay kaya ang mga tao roon ay wala nang kumokontrol sa kanila. Malaya na silang gawin ang himagsikan na gusto nila noon pa," mahabang kuwento ng kuneho saka mahinang pinipindot-pindot ang palad ni Meda.
"E, ano namang kinalaman ko sa nangyari sa Qin? E, wala naman ako roon—"
"Mismo! Kapag nawala ang emperador ng isang lupain kailangang mayroong pamalit. Pero dahil walang napagbilinan ang emperador ay magulo lahat doon, nag-aagawan sa kung kaninong trono mapupunta iyon. Kaya ko sinabi sa ama mo kung wala ba siyang sasabihin sa iyo ay dahil base sa propesiya ay lalagpas ang pananakal ng Qin sa lupain na ito ng mahigit dalawang dinastiya bago mawala ang hari, at ipagpapatuloy ang susunod na dinastiya na sasailalim sa kahariang walang emperador. Matatapos lang iyon, kapag ang—"
"Andromeda!" Isang malakas na kalabog ang nangyari sa bahay na iyon dahil sa boses ni Tigor, dahilan para mapakapit ang kuneho sa braso ng dalaga.
"Ako'y aalis na, tandaan mo na lang lahat ng sinabi ko at bahala ka na ring umisip sa susunod na mangyayari." Lumundag agad ito palabas ng bahay.
Nagtama ang paningin nila ni Tigor, agad na tumayo si Meda ngunit inilingan agad siya ni Tigor kaya ito napirmi muli.
"Tapos na ba magkuwento sa iyo, 'yon?" tanong ni Tigor na inilingan ni Meda.
Halos lahat na lang ay hindi magawang kumpletuhin ang kuwento o kahit na anong sagot sa mga tanong nito. Nangangapa na lang siya parati sa malalalim na paliwanag ni Tigor at sa propesiyang sinasabi ng kuneho.
"Maraming mapapahamak sa madalas mong pagtatanong, anak. Matuto kang gamitin ang mata at subukang pagmasdan ang paligid. Tandaan mong hindi lahat ng sinasabi ng iba ay totoo. Matutong makinig, pero hindi ibig sabihin na lahat iyon ay paniniwalaan mo. Huwag ka ring magtatanong, kung hindi naman makakatulong sa kaalaman mo."
Ngumiti lang si Meda at saka niyakap ang tatay nito. Alam nitong nagiging matigas na ang ulo nito at matanda na si Tigor, mabilis lang ang oras sa kanila at hindi nila alam na halos ilang dekada na silang nasasakop at nagtatago sa gubat ng Beishou.
BINABASA MO ANG
Bond of Survival | Completed
Fantasia[ZHŌNGGOU LEGENDS #4] In their kingdom, being alive is illegal and obeying the rule is crime. *** The prophecy says that China will be ruled by thirteen dynasties that can rather destroy it or build. During the 221 BC, when six major lands were rule...