Kabanata 26

81 7 0
                                    

"Seryoso ka ba?" tanong ni Seju dahil sa sinasabi ni Remus sa kaniya.

Halos matigil pa si Seju sa pagliligpit ng mga kalat na kinalat ng maliit niyang kapatid. Bahagyang tumango si Remus na paulit-ulit na hinahasa ang talim ng kaniyang punyal.

"Oo. Sinabi na mismo ng Hui bago siya magpakamatay," usal ni Remus.

Halos hindi makapaniwala si Seju sa narinig nito. Kababalik niya lang mula sa paghahanap nito ng isang bagay at nasaktuhan pang naabutan niyang magulo ang palasyo. Ang pagkamatay ng kanang kamay ng tatay nila na Hui. Ang sinabi ni Remus na hindi nga siya ang hahalili sa ama nila.

Kahit papaano naman ay malungkot si Seju dahil bata pa lang sila ay iyon lang ang hangad ni Remus. Pero kilala niya ang kaniyang kapatid, at kahit siya ay hindi hahayaang maupo si Remus o mas gugustuhin niyang umalis sa palasyo. Ngunit ang hindi siya makapaniwala ay ang pagpapakamatay ng Hui base na rin sa sinabi ni Remus na punong-puno na kasinungalingan.

Alam niyang siya mismo ang tumapos sa buhay ng Hui. Akala ng iba ay nagbago na si Remus kaya madali siyang napaniwalaan ng bunso niyang kapatid. Hindi rin malabong sinasamantala lang ni Remus ang hinanakit na nararamdaman ni Seju para kampihan siya dahil parehas silang may pinagdaraanan.

"At walang sinabi kung sino?" tanong ni Seju na inilingan ni Remus.

Ngunit hindi ibig sabihin no'n ay hindi niya alam. Hindi lang siya sigurado kung sino sa dalawa. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba niya ang nasa libro o ang ikinikilos ng ahas noon.

Bahagyang natigil si Remus sa pag-usisa sa talim nito nang makita niya ang tinititigan ni Seju na kulay lilang tela na may pamilyar na marka. Napaupo ng tuwid si Remus at saka inalala kung saan niya nakita ang bagay na iyon. Isang tela na madalas nakapulupot sa damit nila. May gano'n din siya ngunit kulay puti. Agad na itinabi ni Seju ang telang iyon na may marka na ng mga dugo.

"Hinahanap mo pa rin?" tanong ni Remus.

Isang ngisi lang ang isinagot ni Seju at saka kinuha ang ilang kagamitan para sa kabayo nito.

"Hindi puwedeng magpakasarap siya sa buhay niya," usal ni Seju saka lumabas ng silid.

Nagmadali ito sa pagpunta sa kinaroroonan ng kaniyang kabayo na nanghihina na. Halos iyon na ang kasama niya sa lahat, kaya hindi niya kakayanin na mawala sa kaniya ang kabayong iyon. Halos lahat naman kay Seju ay binibigyan niya ng halaga. Kahit simpleng bagay pa iyan. Lahat ng biyaya ay pinasasalamatan niya.

Ngunit hindi ibig sabihin ay lagi siyang maging mabait. Kung may dahilan naman para magalit siya gaya ng normal na tao ay bakit siya pipigilan? Gusto lang niya masagot ang tanong niya. Sino ang pumatay sa kaniyang ina kung hindi ang mga opisyales?

Binagtas nito ang daan patungo kay Shilo. Sa mismong likod ng palasyo kung nasaan ang malawak na itsurang bukid. Sa mismong may kaliitan na bahay sa dulo ay naninirahan si Shilo. Nakahilera ang mga kabayong inaalagaan ni Shilo na handang isabak sa kahit na anong larangan. Hindi nga lang puwedeng palitan ni Seju ang kaniyang kabayo dahil hindi pa naman ito gano'n katanda.

"Shilo?" tawag ni Seju at tuloy-tuloy na naglakad papunta sa dulo.

Tanging huni lang ng ibon ang maririnig sa lugar na iyon. Napakunot pa si Seju dahil wala man lang lumabas mula sa bahay na iyon. Kaya agad niyang itinali ang kabayo at saka nagpatuloy sa loob.

"Shilo?" Hindi niya alam kung papasok ba siya dahil nakabukas ang pinto nang kaunti.

Ang bahay na gawa sa simpleng kawayan, at ang mga telang nagsilbing kurtina ang pantakip sa bintana nito. Napailing pa si Seju nang maaninag niya ang gabundok na mga librong mukhang binabasa pa ni Shilo.

"Ang hilig talagang magbasa," bulong ni Seju saka siya nagpasiyang kumatok at binuksan ang pintong iyon.

Tumambad sa kaniya ang maliit na kwarto. Nakaayos sa gilid ang higaan at nasa kabila naman ang libro. May ilang nakabukas at may nakaipit na kung anong papel. Napansin nito ang bintana na bahagya niyang binuksan para mapasukan ng sariwang hangin ang silid ni Shilo. Kitang-kita mula roon ang tulay na papunta sa kawalan dahil sa sobrang layo.

Napapikit pa si Seju dahil sa sariwang hangin na parang ngayon na lang niya naranasan. Ngunit sa pagdilat nito ay napansin niya ang libro na aksidente nitong naapakan. Nagmadali itong kunin iyon at nangunot din dahil pamilyar ang pabalat ng libro.

"Ito ang hinahanap ni ama noon ah," bulong ni Seju.

Ngunit akma na sana niya bubuklatin ang librong iyon nang agad na agawin iyon sa kaniyang kamay. Napangiti pa ito nang makita kung sino iyon.

"Nakakagulat ka naman Shilo. Naapakan ko kasi kaya pinulot ko. Binabasa mo lahat 'yan?" Turo nito sa may nga libro.

Agad na nag-iwas ng tingin si Shilo na hingal na hingal pa at saka maingat niyang inilagay sa ibabaw ang librong iyon at ngumiti.

"Ah oo. Ano pa lang pinunta mo rito?"

Naunang naglakad si Seju palabas ng kwartong iyon saka pinaikot-ikot ang bilog na bakal sa kaniyang kamay.

"Napilayan ata ang alaga ko. Hindi ako sigurado kasi pa-ika-ika siya. Tapos hindi na rin nakakatakbo. Baka sakaling alam mo kaya kita pinuntahan," mahinang saad ni Seju na tinapik-tapik ang kaniyang kabayong kumakain na ng mga damo.

Bahagyang tumango si Shilo at saka pumunta roon. Sinipat nito ang kabayo at kung ano-ano pa ang ginagawa. Naka-upo lang si Seju habang tinititigan ang alaga nitong nanghihina  pa rin.

"Pinilay mo na naman," natatawang panimula ni Shilo.

Natawa na lang si Seju at saka nilapitan ang alaga. Dahil nga sa panay pag-alis ni Seju ay hindi maiwasang babalik sila nang pilay o may karamdaman ang kaniyang alaga. Si Shilo lang din ang madalas na nag-aasikaso sa mga kabayo kahit pa may sarili naman silang manggagamot sa hayop.

"Saan ka ba kasi lagi pumupunta?" usisa ni Shilo.

Umiling lang si Seju na pinapakalma pa rin ang kabayo sa panay pagpadyak dahil sa paggagamot ni Shilo.

"Wala lang. May hinahanap lang. Wala na kasi akong tiwala sa mga konseho. Alam mo 'yon? Lahat na lang minamanipula nila."

"Hindi naman lahat kasalanan ng konseho."

"Hindi nga lahat. Pero nasaan 'yong may mga kasalanan? Ni hindi naman natin alam. Kung wala sa konseho, nasaan?"

Doon natahimik si Shilo. Bahagya siyang napangiti dahil kahit papaano ay marunong nang makipagsagutan si Seju. Noon lang ay kinakaya siyang awayin ng iba nilang kapatid na nasa labas ng palasyo. Kung noon ay tinatanggap na lang ni Seju at lalapit kay Shilo para umiyak.

Ang bilis nga naman ng panahon kumilos. Sa sobrang bilis ay nalilimutan na nila ang mga simpleng bagay na nagpapasaya sa kanila dahil nasasapawan na iyon ng mga problema.

Hindi na sila bata.

Hindi na mauulit ang karanasan na iyon.

Kaya hangga't maaari, bago man matapos ang isang araw, sinisigurado nilang may magagawa silang hindi nila pagsisisihan.

Dahil paano kung iyon na ang huli?

"Bakit pala hindi ka na masiyadong lumalabas ng silid mo? Kami ni Remus mukhang maayos na. Siya na ang kusang lumalapit sa akin at kay Wuan. Magiging maayos naman kayo 'di ba?" tanong ni Seju.

Wala nang panahon para maging maayos pa dahil nakasanayan na nila iyon. Kung mayroon man, sana noon pa.

"Maayos naman kami ni Remus. Hindi nga lang gaya noon."

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon