Kabanata 36

79 6 0
                                    

"Nangangati ka na?"

"Oo eh. Wala pa kasi akong ligo kaya ang baho mo na."

Sabay nagtawanan ang magkapatid. Ang panganay at ang bunso ng Qin. Sa isang templo kung saan matagal nang hindi nagagamit ay naroon ang dalawang magkapatid. Magkaharapan sila sa magkabilang silid at ang tanging paraan lang para makapag-usap sila ay ang rehas na kasama na nila sa nakalipas na dalawang buwan.

Dahil sa kasalanan ni Shilo sa pagpatay sa nanay ni Seju ay nagpasiya siya mismong sumuko at panagutan ang mga nangyari. Habang si Seju na naging dahilan nang pagkamatay ni Remus ay kusa ring sumuko dahil sa konsensyang hindi siya pinatulog.

Kung noon ay ang mga nagkakasala ay pinapahirapan hanggang sa mamatay, ibinalik ng konseho ang pinaka-unang parusa sa kanila. At iyon ang pagbigti sa takdang panahon para pagbayaran ang mga kasalanan. Gustuhin mang baguhin ni Meda ang batas na iyon ay huli na dahil nagawa nila Seju at Shilo ang kasalanan sa panahon na hindi pa nauupo si Meda bilang emperador. Kaya kinailangan pa rin nilang sundin ang tradisyonal.

Nakasandal lamang si Shilo sa dingding, hahang si Seju ay nakadikit ang ulo sa rehas hahang pinagmamasdan ang kuya nitong nakapikit lang. Nakasuot lang sila ng kulay kahoy na hanfu at ang palatandaang nilang kulay na nasa kanilang ulo.

"Sayang talaga, akala ko magkakaanak ako," bulong ni Seju dahilan para mapadilat si Shilo at matawa.

Ngumiwi naman si Seju at napanguso. Agad nitong hinagis ang binilog-bilog niyang dayami sa katapat nitong rehas.

"Ikaw nga na 'di hamak na mas matanda sa akin eh walang pamilya. Sa edad mong 'yan dapat mayroon ka ng Meda at mga anak," pang-aasar ni Seju dahilan para mabilis na matahimik si Shilo at tumingin sa ilabas at sa paligid.

Nang walang tao ay saka niya ginantihan ng dayami si Seju na walang tigil ang pagtawa. "May makarinig sa 'yo Seju! Bakit mo naman dinamay ang emperador dito? Hindi mo na dapat siya tinatawag na Meda lamang," pangangaral ni Shilo.

"Pasensya naman. Hindi lang kasi ako makapaniwala at sobrang bilis ng pangyayari." Sandali itong natigil at natitigan ang mga dayaming abala niyang hinuhulma. "Tingin mo ba kilala pa tayo ni Remus? Kapag nagkita-kita tayong tatlo magbabati pa rin ba kayo?" ngiting tanong ni Seju.

Parehas lang silang natahimik at naghihintay sa sagot. Nasanay na lang sila na mag-usap at kusang umalingawngaw ang boses nila sa seldang iyon. Sila lamang ang tao sa ibabang bahagi maliban sa mga Hòng Taò na nagbabantay sa kanila na wala namang pakialam sa usapan nila.

Gusto lang talaga nilang sulitin na ang huli dahil hindi na nila mararanasan ang mga bagay na iyon.

Paano kung sa kabilang buhay hindi na sila magkakilala? Hindi na sila magkapatid?

"Hindi naman siguro tayo makakalimutan ni Remus dahil ilang buwan lang ang agwat natin sa kaniya kung sakali," kalmadong saad ni Shilo.

"May mga gusto ka pa bang gawin Shilo? Baka puwede tayong humiling kay Wuan at Emperador na gawin iyon kahit sa loob ng isang araw lang," alok ni Seju na agad idinikit ang mukha sa selda at kinalag-kalag iyon.

Napatawa na lang si Shilo at saka tinititigan ang kuko nito. Madali lang kung tutuusin na sagutin ang tanong na iyon. Oo, marami pa siyang gustong gawin, ang lumibot sa buong lupain, ang magkaroon ng pamilya at kahit papaano ay tahimik na pamumuhay na mukhang hindi na mangyayari.

Kadalasan talaga, nangyayari ang mga bagay na hindi nakaplano.

"Wala na. Nagawa ko naman na gusto ko. Maging maayos lang ang lahat at masabi kay Remus ang totoo kahit huli na," usal ni Shilo.

Hindi naman maiwasang malukot ang mukha ni Seju nang maalala niya ang gabing iyon. Ilang beses na humingi ito ng tawad kay Shilo at ilang beses din siyang pinatawad. Napakaswerte niya pa dahil may gano'ng klase siyang kapatid, na handa siyang iligtas.

Siguro nga, tama lang na hayaan ang dapat na mangyari. Dahil paniguradong may sapat na dahilan ang mga iyon.

"G-Gusto ko sanang patulugin ang bunso kong kapatid bago ako mawala, kahit iyon lang," bulong ni Seju sapat na para hindi marinig ni Shilo.

Sa oras na ring iyon ay parehas na napatingin ang dalawang preso sa pasilyo dahil sa umaalingawngaw na lakad doon. Ngunit gano'n na lang ang ngiti ni Seju dahil sa makulit na pagtakbo ng kaniyang kapatid na dalawang taong gulang na.

Dahil nasa rehas ay tanging kamay lang ang inilabas ni Seju at maluha-luhang hinagkan ang kapatid nitong malayang nakangiti. Ang pagdating ni Meda sa kanilang harapan ang naging hudyat para tumuwid ang mga ito ng tayo at saka bahagyang yumuko.

"Pinapakain ba kayo nang maayos?" nag-aalalang tanong ni Meda na tinawanan ni Shilo.

"Siyempre, nalalapit na eh. Dapat lang na masarap ang pagkain—"

"Ika-sampu—"

Umiling si Meda sa kaniyang Hui. "Ayos lang. Ganito talaga kami mag-usap. Huwag ninyo akong tawagin kamahalan, maaari ba? Hindi ako sanay," bulong ni Meda.

Kahit pa matigas ang ulo ay wala na ring nagawa ang Hui at ang isang bantay na babae ni Meda. Siya pa rin naman ang emperador kahit na anong mangyari. Pinagmasdan ni Meda ang lugar kung nasaan ang dalawang taong walang pag-aalinlangang tumulong sa kaniya rito.

Ang mga dayami na nakakalat sa kanilang sahig at ang kaunting gamit lalo na ang kumot, ay nasa bandang gilid. May kaniya-kaniyang tubig sila roon at puwedeng makain.

"Sa susunod na araw..." Hindi malaman ni Meda kung sasabihin niya ang ang susunod na salita dahil mukhang alam na iyon ng dalawang binata.

Mas piniling ngumiti ni Meda at tingnan na lang ang bata na naglalaro ng dayami. "Mas gugustuhin kong maging preso na lang kayo habambuhay kaysa hatulan ng gano'ng klaseng parusa," mahinang usal ni Meda.

"Siguro, isa na lang iyan ang puwede mong gawing batas para sa mga susunod na magkakasala."

Walang naging sagot si Meda. Mahirap magbigay ng salitang hindi nito mapaninindigan. Marami pa siyang gustong magawa o mabago man lang nila sa nakasanayan ng mga tao at gusto na muna niyang simulan sa sarili. Hangga't hindi siya nagiging kumpleto, hindi niya mabubuo ang totoong kahulugan ng imperyo.

Bahagyang natigil si Seju sa pakikipaglaro sa kapatid nito. Kinuha nito ang bulaklak na kaniyang ginawa gawa sa dayami. Kapansin-pansin ang kagandahan at paniguradong hindi agad mabubulok dahil magaling si Seju sa mga bagay na gawa sa kamay. Inilabas niya ang kamay sa rehas at inabot kay Meda.

Mapait itong napangiti. "Kung maaari sana, pakilagay na lang sa puntod ni Remus. Tapos pakisabi sa kaniya malapit na kaming magkasama kaya hindi na siya mag-iisa," ngiting sabi nito.

Mahirap man para kay Meda na naririnig ang salitang iyon kay Seju ay pinilit niyang maging pormal. Hindi siya sanay sa Seju na nakikita niya. Wala na ang mga ngiti na halos nagpapasingkit sa mata nito. Wala na ang Seju na kakaway sa kanila mula sa malayo, dahil kung mangyayari man iyon ay sa kabilang buhay na.

Tumango si Meda at saka inabot iyon. "Makakaasa ka. Sa ngayon, dito na muna ang kapatid mo para maka-usap mo. Ilang beses din kasing kinukulit si Wuan," pilit na tawa ni Meda at saka bahagyang yumuko sa dalawa saka tumalikod.

Ngunit bago siya makalayo sa rehas ng dalawang prinsipe na isang gabi na lang ay babawiin na sa lupain ng Tsina, narinig pa nito ang boses ni Shilo.

"Hindi kami malas, kung mabuting emperador ang pag-iiwanan namin sa lupaing minsan kong inayawan. Makikilala ka bilang mahusay na pinuno Andromeda. Nakatatak na ang pangalan mo sa aming lahat."

Bond of Survival | CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon