Lincoln Eunice
Nagising ako na may malapad na ngiti sa aking mga labi. Ewan ko ba, parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ko ngayong umaga. Siguro dahil birthday ko kahapon, o baka dahil sa lahat ng nangyari sa pagitan namin ni Veronica.
"Magandang umaga, tanda!" masayang bati ko agad kay Lola nang makita ko itong prenteng nakaupo sa sala, abala sa panonood ng kaniyang paboritong morning talk show habang humihigop ng mainit na kape.
Saglit lang itong nag-angat ng tingin sa akin, tinaasan ako ng kilay na tila ba sinusuri kung bakit over-the-top ang energy ko ngayon, bago muling ibinaling ang atensyon sa TV.
"Anong nakain mo at parang nakalunok ka ng sikat ng araw sa sobrang liwanag ng mukha mo?" tanong niya na may halong biro.
Mahina na lang akong natawa. "Wala naman, La. Masaya lang talaga ako." Naiiling na nagtungo agad ako sa banyo upang maligo.
May pasok ngayon at hindi ko mapigilan ang excitement na makita siya. Umuwi itong si Lola kahapon ng hapon dito sa bahay, saktong-sakto dahil kakaalis lang din ni Veronica nung sandaling iyon. Literal na nag-salubong lang yata sila sa kanto. Buti na lang talaga at hindi sila nag-abot, dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung anong paliwanag ang ibibigay ko kay Lola kapag nalaman niyang ang amo niya ay narito sa bahay namin... at nasa kwarto ko pa.
Isang malaking ginhawa na rin para sa akin na hindi na ako tinanong ni Lola kung kaninong sasakyan yung bagong sedan na nakaparada sa harap ng bahay namin. Siguro inisip niya na sa kaibigan ko lang 'yun, o baka naman ayaw niya lang muna akong uriratin.
Pagkatapos maligo, mabilis kong hinanda ang mga gamit ko. Isinuot ko ang uniform ko na halos bagong plantsa pa, bago mabilis na sumubo ng almusal.
"Aalis na po ako, La!" paalam ko sa kaniya habang isinusukbit ang bag ko sa balikat.
Kunot-noong napatingin sa akin si Lola bago dahan-dahang itinaas ang kaniyang kamay at itinuro ang orasan na nakasabit sa dingding. "Alas-sais pa lang, Lincoln. Alas-otso pa ang klase mo, 'di ba?"
Napatingin din ako sa oras. Lihim akong napangiwi at alanganing natawa. Patay, masyado ngang maaga.
"Hindi naman halatang excited kang pumasok, ano? Baka gusto mong tulungan muna akong magwalis dito sa harap bago ka umalis?" taas-kilay at sarcastic na dagdag pa niya.
Natatawang nagkibit-balikat lang ako sa kaniya. "Hayaan mo na, La. Para hindi ako ma-late sa traffic. Sige na, alis na ako—"
Akmang maglalakad na sana ako palabas ng pinto nang bigla siyang magsalita muli, dahilan para mapako ako sa kinatatayuan ko.
"May pinapasabi pala yung alaga ko... nakalimutan ko lang sabihin sa'yo kagabi dahil pagod ako."
Dahan-dahan kong nilingon si Lola. Ang kaniyang mukha ay lumambot, at may bakas ng matamis na ngiti ang nakasilay sa kaniyang mga labi. "Happy Birthday daw sa'yo, sabi nung bata. Miss na miss ka na daw niya."
Bigla akong nakaramdam ng kurot sa puso. Ang batang makulit na 'yun... kahit minsan ay nakakapagod alagaan, siya ang nagpapakumpleto ng araw ko.
"Inutusan din ako ng alaga mo na i-kiss ka daw para sa kaniya," nailing na sabi ni Lola na tila hindi makapaniwala sa pagiging malambing ng bata. "Sobra ang kapit sa'yo ng batang 'yun, Lincoln."
Napakagat-labi ako, pilit na pinipigilan ang luha na gustong kumawala. Miss na miss ko na rin ang batang iyon. Ang tawa niya, ang maliliit niyang kamay, at ang paraan ng pagtawag niya sa pangalan ko.
"Sa totoo lang, kinukulit ako nung bata kahapon dahil gusto niyang sumama sa akin dito," kwento pa ni Lola habang pinapatay ang TV. "Gusto ka na daw niyang makita at mayakap. Ang kaso, hindi pumayag ang Daddy niya. Ang Mommy naman niya... ayun, missing-in-action na naman sa bahay nila. Ewan ko ba sa batang 'yun, parang palaging naghahanap ng atensyon sa ibang tao."
